TWO WEEKS later, mas taranta at excited pa si Maja kaysa kay Melissa dahil araw na ng flight nila papunta sa Singapore. Paulit-ulit nitong tinitingnan ang listahan nito kung may nakalimutan ba sila o nailagay na ba ang lahat sa mga maleta.
"Maja, kalma ka lang," natatawang sabi ni Demmy na nasa bahay nila kasama ang kuya nitong si Gray. Ang lalaki at si ate Arci kasi ang maghahatid sa kanila sa airport. Doon na nila imi-meet si Dominic Roman.
"Excited lang ako ate Demmy," sagot ni Maja na binuksan na naman ang backpack para tingnan ang mga hand carry items nito.
"Baka makalimutan mo na bilang ate tungkulin mong bantayan si Robby kapag nasa trabaho ang mommy mo ha?" paalala ni ate Arci sa dalagita.
"Don't worry tita. Big girl na po ako. Kaya ko bantayan si Robby."
"Good," sagot ng ate niya bago siya sinulyapan at matamis na nginitian.
Gumanti ng ngiti si Melissa at thankful na niyakap ito ng mahigpit. Nang araw kasi na mapag-usapan nila ni Dominic ang tungkol sa out of the country trip nila, ang kanyang ina at si ate Arci ang una niyang kinausap tungkol doon.
Nagulat siya kasi pumayag agad ang mga ito. Kasi sayang daw ang chance na makapamasyal silang mag-iina sa ibang bansa. Magiging magandang experience daw iyon para sa kaniya at sa mga bata. Nag volunteer pa ang ate niya na ito ang sasama kay Robby para makakuha ng rush passport. Hindi lang iyon, nagbigay pa ito ng pocket money pandagdag daw nilang mag-iina.
Pagkatapos nang sabihin pa niyang pumayag si Demmy na sumama ay lalo nakampante ang pamilya ni Melissa na magiging okay ang out of the country trip nila. Palibhasa kahit early twenties pa lang si Demmy ay reliable at mature na ito.
"Hindi ba ang pangit tingnan at nakakahiya, ate? Boss ko ang kasama namin?" worried na tanong pa niya sa kapatid noong tulog na ang lahat ng tao sa bahay maliban sa kanilang dalawa.
"Bakit naman nakakahiya kung siya naman ang nag alok? Saka hindi mo lang basta boss si Dominic. Kaibigan ko rin siya kasi bestfriend siya ng boyfriend ko. Saka nakausap ko si Gray kaninang nag lunch date kami. Tumawag nga raw si Dominic para sabihin ang plano niyang pagpunta sa Singapore kasama kayo ng mga bata. Sabi ni Gray pumayag naman silang magkapatid na sumama si Demmy. Kung wala nga lang kami nira-rush na trabaho sa Innovation Media baka sumama din kaming dalawa sa inyo."
Nagulat si Melissa kasi alam na pala ni ate Arci ang tungkol doon bago pa siya magsabi sa mga ito. Nginitian siya ng kapatid at nagpatuloy sa pagsasalita, "Hindi lang iyon. Pagkatapos ako tawagan ni Gray tumawag din sa akin si Dominic para ipaalam kayong mag-iina. Nangako siya sa akin na hindi niya kayo pababayaan. Kaya pumayag na rin ako kasi kahit kilalang babaero ang lalaking iyon, alam ko na hindi siya magiging bestfriend ni Gray kung masama siyang tao."
Dahil sa mga sinabi ni ate Arci, napanatag din ang loob ni Melissa. Kaya kinabukasan nang pumasok siya sa trabaho ay sinabi niya kay Dominic ang desisyon niya. Kung may natira pa siyang alinlangan, tuluyan na iyong nawala nang makita niya ang reaksiyon ng binata. Nagliwanag kasi ang mukha nito at halata ang magkahalong relief at tuwa na pumayag siya sa plano nito.
Kaya heto sila ngayong mag-iina, handa na sa unang out of the country trip nila.
"Wala na bang kailangan ilagay sa kotse? Kailangan na natin bumiyahe para hindi kayo ma-late sa flight," sabi ni Gray mula sa nakabukas na pinto ng bahay at hawak ang susi ng kotse. Kanina pa kasi nila nailagay ang dalawang maleta nilang mag-iina at si Maja na lang talaga ang hinihintay nila.
"Okay na, tito Gray! Ready na. Let's go!" patiling sabi ng anak ni Melissa.
Napangiti tuloy si Gray at kumislap sa amusement ang mga mata. "Kung ganoon magpaalam ka na sa lolo at lola mo."
Tumalima agad si Maja. Lumapit ito sa lola at yumakap ng mahigpit. Sinenyasan ni Melissa ang bunso niyang si Robby kaya lumapit na rin ito sa lola para humalik at yumakap. Hindi niya alam kung matatawa o mata-touch nang makitang namamasa ang mga mata ng nanay niya habang yakap ang mga apo. Kung anu-ano pa ang binilin nito na para bang taon silang mawawala imbes na ilang araw lang.
Pagkatapos magkasunod ding humalik ang mga anak niya sa pisngi ng lolo ng mga ito na nakaupo sa paborito nitong puwesto sa kusina. Katulad ng dati hindi alam ng tatay niya kung ano ang nangyayari sa paligid pero dahil good mood ito ay ngumiti-ngiti. Si Melissa ang huling humalik sa pisngi ng matandang lalaki bago yumakap din sa ina. "Mag enjoy kayo roon," bilin nito.
Ngumiti si Melissa at tumango. Mayamaya pa nakasakay na sila sa kotse ni Gray at bumabiyahe na papunta sa airport.
BINABASA MO ANG
THE ASSISTANT
Romance(sequel ng story ko na The Late Bloomer) NASA point si Melissa ng kanyang buhay na hindi na love ang priority niya kung hindi pamilya. Bilang isang biyuda na may dalawang anak, nakapagdesisyon na siyang hindi na uli papasok sa isang relasyon. Kaya...