HINDI alam ni Melissa kung ano ang pinag-uusapan nina Dominic at Gabby sa loob ng opisina. Pero hindi na lumabas ang dalawa mula nang dumating sila galing sa lunch. Naging abala na rin naman siya sa pagtawag sa kung sino-sino para i-reschedule ang video meetings na pinapa-cancel ng boss niya.
Bandang alas kuwatro ng hapon, kung kailan naiinip na si Melissa kasi wala na siyang ginagawa, nag vibrate ang cellphone niya. Nagtaka siya nang makita ang pangalan sa screen ng gadget at mabilis na sinagot ang tawag. "Hello? Jaime? Napatawag ka?"
"Bakit hindi ba kita puwede tawagan?" tanong ng lalaki sa kabilang linya. Matalik itong kaibigan ng ate Arci niya mula pa noong high school ang mga ito. Kaya parang kapatid na rin ang naging turing nila ni Jaime sa isa't isa.
Kumunot ang noo ni Melissa kasi may narinig siyang pamilyar na hagikhik mula sa kabilang linya. "Nasa bahay ka ba? Naririnig ko si Maja."
"Ang talas talaga ng pakiramdam mo. Kasama ko si Maja pero wala kami sa inyo. Sabado naman daw bukas kaya naglambing sa akin kaninang binisita ko sina tito at tita. So...hulaan mo kung nasaan kami ngayon."
Napatayo si Melissa. "Nasa Slade House kayo?"
"Tumpak," sagot ni Jaime. Lumakas ang tawa ni Maja at mukhang may sinasabi sa lalaki pero hindi niya maintindihan. "Magkakaraoke lang kami habang hinihintay ang oras ng uwi mo. Nangako ako kay Robby na uuwian namin siya ng chickenjoy kaya pumayag na huwag sumama."
"Wait lang. Bababa ako," mabilis na sabi ni Melissa. Nakaisang hakbang pa lang siya palayo sa kanyang lamesa nang bumukas naman ang pinto ng opisina at lumabas sina Dominic at Gabby.
"Is something wrong?" nagtatakang tanong ng boss niya, sinulyapan ang cellphone na nakadikit pa rin sa kanyang tainga.
"Naku, wala," mabilis na sagot ni Melissa na ibinaba ang gadget at apologetic na ngumiti. "May bisita lang kasi ako sa baba. Pupuntahan ko lang sana sila sandali kung puwede."
"Of course you can," sagot ni Dominic na napansin niyang pasimpleng bumaba ang tingin sa mga paa niya. Nahuli niya ang pagdaan ng relief sa mga mata nito nang makita sigurong suot pa rin niya ang step-in sandals na binili nito kanina.
Tumikhim si Melissa kaya bumalik sa mukha niya ang atensiyon ng binata. Tipid siyang nagpasalamat bago tumalikod at halos tumakbo pababa ng hagdan, sabik makita si Maja kahit magkasama lang naman silang mag-ina kaninang umaga.
"Mommy!"
Matamis siyang napangiti nang pagdating niya sa ground floor ay boses agad ni Maja ang narinig niya. Lumingon siya sa direksyon ng reception desk at nakita niyang halos tumakbo na palapit sa kaniya ang dalagita. Sinalubong niya ito at niyakap. Pagkatapos halikan ang gilid ng ulo nito ay bahagya siyang lumayo at naniningkit ang mga matang tiningnan ang mukha ng anak. "Bakit inistorbo mo na naman ang tito Jaime mo at nagpasama rito? Pagod siya galing sa biyahe dahil sa malayo siya nag wo-work, remember?"
"Sabi naman po niya, okay lang naman," katwiran ni Maja.
"Pero –"
"Okay lang talaga, Mel," natatawang sabi ni Jaime na nakalapit na rin sa kanila.
"Hindi okay," sagot niya at worried na tiningnan ang bestfriend ng ate niya. "Dapat kapag may free time ka nakikipag date ka imbes na kinukunsinti itong anak ko. Paano ka makakahanap ng babaeng mamahalin at pakakasalan mo?"
Ngumiwi si Jaime at napahawak sa batok. "Mag-ina talaga kayo ni tita. Pareho kayo ng sinabi."
"Kasi pareho kaming concerned sa 'yo." Thirty six years old na kasi si Jaime at single pa rin. More than one year ago, nagsabi ito sa kanila ni mama na gusto raw nito pakasalan si ate Arci. Binigay nila ang blessing nila kasi pamilya na ang turing nila sa lalaki. Kaso nga na-in love ang ate niya kay Gray Delan. Siyempre wala naman sila magagawa sa pinili ng kapatid niya. Bukod sa alam ni Melissa na talagang si Gray ang lalaking para sa ate niya. Saksi siya kung gaano kamahal ng dalawa ang isa't isa. Kaya gusto rin nila na makilala na ni Jaime ang babaeng para rito.
BINABASA MO ANG
THE ASSISTANT
Romance(sequel ng story ko na The Late Bloomer) NASA point si Melissa ng kanyang buhay na hindi na love ang priority niya kung hindi pamilya. Bilang isang biyuda na may dalawang anak, nakapagdesisyon na siyang hindi na uli papasok sa isang relasyon. Kaya...