Pung

64 2 0
                                        

Isang daglit tungkol sa pagiging ina.


 "Sabi nang wag kang makulit, eh!" bulyaw ko sa anak kong kanina pa akong hinihila sa braso. "May deadline si Mommy, kailangan kong matapos ito bago mag-alas singko!"

"Sandali lang po Mommy, laro lang po tayo, sobrang bored lang ako!"

"Maglaro ka na lang mag-isa! Ang dami-dami kong biniling toys para sa 'yo, ginugulo mo pa ako!"

"Bored na po ako sa laruan ko!" nakangusong sagot ni Jun. "Saka hindi po ako makapag-bike sa labas, ang lakas ng ulan!"

"Manood ka na lang ng TV!"

"Replay na po lahat! Boring na!"

"Haay, naku, 150 plus cable TV channels at wala kang mapanood na maganda?" huminga ako ng malalim at ibinaba ang tono ng pananalita ko'ng naiinis na. "Mag-basa ka na lang ng libro, binili kita ng new book kahapon, 'di ba?"

"Nabasa ko na po nang samupung beses! At puno na rin po ang coloring books ko!"

"Sige, bukas ibibili kita ng bago." Muli akong tumingin sa trabahong tinatapos ko sa aking laptop. "Kung wala kang magawa, pumunta ka sa kama at matulog ka na lang. 'Wag mo akong istorbuhin dito."

"Eh, Momy, wala nga akong magawa! Sobrang boring na dito! Laro lang tayo sandali!"

Muling hinila ng makulit ko'ng anak ang aking braso, nahulog tuloy ang wireless mouse na hawak ko! Bumagsak ito sa lapag at bumuka ang gilid!

"Lintik na!" napasigaw ako. "Hindi ba't sabi ko sa 'yo ilang ulit na, 'wag mo akong iistorbuhin sa trabaho?!"

Sa sobrang inis, itinaas ko ang braso ko, at bago pa mapigilan ang sarili, ay rumaragasa na ang palad ko sa puwetan ng aking anak.

'PAK!'

"Aray!" iyak ni Jun na napakapit sa pigi niya.

"Ang tigas naman kasi ng ulo mo, eh!"

Muli akong nagtaas ng kamay, inambaan ang anak kong pitong taong gulang. Itinaas n'ya ang mga braso n'ya, takot, nanginginig.

"Hala! Pumasok ka na sa kuwarto mo! 'Wag kang lalabas doon hanggat 'di ka nagtitino!"

"G-gusto ko lang naman... ng kalaro, eh.." humihikbing sagot ni Jun.

"P'wes, sa kwarto ka maghanap!" sigaw ko nang hindi pa rin siya agad kumilos. "Pumasok ka na sa kwarto mo, dali! Kung 'di, makakatikim ka na talaga sa akin!"

Umiiyak ngang lumabas ng silid ko ang makulit kong anak.

Napahinga ako nang malalim nang ilang ulit.

Hindi ko sinasadyang pagbuhatan ng kamay ang nagiisa kong anak.

Alam ko, bata pa s'ya, kaya't makulit s'ya at naghahanap ng kalaro, lalo na ngayong wala silang pasok dahil may bagyo.

Pero, wala akong magagawa.

Bilang isang work at home employee, wala akong dahilan para 'di makapag pasa ng trabaho on time, lalo na at kailangang-kailangan ko ang pera as a single mother.

"Babawi na lang ako mamaya kay Jun," sabi ko sa sarili, "Makapag luto na lang ng paborito nya'ng champorado, pagkatapos kong ipasa ang trabaho ko."

Pero inabot na 'ko ng alas-singko at hindi pa rin tapos ang sinusulat ko.

"Sandali na lang..."

Sa wakas, quarter to six, at nai-send ko rin sa email ang final draft ko.

Dumiretso ako sa kusina para magluto ng champorado, at nang matatapos na ito ay pinuntahan ko si Jun sa kwarto niya sa taas.

Paakyat na ako ng hagdan nang may mapansin akong kakaiba na 'di ko mawari.

"Parang... masyado atang tahimik?"

Nagmadali akong maglakad, binuksan ang pinto sa silid ni Jun, pero wala siya doon.

Biglang pinasok ng kaba ang dibdib ko.

"Jun?"

Walang sumasagot.

"Jun?" pumunta ako sa aking kwarto, pero wala rin doon si Jun.

"Jun? Anak? Nasaan ka?"

Wala rin siya sa sala at sa kusina!

Nagwawala na ako noon, sumisigaw.

"Jun! Nasaan ka Jun?!" tumutulo na ang mga luha sa aking mga mata.

Muli akong bumalik sa second floor, iniisip na baka hindi ko lang siya napansin, nang may marinig akong nagbibilang...

"tatlo... apat... lima..." sinundan ko ang tinig, papunta sa kwarto ng anak ko.

"walo... siyam..." nakita ko s'ya na nakayuko sa kama at nagbibilang! "Sampu!"

Agad siyang tumingala nang may malaking ngiti sa mukha at napatingin sa akin.

Nawala ang kanyang ngiti.

"Anak?!" tanong ko sa kanya habang nagpupunas ng luha sa aking manggas. "Saan ka ba nag suot? Ba't 'di ka sumasagot kaninang tinatawag kita?!"

Hindi siya simagot.

Patuloy lang siyang tumingin sa akin, galit, may tampo. Ang mga mata niya, halos tumirik.

"Ano bang ginagawa mo? Sinong kalaro mo?"

Patuloy lang n'ya akong tinitigan, hindi nagsasalita, hindi umiimik, hanggang sa biglang napatingin sa 'king kaliwa ang kanyang mga mata.

Sumibol ang nakatatakot na ngiti sa kanyang mga labi at tumaas ang daliring nakaturo sa 'king likuran.

"Pung!"


- wakas -

- wakas -

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Mga Kuwento sa DilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon