original stories mainly of a dark nature
mga kuwentong masarap pagsaluhan sa dilim.
This is a collection of one shot short stories written in Filipino.
Ano man ang inyong piliing basahin, sana ay matagpuan ninyo ang kilabot na inyong hinahanap
====...
"Wala! Hindi ka umabot! Sigaw ka uli mula sa simula!" sabi ng kalaro niyang si Beny.
"Ang daya mo naman eh, pinag-initan mo 'ko!" at nagdadabog na binali ni Totoy ang pirasong kahoy na gamit nila sa laro. "Kabago-bago mo rito, kala mo na kung sino ka?!"
"Naku! Napikon nanaman si Totoy!" sabi ng kapatid niyang si Tina. "Iba na lang laruin natin. Gusto n'yong mag tanching?"
"Wala na akong tau-tauhan, natalo na lahat!" sabi naman ng pinaka maliit na si Pidik.
"Bili na lang tayo ng Pompoms kina aling Zeny!" singit ng kapatid niyang si Pedro.
"Sandali hihingi ako ng piso sa nanay ko!" sabi ni Beny.
"Naku, pag umuwi ka, baka di ka na palabasin ng nanay mo!" sabi ng kalaro nilang si Neneng.
"Anong oras na ba?" tanong ni Pedro, "Baka may Mojako na! Makinood tayo kina Beny."
"Kanina pa yun tapos! Pasado alas-sais na, 'di mo ba narinig yung kampana?" ani Tina.
"Oo nga, saka kalalabas lang ni Reina, uuwi na agad tayo?" sabi ni Neneng na nakaakbay sa maliit niyang kaibigan. "Tamang-tama, bilog ang buwan, maglaro tayo ng taguan!"
"Maglalaro kayo sa dilim?" tanong ni Beny, "'Di ba kayo natatakot sa aswang? Sabi ng tatay ko, ang dami na raw mga batang dinagit sa kabilang bayan, kaya nga lumipat kami rito, eh!"
"Tama, pinag-uusapan nga nila tatay na marami nang nawawalang bata sa ibang bayan!" dagdag ni Tina.
"Huu! Hindi totoo 'yun!" kantyaw ni Pedro na siya ring pinaka matanda sa grupo. "Panakot lang yun para umuwi ng maaga yung mga bata! Kaya kung duwag kayo, umuwi na lang kayo!"
"Basta kami, maglalaro ng taguan, 'di ba, Reina?" tumango ang kaakbay ni Neneng.
"At saka, nasa bukid pa mga tatay namin, sabi nila pwede kaming maglaro ngayon hanggang makabalik sila!" sabi ni Totoy sa mga kalaro.
"Laro tayo langit-lupa!" suhestyon ni Pedro.
"Habulan!"
"Babuy-babuyan!"
"Taguan nga, 'di ba?"
"Sino'ng taya?"
"Yung natalo sa Shato!"
Napasimangot si Totoy, pero hindi na nagreklamo.
"Tagu-taguan, maliwanag ang buwan, masarap magtago sa kadilim-diliaman!" sigaw niya habang nakayuko sa puno ng buko. Nagtakbuhan palayo ang kanyang mga kaibigan. "Pagbilang ko'ng sampu, nakatago na'ng lahat! Isa... Dalawa... Tatlo..."
Sa may kanto, sa bukana ng barrio, may owner type jeepney na nakaparada sa lilim ng punong kaimito.
"Ilan daw ba ang kailangan ngayon?" tanong ng babae na pasahero nito.
"Walo raw, para suwerte. May bagong ginagawang building sa Maynila, pampatibay raw ng pundasyon." sagot ng kasama niyang lalaki na nasa likod ng manibela.
"Sus..." napailing ang babae. "Kakaiba rin ang mga paniniwala n'yang mga chekwa na 'yan, eh, no? Mag-aalay lang ng dugo, gusto mga bata pa!"
"Kakaiba rin sila magbayad." tanging sagot ng katabi. "May nakuha nang apat yung isang grupo, sa atin naman daw ang kalahati."
"Saan naman tayo maghahanap, eh, sobrang na-praning na mga tao rito, ayaw nang palabasin ang mga bata pagdating ng takip-silim?"
"Kaya nga dito naman tayo sa Barrio Dama de Noche, wala pang nakakapunta rito, masyado kasing liblib ang lugar."
Napatingin ang babae sa paligid. Malayo ang lugar na ito na natatago sa mga bundok. Maraming mga punong katahoy dito, at sa paligid ay makikita ang mabababang halaman na hitik ng maliliit na puting bulaklak ang mga sanga. Pinagmumulan ito ng kakaibang halimuyak.
"Sige, bilisan na natin." ani nya sa kasama. "At kinikilabutan ako sa amoy ng mga bulaklak na iyan."
"Pung! Tina! Pung Pidik!" nagtakbuhan pabalik sa puno ng buko ang mga bata.
"Save!" sigaw ni Totoy na naunang kumapit sa puno.
"Nahanap na ba lahat?" tanong ni Neneng.
"Oo, una kong nakita si Reina!" masayang sabi ni Totoy na sabik nang magtago.
Tumayo si Reina at pinagpag ang puti niyang damit bago sumandal sa puno ng buko.
"Walang silipan ha?!" sabi ng kanyang mga kaibigan na muling nagtakbuhan para magtago.
"Ayun, nakita mo? Mga bata nagtatakbuhan!" turo ng babae habang nagmamaneho ang kasama niya.
Walang ilaw ang dala nilang owner. Tahimik din ang makina nito na naka-primera lang.
"May basahan ka na ba?"
May Kinuhang bote ang lalaki at inalis ang takip nito. Umalingasaw ang mala-alcohol nitong amoy na manamis-namis. Binasa niya ang dalang basahan at lumabas ng owner.
Handa na siyang makipaglaro ng taguan sa mga bata.
============================
Mababasa nang buo ang 'Dama de Noche' sa Librong Itim Vol. 11
'Librong Itim 11' is available in Precious Pages stores (physical and online) as well as in Lazada and Shopee and other major bookstores nationwide.
Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.