Ang kuwento'ng ito ay hango sa mga tunay na pangyayaring ikinuwento sa akin ng tatay ko at nang ilang mga kaibigan.
Para ito sa isang writing challenge na naisipan ng kaibigan ko'ng si Sir Martin Tristan.
Sana magustuhan ninyo :)
- ako
--
Tumawag sa akin si Lolo kagabi, naalimpungaton ako, k'se biro mo, alas tres ng umaga kung tumawag!
"Oi Abel! Pumunta ka nga rine at may ipagagawa ako sa 'yo!" sabi ng magaralgal niyang boses sa telepono.
"Ha?" tanong ko na nairita sa pagkakagising, "Sino ba 'to?"
"Aba'y ang lolo Felipe mo!"
"Ho? Eh, nasaan naman kayo?"
"Eh 'di syempre andito sa Laguna, saan pa nga ba ako mapupunta?"
Pimintig ang sintido ko sa sinabi niya.
"Eh, pano naman po ako pupunta d'yan?"
"Eh alam mo ba namang lumipad ka?" pamimilosopong sagot ng matanda. "Basta bukas pumarine ka!"
"Lolo naman, ba't biglaan?"
"Basta!" pamimilit ng matanda "at 'wag mong kalilimutan ang mga bilin ko sa 'yo! Naaalala mo pa ba lahat?"
Huminga ako ng malalim, "Opo, lolo,"
"Sige nga't isa-isahin mo sa akin!"
Muli akong napabuntong hininga.
"Una, mag altanda bago umalis ng bahay." pasimula ko. "'Wag kalimutang dalin ang binigay mong krus na may magkabilang Kristo.
Pangalawa, pagnagmamaneho, 'wag mag papatong ng kahit ano sa upuan sa tabi ko.
Pangatlo, 'wag kalimutang bumusina pagdaan sa malaking acasia sa may dulo ng hi-way pababa ng Laguna.
Pang-apat, tumigil sa dulo ng farm at 'wag mag park sa ilalim ng puno ng mabolo.
At panglima, magsaboy ng lambanog sa may gate bago dumiretso papuntang bahay."
"Buti naman at naaalala mo pa lahat!" sabi ni lolo na may kasamang tawa sa background. "Agahan mo, ha? At ayoko nang naghihitay ng matagal!"
Mag rereklamo pa sana ako sa matanda nang bagsakan na n'ya 'ko ng telepono.
"Langyang..."
Tinignan ko ang oras. Three thirty na agad? Ganon ba kami katagal nag-usap ni lolo?
Naisip kong matulog uli, pero nawala na ang antok ko, at alam ko naman kung gaanong kakulit ang lolo kong iyon, parang tatay ko lang na 'di tumitigil hangga't 'di ko s'ya tinuturuang mag-bukas ng FB sa binili kong cellphone para sa kanya.
Bumangon na ko ng tuluyan at nagpuntang kusina. Mag-isa lang ako sa apartment na inuupahan ko'ng 'to . Malapit kasi 'to sa trabaho ko sa Marikina, kaya humiwalay na ko sa mga magulang ko'ng taga Angono."Bakit nga kaya ako ang kinukulit ni lolo?" tanong ko sa sarili, "Sa bagay, si papa, tamad mag-drive, at mukhang may balak nanamang iutos sa akin ang matanda."
Nang huli nga akong tinawagan ni lolo ay nagpasama s'ya sa akin sa Makiling para makipagkita sa mga kaibigan n'ya. Mga kasamahan daw niya ang mga iyon noong kabataan pa niya, na tulad niya ay mahilig ding mag-hunting.
Pero hindi hayop o treasure ang hina-hinding nila.
Old school ang mga 'yun, ang paborito nilang hantingin, eh, mga mutya at agimat.
Well, si papa naman ay walang hilig sa ganon, kaya hindi rin siya madalas ayain ni lolo, ako namang lumaki sa mga kuwento niya ay tuwang-tuwa sa mga storya n'ya noon.
Pero ni minsan hindi ako sinama ni lolo sa mga hunting nila. At ngayong bente kuwatro na ako, ay nawala na rin ang hilig ko sa mga kuwento n'yang kababalaghan na hindi ko naman naranasan ni minsan.
Oh, well, pagbigyan na lang ang matanda.
Sumakay na ko sa aking kotseng hunchback at nagmaneho pa-Sumulong hi-way. Buti na lang at piesta opisyal, walang pasok, kaya dire-diretso ako, kahit pa Biyernes, pati, pasado alas-kuwatro pa lang. Nagpatugtog ako sa radyo at kumakanta sabay dito nang lumampas akong Pililia at pumasok na sa Laguna.
Ayun na ang malaking puno ng Acasia sa may dulo ng highway bago tuluyang mapatag ang lupa.
'BEEP BEEP BEEP!'
Sinabay ko ang pagbusina sa tugtog ko.
Dumaan ako sa Fami at Paete at bumili ng lambanog sa daanan bago dumiretso sa Los Banos at lumiko papunta sa maliit na farm ng aming pamilya.
May isang oras ang layo nito sa bayan, at sa pagdating ko dito ay mag-aalas-otso na.
"Mukhang mainit ang panahon ngayon..." naisip ko habang nakatingin sa langit na bughaw na bughaw.
Tumingin-tingin ako sa paligid at nakita ang Malaking puno ng mabolo sa may gilid. Malilim sa tabi nito, kaya doon ko itinigil ang kotse ko.
Tapos noon ay naglakad na ko papuntang bahay ni lolo na tanaw na mula sa main gate. Isang two-storey na bahay ito, simple lang, gawa sa semento at ni-walang pintura. Along the way ay may mga tanim sa tabi na talong, sili, sayote at iba pang mga gulay.
Dati nang buhay pa si lola, madalas siyang nandito at namimitas ng ipangsasahog sa ulam namin. Buti nga kahit wala na s'ya, naaasikaso pa rin siya ni lolo, kait pa nag-iisa lang siyang nakatira rito at may kahinaan na rin.
Lahat ng pitong anak nila, sa bayan na nakatira, in fact, pinipilit na nga niya ng mga tiyuhin ko na doon na rin mamalagi, kaya lang, ayaw talagang iwan ni lolo ang lugar na 'to. Andito daw kasi ang lahat ng magagandang ala-ala ng pamilya nila, pati na ng mga kaibigan. Madalas nga siyang nagbibiro na dito na rin siya mamamatay.
Huh... ganyan naman talaga si tatay, kakaibang magsalita at magbiro minsan...
Teka muna... bakit parang ang layo pa rin ng bahay?
Naglakad pa ako ng ilang metro, pero parang lalong lumalayo ang bahay ni lolo?
Napakamot ako ng ulo. Tumingin ako pabalik at nakitang kakapiraso pa lang ang layo ko sa gate!
Teka nga, inaantok pa ba ako o tulog pa rin ako sa kama?
Naglakad na lang ako pabalik sa kotse para magpahinga muna doon, pero sa pag lakad ko pabalik, eh, para namang yung gate ang lumalayo?!
"Ano ba namang- Aray!"
Napakapit ako sa ulo.
"Ano ka ba namang bata ka!" sermon sa akin ni lolo na nasa tabi ko na pala! "Hindi ba't sabi ko sayo magbuhos ka ng lambanog sa may geyt?!"
"Lolo! Saan po kayo galing?! Ba't kayo nandito?"
"Kanina pa kita tinatawag! Paikot-ikot ka riyan sa puno ng papaya!"
Napatingin nga ako sa mababang puno sa harapan ko.
Kailan pa ko napunta sa gilid ng daanang may graba?
"Halika na nga rine!" at hinatak ako ni lolo sa taenga.
"Lolo naman, 'di na ko bata!'Wag nyo na po ako pingutin!"
"Kung 'di ka na bata, eh, bakit ang tigas pa rin ng ulo mo? Kasisimpleng panuto, 'di mo masunod?!"
"Eh, kasi naman po, ka-aga n'yo akong pinapunta, wala pa tuloy ako sa wisho!"
"Hay nako, alika na nga! Kumain ka na ba?"
"Uminom lang po ng kape, may dala po akong bonnete at keso'ng puti galing Paete."
