"MEL! I'm here!"
Sumikdo ang puso ni Melissa nang marinig ang boses ni Dominic pagdating nila sa labas ng NAIA departure area. Kasalukuyan pa lang nilang ibinababa ang mga maleta mula sa kotse at sigurado siyang narinig din nila ate Arci at Gray ang boses ng boss niya. Si Demmy kasi at ang mga bata ay palabas pa lang ng kotse. Medyo uminit ang mukha niya nang makita ang makahulugang tinginan ng mag kasintahan, malamang hindi nakaligtas sa pansin ng dalawa na tinatawag siya sa palayaw ni Dominic.
Lumingon si Melissa, hinanap kung nasaan ang boss niya. Nakita niya ito na mukhang kalalabas lang mula sa glass doors ng departure area. Nakasuot lang ito ng kupas na maong, converse chuck taylor at itim na t-shirt na may naka-print na pangalan ng isang nineties' rock band. Nakasuot ito ng dark shades pero hinubad nito iyon habang naglalakad palapit sa kanila at malawak na ngumiti.
Araw-araw niya kasama si Dominic pero sa mga sandaling iyon hindi pa rin niya naiwasang kapusin ng hangin habang nakatingin dito. May iba sa aura nito ngayon. Para itong kumikinang at dumoble ang ka guwapuhan kahit simple lang ang ayos nito ngayon kompara sa normal. At alam ni Melissa hindi lang siya ang apektado ng charisma nito ngayon kasi lahat ng tao sa paligid napahinto sa mga ginagawa at napatitig lang din dito.
Huminto sa harapan niya si Dominic at sa mukha lang niya tumitig. "Hindi kayo na traffic?"
Umiling si Melissa, ni hindi pa rin magawang kumurap. "Hindi naman masyado. Tama ang kalkula ni Gray sa oras ng biyahe namin. Pero ikaw bakit ang aga mo?"
Ngumisi ang boss niya. "I guess I got too excited. Nai-check in ko na nga ang maleta ko."
"Kung wala ka nang bitbit tulungan mo kami ipasok sa loob ang mga maleta nila," biglang komento ni Gray.
Kumurap si Dominic at nilingon ang mga kaibigan na para bang noon lang nito napansin ang presensiya ng dalawa. "Hey bro. Hi Arci."
"Hi. Kahit delayed ka bumati. Kanina pa kami nakatayo rito. Hindi mo kami napansin," sarcastic na sagot ni ate Arci na tinawanan lang ng boss niya.
Sandali pa nailabas na nila lahat ng maleta at bag mula sa kotse. Hindi na sumama sa loob ng departure area sina Gray at ate Arci. Yumakap na lang ang mga ito bilang paalam. Hindi nakaligtas sa pansin ni Melissa na hinila ng magkasintahan si Dominic palayo sa kanila at para bang kinausap ng masinsinan. Kinabahan tuloy siya lalo na at nakita niyang na-tense ang buong katawan ng boss niya. Pero nang lumapit naman ito sa kanila ay nakangiti na uli ang binata.
"Are you guys ready?" masaya pang tanong nito kay Demmy at sa mga anak niya.
"More than ready!" nakangisi at sabay na sagot nina Demmy at Maja. Kanina pa lang sa biyahe ay hindi na mapaghiwalay ang dalawa. Hindi matapos-tapos ang chikahan ng mga ito tungkol sa kpop, kdrama at kung anu-ano raw ang mga pupuntahan at gagawin ng mga ito sa Singapore. Palagi ring magkadikit ang ulo ng mga ito habang nakatingin sa cellphone ni Demmy.
Paano kasi sa kung anong 'himala' ayon sa anak niya, may kpop charity concert daw na gaganapin sa birthday nito, isang araw bago ang flight nila pauwi. Isa raw sa dalawang headliner acts ng concert ay ang paborito nitong kpop boy group. Kaya bilang birthday gift ni ate Arci, Gray at Demmy, binilhan ng mga ito ng ticket ang dalagita. Sasamahan ito ni Demmy manood.
Kaso dahil puro iyon ang pinag-uusapan ng dalawang babae, na-out of place tuloy si Robby na mula nang bumaba sila sa kotse ay hindi na umalis sa tabi niya. Ngayon nga ay sumiksik pa itong lalo at yumakap sa braso niya imbes na sagutin ang tanong ni Dominic.
Pareho silang nagulat ng bunso niyang anak nang biglang yukuin ito ng boss niya at masuyong nginitian. "Hindi ka excited sumakay sa eroplano?"
"E-excited po," mahinang sagot ni Robby, humigpit ang yakap sa kaniya.
Lumawak ang ngiti ni Dominic at magaan na tinapik ang ulo ng batang lalaki. "Excited din ako na makasama kayo. Sobra. We are going to have so much fun."
Sandaling napatitig lang si Robby sa mukha ng boss niya bago dahan-dahang lumuwag ang yakap kay Melissa. Pagkatapos may init na humaplos sa puso niya nang ngumiti ang anak niya at tumango. Ganoon lang kadali napalambot ni Dominic ang puso ng anak niya. Hindi niya masisisi ang anak kasi kahit siyang nanonood lang sa interaction ng mga ito, lumambot ang puso para sa binata.
BINABASA MO ANG
THE ASSISTANT
Romance(sequel ng story ko na The Late Bloomer) NASA point si Melissa ng kanyang buhay na hindi na love ang priority niya kung hindi pamilya. Bilang isang biyuda na may dalawang anak, nakapagdesisyon na siyang hindi na uli papasok sa isang relasyon. Kaya...