"Naku! Anong ginagawa mo d'yan?" sabi ng binata sa malaking asong itim na nasa loob ng kulungang bakal. "Hinuli ka ba ni tiyo?"
Galit ang aso, nanlilisik ang pulang mga mata at naglalaway pa, ngunit hindi ito tumatahol.
"'Wag kang matakot." pang-aamo ng binata, "Hindi kita sasaktan..." naubo ito at dinaan sa mukha ang braso nyang manipis. "Sa katunayan, hindi kita kayang saktan sa kundisyon kong ito."
Binuksan ng binata ang pinto ng kulingan.
Natigilan ang aso na tila nakikiramdam, tapos ay lumabas din ito, ngunit naka titig pa rin sa lalaki.
"Ikaw ba ang matagal nang binabantayan ni tiyo?" tanong nya sa hayop na nakayuko ang ulo at nakatitig pa rin sa kanya. "May inaabangan nga raw sya... at matagal na n'yang pilit hinuhuli dito sa may kahuyan, kaya buti pa umalis ka na, bago ka pa nya makita."
Hindi agad umalis ang aso. Lumapit ito sa binata, tila nangungusap ang mata, tapos ay dinilaan ang kamay niyang kapantay ng kanyang nguso. Umalis din ito sa wakas, ang malaking itim na asong walang buntot, at tuluyang nawala sa gubat.
"Walang kuwenta ka talagang, Kevin!" Hiyaw ng matandang albularyo. "Alam mo bang ilang buwan ko nang pilit hinuhuli ang aswang na iyon?! Tapos ay pinakawalan mo lang?!" Inangat nya ang dala nyang tungkod at ihinampas ito sa balikat ng pamangkin n'yang napaluhod sa lapag.
"T-tiyo Joven... tama na po... hindi ko po alam na..."
"Tumahimik ka!" muli s'yang nahampas ng makapal na tungkod. "Talagang mula ng iwan ka rito ng mga magulang mo ay puro kamalasan na ang dinala mo!" sigaw nito. "IIang dasal ang inilagay ko sa kulungan na iyon, at ilang inahin din ang kinatay ko bilang pain, tapos ay pakakawalan mo lang ang nahuli kong aswang?! Malamang ay pumupunta yun dito para kainin ka, tapos ay pinakawalan mo lang?!"
"T-tama na po... tiyo..." napaluha ang binatang si Joven sa paulit-ulit na hampas sa kanyang murang katawan.
"Pumunta ka na sa kuwarto mo!" sigaw ng matanda. "At 'wag ka nang umasang maghapunan pa!"
Halos gumapang ang binata papasok ng kanyang tulugan. Isa lang itong maliit na kuwarto sa silong nang kanilang kubo. Lupa ang sahig nito na nagpuputik tuwing may ulan at tanging papag na may butas lang ang kanyang higaan. Pinatungan nya ito ng ilang karton at dito sya natutulog, balot ng manipis na kumot na halos di umabot sa kanyang paa, kaya't napipilitan syang mamaluktot.
Mababaw lang ang tulog ni Kevin dahil sa tinding gutom. Paulit-ulit nyang napanaginipan ang kanyang mga magulang.
"May pupuntahan lang kami." sabi nila.
"Babalik agad kami, ang tiyo Joven mo muna ang magbabantay sa iyo..."
Pero hindi na sila bumalik.
Lumubog ang barkong sinakyan nila pa-Maynila, at walang naligtas sa mga nakasakay dito.
Napadilat si Kevin, inuubo, pinagpapawisan. Nakarinig sya ng kaluskos.
"Tiyo?" bulong nya sa dilim.
Nakarinig sya ng ingit.
"Ah, ikaw ba yan?" umupo sya sa pagkakahiga at nakita ang malaking asong itim na naka upo sa paanan nang kanyang kama.
"Paano ka nakapasok dito?" tanong nya, nang mapansin ang hukay sa tabi ng pader nyang kawayan. "Ah, ang talino mo naman!" nilapitan nya ang aso at hinimas ang balahibo nito. "Nag-aalala ka ba sa akin?"
Muling umingit ang aso.
==============================
Basahin ang buong kuwento sa Librong Itim Vol. 8
'Librong Itim 8' is available in Precious Pages stores (physical and online) as well as in Lazada and Shopee and other major bookstores nationwide.
BINABASA MO ANG
Mga Kuwento sa Dilim
Mystery / Thrilleroriginal stories mainly of a dark nature mga kuwentong masarap pagsaluhan sa dilim. This is a collection of one shot short stories written in Filipino. Ano man ang inyong piliing basahin, sana ay matagpuan ninyo ang kilabot na inyong hinahanap ====...