Hindi biro ang mag-kolehiyo, lalo na kung isa kang iskolar. 'Yan ang natutunan ko nang makapasa ako sa isa sa mga tanyag na unibersidad sa bansa.
Kailangan mag-aral nang mabuti, hindi p'wedeng pabanjing-banjing lang na tulad noong High school.
Eto nga at finals na namin, ilang gabi na akong puyat sa kakaaral, pati na rin sa pagtapos ng mga project at thesis. Nakailang mug na nga ako ng kape, eh, malakas kasi ang ulan sa labas, kaya kanina pa 'ko inaantok sa lamig.
Ilang araw na rin nagpupuyat ang ka-roommate ko, ang hilig kasi noon gumimik dati, palibhasa, matalino kaya malakas ang loob, hindi kailangan mag-aral masyado.
Ang problema, nag-drop bigla ang partner n'ya sa major subject nila, kung kailan kailangan nang ipasa ang kanilang final thesis!
Kaya ang dating laging nasa gimikan, ngayon, busy sa hapitan. Ang hirap pa naman nang full scholar, hindi ka pwedeng makakuha ng grade na dos pababa.
Mag-aala una na nang tumila ang ulan.
Wala pa rin ang room mate ko.
Malamang naghahapit pa rin 'yun, ala-onse pa naman ang sara ng pinto ng dorm namin, sigurado mamaya, mag te-text nanaman 'yun para mapagbuksan ko s'ya ng pinto.
Nasa kalagitnaan na ako ng paggawa ng reviewer sa Nat-Sci nang may kumatok sa bintana.
"Psst..." Napatingin ako sa labas.
Nakadungaw doon ang roommate ko na basang-basa sa ulan.
"Pabukas naman ang pinto sa labas," bulong niya.
"Hay, ang tagal mo kasi bumalik, eh, ayan, nasaraduhan ka nanaman!" sermon ko rito.
Isinara ko ang librong kinokopyahan ko at lumabas ng aming kuwarto.
Well, sanay na naman ako. Madalas talagang umuwi nang late ang room mate ko. Nag te-text sya sa 'kin pag nasa labas na siya para mapagbuksan ko ng pinto, tapos ay pareho kaming dahan-dahan na aakyat pabalik sa kuwarto namin.
"Ba't kaya 'di sya nag-text ngayon?" tanong ko sa sarili pagdaan sa third floor, "Baka nahulog at nabasa ang cell n'ya kaya 'di makatawag. Ang hilig kasing..."
Natigilan ako sa pag baba ng hagdan papuntang first floor.
"Teka lang..."
"O, ba't 'di ka pa tulog?" tanong ng dorm president namin na nakasalubong ko. "Pumanik ka na at may roll call tayo. May na hit-and-run daw na babae sa tapat ng dorm."
- end -
BINABASA MO ANG
Mga Kuwento sa Dilim
Mystery / Thrilleroriginal stories mainly of a dark nature mga kuwentong masarap pagsaluhan sa dilim. This is a collection of one shot short stories written in Filipino. Ano man ang inyong piliing basahin, sana ay matagpuan ninyo ang kilabot na inyong hinahanap ====...