MALAKI ang pasalamat ni Melissa na hindi na lumabas ng opisina nito si Dominic sa sumunod na mga oras. Alas onse pa kasi ng umaga ang una nitong video meeting sa isang prospective business partner daw na naka base sa Singapore. Ginamit niya ang ilang oras na hindi ito nakikita para kalmahin ang sarili.
Bandang alas diyes ng umaga, balik na siya sa normal at focused na uli sa pagtatrabaho. Nakapag-organize siya ng files sa computer, nakasagot ng mga email na hindi na kailangan i-forward kay Dominic at kung anu-ano pa. Tapos na niya ang lahat ng trabaho para sa umagang iyon at nag-iinat na si Melissa nang mag ring ang telepono. Agad na sinagot niya iyon at babati pa lang sana ng good morning kaso naunahan na siya magsalita nang tumatawag.
"Are you going to keep on ignoring my calls? Magmamatigas ka na lang talaga habambuhay?"
Napangiwi siya at inilayo ang telepono sa kanyang tainga. Nakakabingi kasi ang sigaw ng nasa kabilang linya. Mukhang matandang lalaki iyon kung pagbabasehan ang magaspang at parang paos na boses. Ilang sandaling nagpakawala ito ng malulutong na mura sa pagitan ng mga litaniya nito sa tatlong magkakaibang lengguwahe; english, tagalog at ilokano ba 'yon? Basta sa sobrang bilis nito magsalita ay wala siya naintindihan. Nang mukhang mapagod at hinihingal na lang ay saka niya inilapit uli sa tainga ang telepono.
"Hello, this is Dominic Roman's secretary speaking. May I ask how I may help you, sir?" magalang at kalmadong tanong ni Melissa.
Narinig niya ng marahas na paghugot ng hangin ng lalaki sa kabilang linya bago ito tumikhim. "I need to talk to your boss. Right now."
"May I ask who is speaking sir?"
"Bakit ba ang dami mong tanong? Ako lang naman –"
Biglang sumulpot sa tabi niya si Dominic. Gulat na napatingala siya. Ni hindi niya namalayan na bumukas ang pinto ng opisina nito kasi masyado siyang naka focus sa tumawag. Nanlaki ang mga mata ni Melissa nang kunin ng binata mula sa kamay niya ang handset. Hindi tuloy niya natapos marinig ang sinasabi ng nasa kabilang linya.
Magrereklamo sana siya pero bumara sa lalamunan niya ang mga salita nang dumukwang ito hanggang halos madikit na ang katawan nito sa kaniya, pinindot ang forward button at ibinalik ang handset sa phone body. Pagkatapos lumingon ito hanggang magtama ang kanilang mga paningin. Walang nagsalita sa kanilang dalawa hanggang marinig nila na nag ring ang telepono sa loob ng opisina nito.
"Sa susunod na tumawag siya, hindi mo kailangan maging polite sa kaniya at babaan mo na lang ng telepono," sabi ng boss niya.
Napakurap si Melissa. "Pero bakit?"
Tipid na ngumiti si Dominic, magaan na hinaplos ang buhok niya at dumeretso ng tayo. "That was my old man," sabi nito bago tumalikod at pumasok uli sa opisina nito. Sandali pa naputol na ang pagri-ring ng telepono. Napatayo si Melissa at lumapit sa pintong hindi naisara ng boss niya. Nasa tainga na nito ang handset at mukhang nakikinig sa mga sinasabi ng tatay nito. Nakatalikod ito kaya hindi niya makita ang facial expression nito pero halata ang tensiyon sa buong katawan nito.
Alam niya na kailangan nito ng privacy kaya hinawakan niya ang doorknob at maingat na isinara ang pinto. Pagkatapos bumalik na siya sa table niya at tumitig sa screen ng computer kahit sa totoo lang na kay Dominic pa rin ang isip niya. Pinag-uusapan pa lang nila ang tatay nito noong gabi nagpunta sila sa Baywalk. Kasasabi pa lang din nito na kapag sumulpot ang step-brother nito ibig sabihin nagpaparamdam ang tatay nito. Ngayon tumatawag na ito sa opisina nila.
Napaigtad at napangiwi si Melissa nang mayamaya naririnig na niya ang pasigaw na boses ni Dominic mula sa loob ng office. Hindi man niya naiintindihan kung ano ang sinasabi ng boss niya, halatang galit naman ito. Ilang minuto ang lumipas tumahimik na uli. Binabaan na siguro nito ng telepono ang ama.
Fifteen minutes bago mag alas onse ng umaga tumayo na siya bitbit ang ipad at alanganing kumatok sa pinto para ipaalala ang video meeting ng binata. Huminga siya ng malalim nang walang marinig na sagot mula sa binata. Kaya maingat na lang niya binuksan ang pinto at pumasok sa loob ng opisina.
Nakaupo sa swivel chair nito si Dominic pero nakatalikod ito sa lamesa at nakaharap sa bahagi ng opisina kung nasaan ang malaking glass window. Nakikita niya ang side profile nito kaya napansin niyang mukhang malalim ang iniisip nito. Tumikhim si Melissa. Saka lang pumihit paharap sa kaniya ang boss niya at disoriented na kumurap. "Mel. What is it?"
Tipid na ngumiti siya at itinaas ang hawak na ipad. "May video meeting ka ng eleven with Christopher Liu."
"Ah. Yes." Tumayo si Dominic at lumapit sa malaking computer screen na nakapatong sa isang side ng lamesa nito. Malamang para buksan ang skype na gamit nito sa video meetings.
Naglakad si Melissa palapit dito at worried na pinagmasdan ang guwapong mukha nito. "Okay ka lang?"
Nag-angat ng mukha ang binata kaya nagtagpo ang mga paningin nila. Siguro napansin nito ang concern niya kasi malawak itong ngumiti at sinabing, "Of course I'm fine. Don't worry. Get a chair. Mag te-take down notes ka sa meeting namin ni Christopher, 'di ba?"
Napakurap si Melissa at tumango. Pagkatapos tumalikod na siya at kinuha ang silya na palagi niya inuupuan kapag may video meeting. Nang makabalik siya sa lamesa nakaupo na rin sa swivel chair si Dominic paharap sa computer.
Pagsapit ng alas onse natuon na ang buong atensiyon nilang dalawa sa meeting. Pagkatapos sinundan iyon ng lunch meeting sa labas at marami pang appointments. Kaya hanggang matapos ang araw na iyon, hindi na nila pinag-usapan ang tungkol sa phone call ng tatay ni Dominic.
BINABASA MO ANG
THE ASSISTANT
Romance(sequel ng story ko na The Late Bloomer) NASA point si Melissa ng kanyang buhay na hindi na love ang priority niya kung hindi pamilya. Bilang isang biyuda na may dalawang anak, nakapagdesisyon na siyang hindi na uli papasok sa isang relasyon. Kaya...