Part 28

12.7K 389 10
                                    


NAGING mabilis ang paglipas ng mga sumunod na araw nila sa Singapore. Wala silang work schedule kinabukasan kaya nagpunta silang lahat sa Sentosa at maghapong namasyal sa Universal Studios. Tuwang tuwa si Robby sa rides. Nag enjoy naman sina Demmy at Maja sa pagpapapicture sa kung saan-saang panig ng amusement park. Kahit si Melissa natuwa sa pag-iikot nila roon. Nakakapagod pero masaya.

Hindi nga lang niya alam kung hindi ba napapansin nina Demmy at Maja o nagkukunwari ang mga itong walang nakikita, pero tinotoo ni Dominic ang sinabi nito na susubukan nitong baguhin ang isip niya tungkol sa desisyon niyang hindi na papasok uli sa relasyon. Mas attentive ang binata, mas mainit ang tingin at mas masuyo ang ngiti. Palagi itong nakadikit sa kanila ni Robby. May mga pagkakataong hinahawakan pa nito ang kamay niya na para bang normal silang nag ho-holding hands. Kapag nagugulat siya at napapatitig sa mukha nito ay ngingiti lang ang binata.

Aminado si Melissa na hindi naman nito pinipilit ang sarili sa kaniya. Totoo na touchy ito masyado sa araw na iyon pero hindi rin siya nag effort na dumistansiya. Mas lalong hindi rin siya nagtangkang alisin ang pagkakahawak nito sa kamay niya. Nahihiya man siya aminin pero gusto niya ang pakiramdam kapag magkadikit silang dalawa ni Dominic. Parang may humahaplos na init sa puso niya kapag nakikita niya ang pagsuyo sa mga tingin at ngiti nito. Nakalimutan niya ang tunay na dahilan kaya sila nasa Singapore. Basta naging masaya siya maghapon. Iyong tipo ng saya na ang tagal-tagal na niya hindi nararamdaman.

Pagbalik tuloy nila sa hotel at nagpaalam na si Dominic na pupunta na rin sa sarili nitong hotel room ay medyo nadismaya siya. Ayaw pa niya matapos ang araw at sigurado siya na nang magtama ang mga paningin nila ng binata ay nabasa nito ang nararamdaman niya. Pero ngumiti lang ito at nagpaalam.

Dala siguro ng pagod nakatulog agad si Robby pagkatapos nito maglinis ng katawan at magpalit ng damit. Si Melissa ang nahuling nag shower at nagbihis kaya akala niya maabutan niyang tulog na rin sina Demmy at Maja. Nagulat tuloy siya na gising pa ang dalawa at parehong naka-indian seat sa ibabaw ng kama paharap sa pinto ng banyo. Para bang hinihintay talaga siya ng mga ito. Na-sense din niya na may gustong sabihin ang dalawa. Tumaas tuloy ang mga kilay niya at ngumiti. "Hindi pa ba kayo sawa ipakuwento sa akin ang naging encounter ko sa kpop idols niyo? Ipapakuwento niyo uli?" biro niya.

"Hindi ate Mel. We just want to talk to you," sabi ni Demmy.

Nawala ang ngiti ni Melissa at biglang kinabahan. Kahit kasi may munting ngiti sa mga labi ng mga ito ay seryoso naman ang kislap ng mga mata. Umupo siya sa gilid ng kama nila ni Robby paharap sa kama nina Demmy at Maja. "Ano 'yon?"

Nagkatinginan ang dalawa, halatang nag-uusap ang mga mata kung sino ang mauuna magsalita. "Mommy," sa wakas ay sabi ni Maja. "Like mo po ang boss mo, 'no?"

Nahigit ni Melissa ang paghinga, uminit ang mukha at hindi nakapagsalita.

"At obvious naman na super like ka rin ni kuya Dominic, ate Mel," sabi naman ni Demmy. "I know him my whole life and he's so different when he's with you. The way he acts around you and the way he looks at you, he never did that to anyone before. Kilala ko po si kuya Dominic at maniwala ka sa akin ate Mel. Seryoso siya sa 'yo."

"At seryoso rin ang feelings mo para sa kaniya, mommy. Pero pinipigilan mo, tama po ba?" sabi naman ni Maja. "Kung kami po ni Robby ang inaalala mo, hindi kailangan mommy. Love namin si daddy kahit na nasa heaven na siya ngayon. Pero kapag po nasa work ka at si lola, lolo at tita Arci ang kasama namin sa bahay palagi ka po namin napag-uusapan. Lahat po kami gusto na maging happy ka uli, mommy. Nag promise kami ni Robby sa isa't isa na hindi kami magtatampo sa 'yo kapag nag decide ka magmahal ng iba. Kaya mommy please don't be too hard on yourself, okay? Kung like mo po talaga siya, support po kaming lahat sa 'yo."

May init na humaplos sa puso ni Melissa at namasa ang kanyang mga mata. "Hindi ako nag-aalinlangan dahil nag-aalala ako na baka hindi niyo ako suportahan, Maja. Alam ko na mababait kayong mga anak ko at hindi kayo kokontra kung talagang magdesisyon akong makipagrelasyon uli. Pero ako ang takot, anak. Nawala sa atin ang daddy mo at kahit okay na ako ngayon hindi ko makalimutan ang sakit na naramdaman ko nang mamatay siya."

Sandaling tiningnan niya sina Demmy at Maja at malungkot na ngumiti. "Nakakahiya aminin pero natatakot ako."

Nagkatinginan sina Demmy at Maja bago ibinalik ang tingin sa kaniya. "Ate Mel, kung palagi ka natatakot hindi ka uli magiging happy. Saka sa pagpipigil mo ng feelings mo hinid lang ikaw ang mahihirapan. Pati si kuya Dominic. I'm sorry if I sound like I'm forcing you two together. Pero witness kasi kami ni Maja sa chemistry ninyong dalawa sa nakaraang mga araw. Ang saya ninyo together. Sayang naman po kung hindi ninyo bibigyan ng chance ang isa't isa."

"Saka mommy, hindi man po ako makarelate sa nararamdaman mo ngayon kasi bata pa ako at wala pang experience sa life pero natatandaan niyo po ang palaging sinasabi ni tita Arci?" tanong ni Maja.

Parang nilamutak ang sikmura ni Melissa kasi halos narinig nga niya sa isip ang boses ng ate niya. "What is love without the risk of getting hurt?" mahinang usal ni Melissa sa palaging litanya ni ate Arci mula nang ma-disband ang paborito nitong kpop group.

Sabay na ngumiti sina Demmy at Maja bago nagsalita ang una, "Hindi lang sa pagiging fangirl applicable 'yan ate Mel. Mas lalo na sa real life. Kaya go ka na. Hinihintay ka ni kuya Dominic sa rooftop ng hotel natin."

Napasinghap si Melissa at nanlaki ang mga mata. "Ano?"

"Nag message siya sa akin kanina habang nag sha-shower ka. Pero hindi ka raw niya pipilitin kung ayaw mo, ate Mel. Basta sabihin ko raw po sa 'yo na nandoon lang siya."

Kumabog ang dibdib niya at hindi napigilan mapatayo. Napatingala sa kaniya ang dalawang nakababatang babae, parehong sumilay ang nakakaunawang ngiti sa mga labi. "Go na, mommy," udyok ni Maja.

"Hindi kami lalabas ng room na 'to, ate Mel. Dito lang kami, promise. Dalhin mo na lang ang keycard para makapasok ka mamaya. Baka kasi tulog na kami later," sabi naman ni Demmy.

Ilang segundong napatitig lang siya sa dalawa bago touched na yumuko siya at niyakap ang mga ito ng mahigpit na mahigpit. Hindi pa rin siya sigurado kung saan papunta ang namamagitan sa kanila ni Dominic. Pero hindi rin naman siya mapapakali kung hindi niya ito pupuntahan ngayong gabi.

"Go na, mommy. Baka magising pa si Robby," bulong ni Maja sa tainga niya.

Hinalikan niya sa tuktok ng ulo ang anak at saka dumeretso ng tayo. "Dito lang kayo okay? Babalik ako agad."

"Kahit umaga ka na bumalik, ate Mel," biro ni Demmy.

Pinanlakihan niya ito ng mga mata. Humagikhik ang dalawa. Bumuntong hininga siya at nginitian ang mga ito bago pumihit naman sa natutulog na si Robby at hinalikan din ang pisngi ng bata. Sandali pa lumabas na siya ng hotel room nila at sumakay ng elevator.

THE ASSISTANTTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon