Napatingin ako sa salamin. Mukhang lumalabas nanaman ang roots ko, kailangan nanamang magpa-kulay.
"Anak, papasok ka na ba?" tanong ni nanay. "Kumain ka naman kahit konti, o kaya magbaon ka na lang ng tinapay."
"Okay lang, nay, busog pa po ko." nagsuot ako ng relo at inayos ang nameplate sa chest pocket ko, "Bibili nalang po ako sa school."
"Hay, bagay na bagay talaga sayo ang uniporme mo!" sabi ni nanay habang inaayos ang puti kong collar. "Mag-ingat ka sa biyahe ha?" hinalikan nya ko sa pisngi bago ako pinaalis.
Currently, 4th year Physical Therapy student ako ng MabungaUniversity. Napili ko ang kursong ito dahil dati akong nasangkot sa aksidente sa motor, at malaki ang naitulong sakin ng mga therapist para makabalik ako sa dati. Balak ko rin maging doctor balang araw, isang pedia, para sa mga bata. Marami akong pangarap, pero sa ngayon, ang immediate goal ko eh ang maabutan ang kaibigan ko sa bahay.
"John." tawag ko sa isang maliit na apartment na may ilang bahay ang layo sa amin. "Nandyan ka pa ba?" Bumukas ang bintana at sumilip sa akin ang isang mukhang nalilibutan ng kulot na buhok.
"Shawn!" tawag nya sakin. "Buti naabutan mo pa ko, paalis na nga ako eh." sinara nya muli ang bintana at kinandado ang pinto pag-labas nya. Nakasuot din sya ng puting uniporme. Ang puting bagay na bagay sa pagkatao nya.
"May dala ka nanamang pandesal?" tanong ko sa kanya. "Dadaan ka ba uli sa rotonda?"
"Oo, nangako na ko sa mga bata eh." sagot nya.
Madalas kasing daanan ni John ang mga bata doon para bigyan ng almusal.
"Ingat ka." sabi k o sa kanya, "Ang mababait, maagang kinukuha ni Lord."
"Eh, 'di okay lang, pareho tayong maagang mamamatay!" pareho kaming natawa. Kung alam mo lang...
Mahilig kami pareho sa mga bata. Mahilig parehong tumulong, at tulad ko, medicine din ang kinuha nyang kurso para mas marami pang matulungang tao.
Pero may isang bagay na iba sa kanya, at yun ay sikreto namin.
"May sugat ka nanaman?" tanong ni John sa isa sa mga bata na may pasa at galos sa binti. "Masyado ka sigurong malikot ano?"
Napatitig ako sa bata. "Madalas ka bang mapagalitan ng magulang mo?" tanong ko sa kanya ng may ngiti.
"'Di naman po, kuya, pag makulit lang ako." sagot ng batang babae. "Eto po kanina lang, tinulak ako ni Biboy habang naghahabulan kami."
"Kaya dapat mag-ingat kayo." hinawakan ni John ang sugat ng bata. Pag-alis ng kamay nya ay tuyot na ang langib nito at nawala na ang pasa.
"Ang galing mo talaga kuya!" hangang-hanga ang bata, "Ayaw nga maniwala ni mama na marunong kang mag-magic, eh!"
"Ah-ah!" sabi ko sa kanya, "Secret lang natin 'to 'di ba?" tumingin ako sa iba pang mga bata sa paligid namin. Lahat sila ay ngumiti at tumango.
Tama, secret lang dapat ito. Problema eh, 'di ito kayang itago ni John. 'Di nya makayang hindi tumulong sa tao, at yun ang biggest flaw niya. Ang flaw naming dalawa.
May kakayahan syang manggamot ng tao sa pamamagitan ng hawak lang. Dahil dito, ginamit sya ng sarili nyang mga magulang para mangloko sa mga tao. Matagal nang wala ang mga magulang nya, at ang nag-alaga sa kanya ay ang lola nya sa Laguna.
"John, ma-la-late na tayo sa school." paalala ko sa kaibigan habang nakatingin sa relo.
"O, sige, 'wag kayong makulit ha?" kumaway sya sa mga bata.
Okay lang.
Kaya ko naman siyang protektahan.
Nagkakilala kami ng 1st year kami pareho. Partners kami sa laboratory, nag-share sa iisang microscope nang mapaiwas ako nang hawakan nya ang braso kong may sugat. 'Di ko masabi sa kanya kung saan nanggaling ang hiwa sa kaliwa kong braso, pero pinagaling nya iyon. Sikreto lang, sabi nya, at mula nga noon ay naging mag-kaibigan na kami.
"Sige, hintayin uli kita bukas ha?" sabi nya ng ihatid ko sya pauwi ng gabing iyon.
"Bye." ngumiti ako.
May pupuntahan pa ako.
==============================
Basahin ang buong kuwento sa Librong Itim Vol. 8
'Librong Itim 8' is available in Precious Pages stores (physical and online) as well as in Lazada and Shopee and other major bookstores nationwide.
BINABASA MO ANG
Mga Kuwento sa Dilim
Mystery / Thrilleroriginal stories mainly of a dark nature mga kuwentong masarap pagsaluhan sa dilim. This is a collection of one shot short stories written in Filipino. Ano man ang inyong piliing basahin, sana ay matagpuan ninyo ang kilabot na inyong hinahanap ====...