2 - Ka-Teban

723 6 0
                                    

Ka Teban

Matanda na si Ka Teban. Puti na ang lahat ng buhok sa kaniyang ulo, na 'sing puti ng mga ngipin sa kaniyang pustiso. Malabo na rin ang mga mata niya, pero kung tatanungin mo siya tungkol sa mga anak niya at apo sa tuhod, naku! Kabisado niyan pati mga araw ng kapanganakan nila!
Kilalang-kilala si Ka Teban sa buong bayan ng San Martin, lalo na ng mga pari. Siya na kasi halos ang nagbubukas ng pintuan ng simbahan tuwing umaga para manalangin.

Pero mas kilala siya sa kanilang lugar bilang albularyo – ang pinaka magaling sa buong bayan ng San Martin, maging sa mga kalapit nitong bayan. Kaya nga't anong gulat niya nang mabalitaan ang tungkol sa paborito niyang apo sa talampakan.

"Nasaan si Popoy?" Tanong ni Ka Teban kay Dana, ang ika-dalawampu't-isang apo niya sa tuhod.
"Dada Teban!" umiiyak na sagot ni Dana, "Wala na po si Popoy... patay na po siya!" napahandusay ang babae sa lapag, 'di mapigil ang pag-iyak para sa kaniyang bunsong anak.
Tahimik lang si Ka Teban. "Dalhin mo ako sa kaniya." utos nito.

Pumasok sila sa loob ng isang maliit na silid kung saan nakahiga ang bata sa banig. Hindi ito gumagalaw, hindi humihinga. Hinimas ng matanda ang buhok ng bata, tinignan ang mga palad at talampakan nito, at dahan-dahang tumango.
"Anong oras si Popoy nalagutan ng hininga?" Tanong niya.
"Kanina pong tanghaling tapat, mga isang oras na ang lumipas." sagot ni Dana. "Nagpatawag na nga po kami ng pari at punirarya, para..."
"Huwag muna. Hindi pa patay ang bata," sabat sa kaniya ng matanda. "Naglalakbay lamang siya."

"Ho?" pagulat na sambit ni Dana.
"Huwag ninyong gagalawin ang bata," ulit ni Ka Teban. "Ako ang bahala sa kaniya."

Lumabas ng bahay si Ka Teban at tumawag sa paligid. "Isko! Asan ka na ba, bata ka?!"
"Nandito po, Dada!" humihingal na sagot ng kaniyang ika-pitong apo sa ikatlong asawa.
"Bakit ba ngayon ka lang?!" tanong ng matanda.
"Ang dami n'yo po kasing pinahanap sa 'kin eh..." sagot ng lalaki.
Binuksan ni Isko ang dala-dala niyang malaking bayong. Naglabas siya ng mga kandilang naka-baso na may litrato ng santo, at isa-isa itong inabot sa kaniyang lolo.
"Lintek! Bakit may baso?! Basagin mo yan at ihiwalay ang kandila!" turo ng matanda. "Kailangang tumayo at tumulo ang kandila sa lapag para walang anuman na makagambala sa pagtulog ni Popoy!"

"S-sandali lang po, dada..." Isa-isa na ngang binasag ni Isko ang lalagyan ng mga kandila. "Kamusta na nga po pala si Popoy?" tanong niya. "Maayos na po ba s'ya?"
"Hindi," sagot ng matanda. "Dapat simula pa lang ay tinawag mo na agad ako."
"Pero sabi n'yo po dati, 'wag ko na kayo laging tinatawag 'pag may problema, lalu na't ipinasa niyo na sa 'kin yung mga kaalaman n'yo..."
"Imbiyernang bata 'to!" pagalit na sigaw ni Ka Teban. "Nakita mo na nga na lumalala ang pamangkin mo, 'di mo pa rin ako tinawag?!" huminga ng malalim ang matanda. "Kulang ang isang daang taon para maabot mo ang kakayahan ko, bata, kaya kung 'di mo na kaya, tawagin mo na agad ako!"
"O-opo dada..." mahinang sagot ni Isko.
"Hala, palibutan mo ng limang kandila si Popoy, apat sa kada kanto at isa sa ulo," utos ni Ka Teban. "At kahit na anong mangyari, 'wag ninyong gagalawin ang katawan ng bata!"
"Saan po kayo pupunta?" tanong ni Isko sa lolo niyang palayo na.
"Susunduin ko ang aking apo," sagot ng matanda.

Naglakad si Ka Teban bitbit ang bayong patungo sa timog kung saan madalas maglaro ang kaniyang apo. Pa-timog sa paanan ng bundok na madalas din niyang akyatin noong bata pa siya.

Nagtungo siya sa isang makapal na kawayannan na nakayuko ang mga sanga sa iisang direksyon. Nakaayos ito na tila bubong.
"Kaibigan," tawag niya sa kawayanan. "Nariyan ba kayo?"

Lumawiswis ang kawayan kahit walang hangin.
"Teban, ikaw ba iyan?" sagot ng isang maliit na tinig.
"Oo, kaibigan, kamusta na kayo?"
"Mabuti," sagot ng tinig. "matagal ka nang hindi bumibisita sa amin, ano na ba ang pinagkakaabalahan mo ngayon?"
"Wala naman, kaibigan..." mula sa bayong, naglabas si Teban ng isang balot ng kendi. "Eto, may dala akong konting pasalubong para sa inyo."
Maririnig ang maliliit na boses na naghahalakhakan habang inilalagay ni Teban ang ilang piraso ng kendi sa lupa.
"Salamat kaibigan," sagot ng tinig. "Ano ba ang maipaglilingkod namin sa iyo? Alam ko na hindi lamang pag-aalay ng pagkain ang iyong pakay."
"Nais ko sanang itanong kung may napansin kayong batang nagawi sa lugar na ito, mga tatlong oras na ang nakalipas?" tanong ni Teban.
"Isang bata...?"
"Lalaki, matining ang boses, bulol at mabilis magsalita," dagdag ni Teban. "Maaring mayroon siyang kasama."
"Ah... ayun ba kamo..." sandaling natahimkik ang mga tinig. "Narinig namin siyang kumakanta kanina. Nais sana namin siyang sundan, ngunit may kasama siyang iba..."
"Alam n'yo ba kung sino ang kaniyang kasama?" tanong ng matanda.
Muling nagbulungan ang mga tinig. "Ang nilalang na 'iyon'..." wika nila.
"Alam niyo ba kung saan sila nagpunta?"
"Nagtungo sila sa puno ng balete."
"Ganoon ba..." iniwan ni Teban ang iba pang piraso ng kendi sa lupa at nagbuntong hininga bago tumayo sa pagkakayuko. "Salamat, mga kaibigan..."
"Teban, mag-ingat ka," habol ng mga tinig. "Mula nang ipasa mo ang kaalaman mo ay..."
"Oo, kaibigan, mag-iingat ako." ngumiti ang matanda at tumango. "Siya, hanggang sa muli nating pagkikita."

Mga Kuwento sa DilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon