i

848 36 38
                                    

Walang kasing lungkot ang gabing ito.

Matatalim ang paguhit ng kidlat sa langit. Matatangay ang ano mang magagaang bagay na madaanan ng malakas na hangin. Madilim. Malamig. Napakalungkot ng gabing ito. Agrisibo ang pagpatak ng ulan sa bubungan ng mga bahay at pinapakanta ng malakas na hangin ang mga yero. Manunuot sa kailaliman ng laman ng tao ang taglay na lamig na nararamdaman ngayon ng lahat, iisiping hindi ulan ang pumapatak kundi niyebe sa tindi ng lamig na pwedeng pumatay sa walang masilungan.

Kasabay ng isang napakalakas na tunog mula sa langit ay may nagpakitang matandang lalake sa isang bata na nakasilip sa kanilang bintana. Nakasuot ng brown na damit at may gamit na malaking payong, proteksyon sa ulan na nagpapalungkot sa gabing iyon.

"Pumunta ka sa Tito mo, may ibibigay s'yang magandang laruan sa 'yo." Malalim pero masuyo ang boses ng matandang lalake na nakikipag-usap sa bata. Napagiliw nito makipag-usap kaya hindi sa kanya natakot ang bata.

"Pero may sakit po si Tito ngayon. Marami pong sugat ang ulo n'ya," inosenteng sagot ng bata. Wala man lang takot sa kanyang mga mata sa pakikipag-usap sa 'di kilala.

"Naaksidente ba ang Tito mo?"

Tumango ang bata, palagay ang loob sa kausap na ngayon lang naman nakita sa buong buhay n'ya.

"Nasagasaan po s'ya. Hindi n'ya nga po alam ang pangalan n'ya."

"Baka may laruan s'ya na nakalimutan na n'yang nasa kanya. Hingiin mo," muling pag-uudyok ng matandang lalake na nakangiti. Nakatayo lang ang matandang lalake sa labas ng bahay habang nakikipag-usap sa bata sa bintana.

Mabilis na tumakbo ang bata para lapitan ang binatang nakaupo at nanonood ng TV sa kwarto. Pumunta sa harap ng binata na tila ang lalim ng iniisip.

"Tito. May laruan ka po ba d'yan? Wala po kasi akong laruan."

Ngumiti ang binatang maraming benda sa ulo at naghanap sa mga gamit ng maibibigay sa batang lalake. Dahan-dahan pa s'yang kumilos pero hindi alintana ang mga nararamdamang sakit ng katawan mahanapan lang ng laruan ang batang naghahanap ng mapaglilibangan.

"Magsulat ka. Gamitin mo 'to oh."

Pagkakita ng binata sa isang panulat ay lumapit siya sa batang lalake. Inilapat ang panulat sa palad ng bata. Nangibabaw sa mundo ang napakalakas na pagkidlat at pagkulog na parang wala nang bukas.

Panandalian pang nawala ang kuryente sa lugar nila dahil sa nangyari. Hindi man lang kakikitaan ng pagkagulat o pagkatakot ang batang lalake sa biglaang pagdilim ng paligid.

"Salamat po," nakangiting pagtanggap ng bata. Lalo siyang nasiyahan nang sa pagtakbo n'ya palabas ng silid na iyon ay nagliwanag ang panulat na kanyang hawak. Kulay bughaw na nakakasilaw. Nagliliwanag iyon habang ito'y kanyang hawak-hawak.

Bumalik ang batang lalake sa bintana para silipin ang matandang lalake na nag-utos sa kanyang manghingi ng laruan. Naroroon pa rin s'ya, nakatayo habang nasa ilalim ng malaking payong, naghihintay sa pagbabalik ng bata.

"May laruan na po ako," masaya n'yang ipinakita ang panulat na ibinigay sa kanya. "Umiilaw pa po s'ya. Tingnan n'yo po oh."

Kasabay ng pagpayapa ng kalangitan ay ang pagngiti ng matandang lalake sa bata. Tila nagtago ang kaninang malalakas na pagkulog at pagkidlat.

Sa isang iglap ay parang bulang pumayapa ang lahat, huminto ang pag-iyak ng langit, ang pagsigaw ng mga ulap at ang pagluha ng mga tala. Ang kaninang nag-iiyakang mga yero ngayon ay nanahimik. Kumalma ang naggigyerang mga ingay sa paligid at ang kalamigan ng gabi ay nagpatuloy bagama't hindi na ganoon nanunuot sa buto't kalamnan.

"Sa tamang panahon, babalik ako. Sana sa panahong 'yon ay alam mo nang gamitin 'yan."

Write Me a Happy EndingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon