"MGA TAO RIN SILA"
📝: Binibining Seryoso
"Baliw!"
"Mangmang!"
"Halimaw!"
"Salot!"
"Anak ng Demonyo!"
"Kulang-kulang!"
"Hindi pinagpala!"
"May sayad!"
"Sumpa!"
Ilang lang 'yan sa mga salitang naririnig ko.
Habang ako'y nakatanaw sa binatang kasing-edad ko.
Hindi malaman kung ano ang dapat kong maramdaman.
Nalilito kung sino ang may kasalanan?
Mga magulang ba na gumawa sa kanya?
Mga doktor ba na 'di magamot-gamot ang kawawang binata?
Diyos na nagbigay sa kondisyong kasumpa-sumpa?
O mga taong makikitid ang utak at sadyang mapanghusga?
Kahit pa sabihing may kulang sa kanila, mali pa rin ang ulit-ulitin iyon at dagdagan ng iba pa.
Kahit pa sabihing hindi sila kagaya ng mga taong tumatawa sa kondisyon nila, mali pa rin ang sila'y kutyain hanggang sa lumuha.
Kahit pa sabihing sila'y mangmang o walang patutunguhan sa buhay, mali pa rin ang sila'y inyong patuloy na maliitin.
Kahit pa sabihing salot sila sa lipunan, mali pa rin ang tingnan sila sa ganoong paraan.
Dahil....
Mga tao rin sila na nangangailangan ng respeto't pang-unawa.
Mga taong marapat na bigyan ng atensiyon at pagmamahal na walang kondisyon.
Mga taong naghahanap ng mga taong kaya silang yakapin ng walang halong pagkasuklam at pandidiri.
Mga taong kaya ring magmahal kahit na paulit-ulit pang saktan at tapakan.
Nagpatuloy ako sa paglalakad kahit dinig na dinig ko pa rin ang kanyang pagmamakaawa.
Hindi ko ininda ang sakit na namutawi sa kanyang bawat pagsusumamo sa madla.
Tinalikuran ko ang binatang halos lumuhod na sa mga taong sa kanya'y tumatawa.
Isinawalang-bahala ko rin ang mga narinig na hikbi mula sa kanya.
Sa aking ginawa, wala na nga akong ipinagkaiba sa mga tumatawa sa kanya.
Isa na rin akong hangal na animo'y sobrang taas na dahil lang sa ako'y normal.
Imbis na siya'y tulungan, aking tinalikura.
Oo, kumpleto ang aking katawan ngunit ang pagkatao't kaluluwa ko'y tunay na may kulang.
Sa lahat ng taong pinagtatawanan ang kakulangan ng iba.
Sa madlang kumukutya at tumapak sa pagkatao nila.
Sa iilang itinuring na ang mga katulad nila'y salot sa lipunan at bansa.
Sa lahat ng tumanggal sa karapatan nilang maging malaya.
Tayo ang totoong kawawa.
Tayo ang totoong kulang sa aruga.
Tayo ang totoong katawatawa.
Tayo ang totoong bobo at hindi pinagpala.
Samantalang sila...
Sila ang tunay na pinagpala.
Sila ang tunay na kumpleto.
Sila ang tunay na dapat sa 'tin ay tumawa.
Sila ang mga tunay na tao na dapat ding ituring na tao.
Dahil...
Mga tao rin sila.
-credits to our fellow spoken poetry writer
BINABASA MO ANG
Spoken Poetry Tagalog
PoetryAll the Spoken came from our Page "Spoken Poetry PH." sariling gawa po namin ito and please po paki boto po ng aking new project! aabot po ito siguro ng 100+ pafollow and like ng aming page" SPOKEN POETRY PH" please subscribe to my youtube channel:...