Sabay kaming nag-breakfast ni Lolo at unti-unting luminaw ang isipan ko sa kapeng barako. Gusto ko sanang itanong kay lolo kung ano ang nangyari kanina, kaya lang pagkatapos na pagkatapos naming kumain ay nag-aya na siyang paalis
"Saan po ba tayo pupunta?" tanong ko sa kanya.
"Basta't sumunod ka na lang." sabi ni lolo. "Hindi ba't ikaw yung reklamo nang reklamo na 'di kita sinasama sa mga lakad ko noon?"
"H-ho?" napatingin ako kay lolo habang nanlalaki ang mga mata.
"Hindi naman kita pwedeng isama noon dahil ang kulit-kulit mo noong bata ka pa! Ang tigas pa ng ulo mo, at nang lumaki-laki ka naman, eh, lumipat na kayo sa Angono." patuloy ni lolo na napatingin sa akin nang nakasimangot. "Pero mukhang hanggang ngayon, eh, hindi ka pa rin marunong makinig sa akin!"
"Lolo naman... bangag lang ako kanina sa antok, may tinapos kasi akong plano para sa client ko kagabi..."
"Basta't siguraduhin mo lang na susunod ka sa lahat ng iuutos ka sa 'yo," pambabara n'ya sa akin, "naiintindihan mo ba?"
Tumango naman ako.
"Opo lolo."
"Ngayon, magbibigay ako ng bagong mga panuntunan, at kailangan sundan mo ang bawat isa ng mabuti, naiintindihan mo ba?"
"Opo." sagot ko uli.
"Unang-una. Bawal ang bumati." sabi niya,
"Bumati? Kamusta? Hello?" nakangisi kong sinabi, nadagukan tuloy ako ng matanda.
"Sabi na nga'ng bawal eh! At hindi lang basta ganyang bati. Hindi mo pwedeng sabihin na mabango ang isang bagay, o malaki ang isang hayop, o makulay ang bulaklak o mataas ang lipad ng ibon..."
"So, hindi ako pwedeng mag-describe ng mga bagay?"
"Basta't 'wag ka na lang magsalita!" naiiritang sinabi ni lolo na nakabatok nanaman sa akin.
Tumango ako habang nagkakamot ng ulo.
"Pangalawa, susunod ka lang sa likod ko at kakapit sa tali na itatali ko sa bewang mo."
Naglabas na nga ng lubid si lolo na itinali sa akin. Mahaba ito, inikot nya ng ilang beses sa balakang niya ang kahabaan ng lubid.
"Pangatlo" sabi n'ya matapos akong itali, "Hindi mo pwedeng alisin ang tali na iyan, kahit pa anong mangyari."
Muli akong tumango.
"Hindi mo 'to pwedeng alisin hangga't 'di tayo nakakabalik dito sa loob ng bahay." seryoso ang tingin niya sa akin. "Naiintindihan mo ba?"
Muli akong tumango.
"Pang-apat, may ilog sa pupuntahan natin, may bangka tayong sasakyan, pero babala, huwag na huwag mong hahawakan ang tubig. Naiintindihan mo ba?"
Isa nanamang tango.
"At sa pagdating natin sa pupuntahan natin, ang pinaka importanteng utos sa lahat. Bawal kang basta-basta pumitas ng bunga ng kahit anong punong kahoy. Lalung-lalo na sa puno sa gitna ng isla,"
"May pupuntahan po tayong isla?" tanong ko, masyado na kasi akong na-curious sa mga sinabi n'ya.
Nagdikit nanaman ang kilay ni lolo, at napakapit ako sa tuktok ko, handang sumalag sa pagbatok niya sa akin, pero nagbuntong hininga lang siya at umiling.
"Halika na nga, at malayo-layo pa ang lalakarin natin."
BINABASA MO ANG
Mga Kuwento sa Dilim
Mystery / Thrilleroriginal stories mainly of a dark nature mga kuwentong masarap pagsaluhan sa dilim. This is a collection of one shot short stories written in Filipino. Ano man ang inyong piliing basahin, sana ay matagpuan ninyo ang kilabot na inyong hinahanap ====...