Dala ng hangin ang balita.
Nakita ni Tony ang piraso ng papel na nililipad papunta sa lumang tangke ng tubig na tinitirhan nila. Muntik pang mahulog si Tony nang pinilit niyang abutin ito.
"Ano 'yan?" tanong ni Ben na agad hinablot ang suot niyang kamiseta.
"Parang ad, eh. Sandali, babasahin ko..."
[Calling All Survivors! Let it be known that an antidote for the viral disease 'C1G5', better known as the 'Zombie Syndrome' has been developed by the government and is currently being used to treat newly turned humans with a 95% success rate.]
"Ha?!" Agad kinuha ni Ben ang pirasong papel mula sa kaibigan.
[Nagtayo ang gobyerno ng mga center sa mga sumusunod na mga lugar...]
"May tagalog naman pala sa likod, eh!" sabi ni Tony.
Gumalaw ang mga labi ni Ben habang binabasa isa-isa ang mga nakalistang lugar.
"Tony! May center na malapit sa atin! Tingnan mo!"
"Eh, ano naman?" walang ganang sagot niya. "'Wag mong sabihing naniniwala ka d'yan? At anong gobyerno sa tingin mo ang sinasabi nila? Matagal ng nabuwag ang gobyerno!"
Pumasok sa butas sa gilid ng lumang tangke si Tony. May takip itong trapal, at may ilan pang mga butas na nagsisilbing bintana nila. Ito na ang naging tirahan nila sa loob ng tatlong taon, mula nang kumalat ang epidemya ng C1G5 sa buong mundo, mga apat na taon na ang nakalipas.
Walang may alam kung saan talaga nagsimula ang sakit na iyon, basta bigla na lang itong kumalat sa Europa, sa China at sa Estados Unidos, at sumunod na nga ang buong mundo.
Ang maganda sa maliit na bansang tulad ng Pilipinas, nababalitaan mo muna ang kaguluhan sa ibang lugar bago pa ito umabot sa inyo, kaya nga kahit paano, nakapaghanda pa ang ilang mga tao.
Pero hindi pa rin nakaligtas ang Pinas. Nadala ng isang Chinese fishing vessel ang isang infected na pamilyang tumakas pa-Zamboanga, at doon na nga nagsimula ang impeksiyon.
"Eh, Tony, pa'no kung totoo ito? Pa'no kung may nakuha na talaga silang gamot? Ayaw mo bang magbakasakali na may iba pang taong gaya natin na naka-survive?"
Tiningnan ni Tony si Ben mula sa loob ng tangkeng bahay nila pagkatapos ay napatingin siya sa isang larawan na nandoon rin sa tahanan nila. May tatlong tao na nakangiti doon. Si Tony, si Ben at isang babae.
"Dalawang kilometro lang ang layo ng center na 'yan mula dito," dagdag pa ni Ben.
"Kahit totoo 'yan, sa tingin mo ba makakalayo tayo ng walang nakakasalubong na tuod?"
Muling natahimik si Ben.
"Kukuha ako ng makakain sa baba," sabi ni Tony, bitbit ang itak. "Ihanda mo ang hagdan pagbalik ko."
Hinawakan ni Ben ang litratong idinikit nila sa isang parte ng tangke.
Wala na ang kapatid niyang si Beth. Matalik silang magkakaibigan nila Tony na anak ng may-ari ng farm. Bumibisita siya tuwing bakasyon mula sa Maynila pero parang araw lang ang agwat ng bawat dalaw niya. Hanggang noong bakasyon na iyon, noong beinte uno anyos sila ni Tony at si Beth ay beinte, ang taon na kumalat ang epidemya.
Sa laway ito kumakalat, ang karaniwang paraan ng pagkahawa ay kagat. Ang mga nakagat ay may isang oras pa bago sila 'magbago' habang ang mga bayolenteng 'carrier' naman ay mamamatay paglipas ng beinte-kuwatro oras. Nalalaman nilang nakakagat na ang taong infected ng virus kapag naglalakbay na itong parang 'tuod' hanggang sa tuluyan na itong maagnas. Pero ang mga tuod ay nagpapatuloy pa rin sa paghahanap ng ibang taong makakain kahit pa pabagal na ng pabagal ang kanilang kilos.

BINABASA MO ANG
Mga Kuwento sa Dilim
Mystery / Thrilleroriginal stories mainly of a dark nature mga kuwentong masarap pagsaluhan sa dilim. This is a collection of one shot short stories written in Filipino. Ano man ang inyong piliing basahin, sana ay matagpuan ninyo ang kilabot na inyong hinahanap ====...