NAG-ANGAT ng tingin si Melissa Roque Paredes nang bigla siyang sikuhin sa tagiliran ni Clara, ang madalas niyang kapartner sa duty lately bilang receptionist ng Slade House, isang trendy at high-end karaoke and buffet place sa Ortigas. Lampas isang taon na siyang nagtatrabaho doon.
"Bakit?"
Ngumuso si Clara, pasimpleng may itinuturo. Pero kahit hindi pa siya lumingon alam na niya kung sino ang nakita nito. Halata kasi sa kislap ng mga mata nito at matamis na ngiti. Nag-echo sa ground floor hallway ang lagutok ng takong na sinabayan ng yabag ng mga paa na sa tagal niyang nagtatrabaho roon ay naging pamilyar na sa kaniya.
Napaderetso ng tayo si Melissa at tuluyang lumingon. Nakita niya ang boss nila na si Dominic Roman na kabababa pa lang sa hadgan, malamang galing sa third floor ng Slade House. Nakapaikot ang isang braso nito sa baywang ng isang magandang babae na nakahilig naman ang ulo sa balikat nito. Ni hindi sumulyap sa puwesto nila ang lalaki na para bang ang babae lang ang sentro ng atensiyon nito. Pero alam niya na ang totoo, hindi lang ang babaeng ito ang madalas na 'bisita' ng boss niya.
"Iyon ba ang girlfriend ni sir Dominic?" bulong ni Clara nang makalabas na ng Slade House ang dalawa.
"Hindi," sagot agad ni Melissa at niyuko ang computer screen, tiningnan kung mayroon na bang karaoke room ang malapit na matapos ang oras.
"Ang lungkot naman na may girlfriend na pala siya," sabi na naman ni Clara, hindi pinansin ang komento niya.
Nang masigurong wala pa namang karaoke room ang kailangan tawagan para paalalahanan sa oras ay ibinalik niya ang buong atensiyon sa nakababatang babae. Mukha itong heartbroken habang nakatitig pa rin sa entrada ng Slade House. Muntik na mapabuntong hininga at mapailing si Melissa. Dalawang buwan pa lang sa trabaho si Clara pero mukhang hindi ito magtatagal.
Noong bagong pasok ito, naa-amuse pa siya sa obvious na crush nito kay Dominic Roman. Pero lately concerned na siya para rito. Katulad din kasi si Clara ng marami pang babaeng empleyado na pumasok at umalis sa Slade House mula nang magtrabaho doon si Melissa. In love na talaga ang dalaga sa boss nila.
Tumikhim siya at handa na itong bigyan ng seryosong payo na makakatulong dito para manatiling may trabaho kaso nanlaki ang mga mata nito at mahigpit na napakapit sa braso niya. Nagulat tuloy si Melissa. "Bakit?"
"Pabalik na si sir," nanginginig ang boses na bulong ni Clara. "Ate Mel, ang pogi niya talaga."
Naku, patay kang bata ka. Malakas talaga ang tama. Napabuntong hininga na talaga si Melissa at lumingon din sa tinitingnan nito. Pumasok na nga uli sa Slade House si Dominic Roman, lumingon sa direksyon nila at malawak na ngumiti. Suminghap si Clara at lalong humigpit ang hawak sa braso niya nang magsimula maglakad palapit sa kanila ang binata. Naaawa siya sa babae kasi siguradong sa heartbreak mauuwi ang feelings nito para sa boss nila. Kaso hindi rin naman niya ito masisi. Kahit siya aminadong hindi lang ubod ng guwapo si Dominic Roman, umaapaw rin ang sex appeal.
Nang una niya itong makaharap para sa final interview niya sa Slade House more than a year ago, hindi rin siya makapaniwalang may lalaking katulad nito na nag-e-exist talaga sa tunay na buhay. Matangkad ito, halatang alaga sa exercise ang pangangatawan, makinis at glowing ang kayumanggi nitong balat, maganda ang tindig at parang modelo magdala ng damit.
Higit sa lahat, nagmamay-ari si Dominic ng mukha na sa sobrang perpekto ay ni hindi nabibigyan ng justice kapag sa pictures mo lang nakita o kapag ide-describe lang ng ibang tao sa 'yo. Walang halong exaggeration pero nawalan ng interes si Melissa sa mga artistang bumibida sa mga teleseryeng pinapanood ng parents niya mula nang maging amo niya si Dominic Roman.
Her boss has a defined set of cheekbones and sharp jawlines. Straight ang matangos nitong ilong at heart-shaped ang mapulang mga labi. Makapal ang mga kilay na ipinares sa bilugang mga mata na itim na itim ang kulay. Parang palagi tuloy itong intense at intimidating makatingin. Mabuti na lang palangiti, friendly at pilyo ito. At ang contrast na iyon ng personalidad at hitsura nito ang dahilan kaya lalong attracted ang mga tao kay Dominic. Para itong magnet. Mapapalingon ka talaga at madali mo makikita kahit sa gitna ng maraming tao. Ganoon kalakas ang karisma at presensiya nito.
"Kumusta ang business natin today? Ayos ba?" nakangiting tanong ni Dominic nang tuluyang makalapit sa kanila. Ipinatong pa nito ang mga braso sa reception desk at pilyong kumindat.
Bumitaw sa braso ni Melissa si Clara na matamis na ngumiti at maarteng nag-ipit ng buhok sa tainga. "Okay naman, sir."
Tumaas ang mga kilay ni Dominic pero hindi nawala ang ngiti, Pagkatapos bigla nitong itinutok ang buong atensiyon kay Melissa. "May malapit na ba mag check out?"
"One hour pa."
Tumango ang binata at biglang dumeretso ng tayo. "Great. Sumama ka muna sa akin. I need to talk to you."
Napakurap si Melissa. "Tungkol saan?" nagtatakang tanong niya.
Ngumiti uli si Dominic pero nang magtama ang mga mata nila narealize niyang nagiging impatient na ito. "Confidential. Come with me to my office." Pagkatapos hindi na siya hinintay sumagot na tumalikod na ang binata at nauna nang magpunta sa direksiyon ng hagdan.
Napabuntong hininga si Melissa at sinulyapan si Clara. "Dito ka lang ha? Babalik ako agad."
Halatang naiinggit ang babae at alanganing tumango. Napailing siya bago umalis sa reception desk at sumunod sa boss niya.
BINABASA MO ANG
THE ASSISTANT
Romance(sequel ng story ko na The Late Bloomer) NASA point si Melissa ng kanyang buhay na hindi na love ang priority niya kung hindi pamilya. Bilang isang biyuda na may dalawang anak, nakapagdesisyon na siyang hindi na uli papasok sa isang relasyon. Kaya...