Ilipad Mo Ako sa Langit (TW abuse)

9 0 0
                                    

 "Ilipad mo ako sa langit

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

"Ilipad mo ako sa langit."

Wika ng batang paslit sa munting ibon.

May rehas na nakaharang sa kanilang pagitan – sa ibong nakadapo sa bintana, at sa paslit sa loob ng maliit na silid.

Tumagilid ang ulo ng ibon, tumingin sa maruming bata na nakatago sa dilim, bago muling lumipad sa himpapawid.

Ang kapirasong langit na iyon ang tanging nakikita ng musmos mula sa kaniyang kinauupuan.

Ang tapat nito ay ang kinakalawang na pader ng bahay ni mang Teban, sa baba naman ay ang maduming estero kung saan nakatayo ang kanilang mga tahanan na halos isang pulgada lang ang pagitan.

"Nena! Bumaba ka nga rito, hanggang kelan mo balak matulog?"

Suminghot si Nena, idinaan ang braso sa mukha.

May uhog na kumapit dito.

"Pababa na po."

"Bilisan mo, kanina pa nakaalis ang mga kapatid mo! Antagal mong bumangon, 'yan tuloy, naubusan ka nanaman ng umagahan."

Tinitigan ni Nena ang tasang may maligamgam na kape at napahinga nang malalim.

Paalis na siya nang tawagin pa siyang muli.

"Wag ka nang magsinelas! Mas marami kang makukuha kung nakapaa ka."

Lumabas na nga si Nena at dumiretso sa simbahan.

"Manlilimos po," tawag niya sa mga parokyano. "Pangkain lang po."

May nag-abot sa kaniya ng tinapay, tamang-tama para sa kumukulo niyang sikmura.

Pero ang gusto nila, pera.

"Manlilimos po."

"Nena, hanap ka ni papa, bumalik ka raw muna sa bahay," tawag ng kaniyang kuya.

Nagmamadaling umuwi si Nena, ayaw na niyang makatikim ng palo.

"Nena, halika, pasok ka."

Mukhang hindi mainit ang ulo niya ngayon, o baka dahil sa mayroon silang bisita?

"Papa, eto pa lang po nakuha ko..." inabot niya ang ilang pirasong barya.

"Sige, okay lang, upo ka muna. May bisita ako, mula ngayon sasama ka na sa kan'ya."

"Bakit po?"

"Basta't sumama ka sa kaniya."

"Pano po si mama? Sina kuya?"

"'Wag kang mag-alala, alam na ng mama mo ang tungkol dito."

Tumingala siya sa matandang lalaki na umakay sa kaniyang kamay.

"Saan po tayo pupunta?" tanong niya.

"Sa langit," nakangisi nito'ng sagot. "Ililipad kita sa langit."

Napangiti ang paslit.

Sa wakas, maaabot na rin n'ya ang langit.


- End -

Hindi lahat nang 'horror' ay tungkol sa 'multo'.

Hindi lahat nang 'horror' ay tungkol sa 'multo'

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Mga Kuwento sa DilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon