Part 27

13.2K 432 8
                                    

Humigpit ang hawak ni Dominic sa kamay niya at sumeryoso ang ekspresyon. "Puwede ba ako maging honest sa 'yo?" Nahigit niya ang hininga at marahang tumango. Tipid itong ngumiti, hinila ang kamay niyang hawak pa rin nito at ipinatong sa lamesa. Ilang segundong pinagmasdan lang siya nito bago nagsalita, "I like you more than I thought, Mel. Hindi bilang secretary. Hindi rin bilang kaibigan. Gusto kita bilang isang tao. I'm attracted to your kindness, your selflessness and your unwavering love to the people close to you. Maniwala ka sana na sinubukan kong pigilan ang sarili ko na magustuhan ka. I'm not the type of person who will mix my personal and professional life. Alam ko rin na baka hindi ka maging komportable. Na nagdesisyon ka nang hindi na uli papasok sa relasyon. But the more I resist, the deeper my feelings get. So can you at least give me a chance to change your mind?"

Biglang hindi makahinga si Melissa kasi parang lumobo ang puso niya. Hindi na ito nagsalita, hinihintay na lang ang isasagot niya. "S-sabi mo huwag ako ma in love sa 'yo. Requirement mo 'yon noong kinuha mo akong executive secretary mo, 'di ba?"

Umangat ang gilid ng mga labi ni Dominic at parang nahiya na ewan. "Alam ko. Palagi ko rin pinapaalala sa sarili ko ang tungkol diyan. Naisip ko rin na baka hindi ka maniwala na gusto kita. Na baka hindi mo seryosohin ang nararamdaman ko kasi alam ko naman na may reputasyon akong hindi maganda."

Ah. Aware ang binata na kilala itong playboy. Malamang alam din nito na sa lampas isang taon niya sa Slade House hindi na niya nabilang kung ilang babae ang dumaan sa buhay nito. Pero sa nakaraang mga linggo wala nang bumibisita sa opisina at wala na rin tumatawag.

"Alam mo na hindi kita huhusgahan kung ano mang klase ng reputasyon ang meron ka."

Naging masuyo ang ngiti ni Dominic at humigpit ang hawak sa kamay niya. "See? How do you expect me not to fall for you when you keep on saying things like that?"

Uminit ang mukha ni Melissa. "M-may mga anak na ako, Dominic."

Tumaas ang mga kilay nito. "I don't even see that as an issue, Mel. At unfair sa mga anak mo kung gagawin mo silang dahilan para hindi bigyan ng chance ang sarili mong pumasok uli sa isang relasyon. I'm sure your children want you to find someone who will love you and make you happy."

Hindi siya nakapagsalita at napatitig lang sa mukha nito. Na-touch siya na halatang sincere ito sa sinabi. Hindi niya tuloy napigilan gumanti ng tipid na ngiti. Mukhang nakahinga ng maluwag ang binata, pinisil sa huling pagkakataon ang kamay niya bago iyon binitawan. "I won't pressure you, Mel. Kaya mag relax ka at i-enjoy ang ang stay natin sa Singapore, okay? Higit sa kagustuhan kong baguhin ang isip mo tungkol sa plano mong maging single forever, mas gusto kong maging masaya ka talaga habang nandito tayo."

Na-touch si Melissa sa sincerity na narinig niya sa boses ni Dominic. "Thank you," nakangiting usal niya.

"No problem," magaan na sagot nito at ininom na ang iced coffee nito.

Ilang minuto pa lang ang lumipas nakatanggap ng message si Melissa mula kay Demmy. Napaderetso siya ng upo at manghang napatingin kay Dominic pagkatapos iyon basahin. "Nandito na raw sila sa Haji Lane."

Tumango ang binata, ngumiti at lumampas ang tingin sa balikat niya. "Nakikita ko na sila, actually."

Lumingon si Melissa at napangiti nang makitang nasa kabilang dulo nga ng street na kinaroroonan nila si Demmy at ang mga anak niya. Halatang hindi pa sila nakikita ng mga ito, distracted sa mga nakikita sa paligid at pahinto-hinto pa sa harap ng mga tindahang tinitingnan niya rin kanina. Pumihit siyang lalo at aliw na pinagmasdan ang mga ito. Ilang minuto pa ang nakalilipas bago napunta ang tingin ng tatlo sa café kung nasaan sila ni Dominic.

"Mommy!" masayang sigaw ni Robby na siyang unang nakakita sa kanila. Ngiting ngiti itong tumakbo palapit at yumakap sa kaniya ng mahigpit. Natatawang gumanti siya ng yakap at halik bago nilingon sina Demmy at Maja na nakalapit na rin sa kanila.

"Mommy, may amazing chika kaming nalaman sa twitter. Hindi ka maniniwala, grabe," excited na sabi ni Maja, kinikilig. "May mga fan na nakakita raw sa members ng Golden Child na namamasyal! Alam namin ni ate Demmy na kahapon din ang flight nila papunta rito sa Singapore pero to think na baka masalubong natin sila... mommy, nakaka-exicte!"

Nagkatinginan sina Melissa at Dominic, parehong amused na napangiti. Nagdesisyon siyang huwag na lang sabihin sa anak niya na kung napaaga lang ng twenty minutes ang dating ng mga ito ay baka naabutan ng mga ito ang kpop idols. Baka lalo lang maging hyper ang dalawa na busy na uli sa pagtingin sa internet at pagdadaldalan.

"Mommy, gutom na po ako," ungot ni Robby.

Biglang tumayo si Dominic. "Order tayo ng drinks at merienda sa loob, Robby."

Walang pagdadalawang isip na lumapit ang anak niya kay Dominic na inakbayan naman ito. Pero bago pumasok sa café ay kinuha muna ng binata ang atensiyon nina Demmy at Maja. "Girls, sit down. I'll get you something to drink and eat."

"Thank you kuya," nakangiting sagot ni Demmy bago hinila si Maja at magkatabing umupo sa kanan ni Melissa bago nagpatuloy sa pagsubaybay sa twitter para malaman siguro kung nasaan na ang idols ng mga ito. Nagkatinginan na lang tuloy uli sina Melissa at Dominic.

"Sabihin mo na sa kanila kaysa maduling sila kakatitig sa cellphone," sabi ng binata bago kasama si Robby na pumasok na uli sa loob ng café.

"Huh? Anong ibig sabihin niya ate, Mel?" nagtatakang tanong ni Demmy.

"Mommy? Ano pong sasabihin niyo sa amin?" tanong naman ni Maja.

Pareho nang nasa kaniya ang atensiyon ng dalawa, nanlalaki ang mga mata. Ngumiti si Melissa at saka sinabi ang naging encounter niya sa kpop idols na paborito ng mga ito. Bago pa siya matapos magkuwento tawa na siya ng tawa kasi halos lumuwa ang mga mata nina Demmy at Maja at parang mga luka-luka na nagtitili. Napapalingon tuloy ang mga tao sa kanila at kahit sina Dominic at Robby ay napatakbo palabas.

"Mommy bakit hindi mo sinabi agad?"

"Ate Mel naman! Saan silang direksiyon nagpunta? Baka mahabol pa namin!"

Pinanlakihan niya ng mga mata ang dalawa. "Tumigil kayo ha. Dito lang kayo. Mapapanood niyo rin naman sila sa birthday mo, Maja."

"Pero mommy! Iba iyong nasa stage sila. Iba rin iyong makikita namin sila ng malapitan."

"Maja. Katulad natin nagbabakasyon ang kpop idols ninyo rito sa Singapore. Ano sa tingin mo ang mararamdaman nila kung biglang may nagtitilian silang fans na gumulo sa pamamasyal nila? Idols man sila pero tao rin sila, okay?"

Mukhang napaisip ang anak niya kasi natahimik ito at napasulyap kay Demmy. "M-masama nga na sundan natin sila 'no, ate? A-ayoko maging katulad ng mga obsessed fan na ginugulo pati personal time ng idols nila."

Tumango si Demmy, mukhang nahimasmasan na rin. "Tama si ate Melissa. Hayaan na lang natin sila mamasyal nang walang umiistorbo. Hindi natin alam kung hanggang kailan sila makakagala sa public places nang hindi dinudumog ng mga tao. Someday they are going to hit big and they wont even get a chance to roam around even if they want to."

Napangiti si Melissa at proud na hinaplos ang mga ulo ng dalawa. "Very good. You can love kpop boys. Pero dapat alam niyo rin ang limitasyon ninyo bilang fans, okay?"

Sabay na tumango ang dalawang babae. Pagkatapos tumamis ang ngiti niya nang itago na ni Demmy ang cellphone nito. At nang bumalik na sina Dominic at Robby na may dalang drinks at pastries ay magana nang kumain ang mga ito.

THE ASSISTANTTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon