Part 6

15.4K 481 8
                                    


Napabuntong hininga si Melissa at thankful na nginitian si ate Arci na lumapit na sa dining table para mag almusal. Maaga kasi ito pumapasok sa trabaho para makaiwas sa traffic. Pero alam din niya na alone time nito at ni Gray ang oras bago ang simula ng office hours kaya maaga ito umaalis ng bahay.

"Day off mo ngayon?"

Tumango siya at sa wakas ay nagawa na rin makaupo. Kanina pa rin kumakalam ang sikmura niya pero ngayon lang din makakakain. "Balak ko samahan si mama na magpagupit at magpa mani-pedi kasi isang buwan na niyang inuungot sa akin. Hintayin lang namin dumating ang nurse ni papa bago kami aalis."

"Sayang hindi tayo pareho ng day off. Para tatlo sana tayo ni mama na aalis. O kaya magpapaiwan ako para may kasama sila papa dito."

"Okay lang naman, ate. Magkasundo si papa at ang nurse niya. Sabi nga ni mama, nakakapag grocery siya ng matagal na hindi nag-aalala dahil hindi nag ta-tantrum si papa. Iba talaga kapag professional, alam ang gagawin. Noong tayo lang ang nag-aalaga sa kaniya, palagi siya nagwawala."

Nagkangitian silang magkapatid at parehong sandaling natahimik. Alam ni Melissa na katulad niya naiisip ni ate Arci ang kanilang ama. Eight years ago, nagkaroon ng brain aneurysm ang tatay nila. Naitakbo nila agad sa ospital kaya naoperahan agad at naisalba ng mga doktor ang buhay nito. Kaso hindi na nga lang normal ang pag-iisip nito. Parang bumalik sa pagkabata at ang nanay na lang nila ang natatandaan. Pautal-utal na rin magsalita at siguro dahil hindi nito ma-express ang sarili ay madalas mag tantrum. Naging limited din ang kilos nito at ilang taong physical therapy ang kinailangan para lang makatayo at makalakad ito kahit papaano.

Noong wala pa siyang trabaho, hiyang hiya si Melissa kay ate Arci kasi ito ang sumasagot sa halos lahat ng pangangailangan ng pamilya nila. Hindi biro ang ginastos nito sa ospital at alam niyang ilang taon din nitong monthly binayaran ang mga doktor ng papa nila. Pagkatapos malaking halaga rin ang nilalabas nito para sa maintenance na mga gamot at bayad sa therapist naman.

Pagkatapos mamatay ng asawa niya, nahihiya man siya sa kapatid ay mas pinili niyang bumalik sa bahay kasama ang mga anak niya. Hindi sila puwede sa side ng parents ni Jessie kasi ang tatlong kapatid nitong may pamilya na ay doon na nakatira. May pension man siyang tinatanggap mula sa GSIS ng nasirang asawa, halos hindi pa iyon sapat sa pag-aaral ni Maja. Pero kahit kailan hindi niya narinig nagreklamo ang ate niya.

Kaya bilang ganti, siniguro ni Melissa na lahat ng dapat asikasuhin sa bahay nagagawa niya. Siniguro niya na kapag nasa bahay ang kapatid wala itong kailangan gawin kung hindi magpahinga. Bukod sa pag-aasikaso sa kanyang mga anak ay naging hands on din siya sa pag-aalaga sa papa nila. Salitan sila ng mama niya magpaligo at magpalit ng diaper sa umaga. At kapag may araw na hirap ito bumangon at hindi pa naka-schedule ang therapist, siya ang nagbubuhat dito at nagmamasahe sa buong katawan nito. Nakakapagod at sa totoo lang araw-araw masakit ang likod niya at minsan naiiyak din sa hirap pero kinaya niya at hindi siya nagreklamo. Kasi alam niya kulang pa iyon kompara sa lahat ng sakripisyo ng ate niya para sa pamilya nila.

"Mabuti na lang nakahanap tayo ng nurse na magaling, mapagkakatiwalaan at mabait ano?" basag ni ate Arci sa katahimikan.

Ngumiti si Melissa at tumango. "Salamat sa malawak na connections ni Gray." Dahil kasi sa boyfriend ng kapatid niya kaya nalaman nila ang tungkol sa private nurse na si Yolly. Recommended daw ng isang family friend ng mga Delan. Hindi stay-in sa kanila ang may-edad na babae, alas otso hanggang alas sais lang ito sa kanila. Pero malaking kaluwagan sa kanilang pamilya ang presensiya ng nurse. At dahil may trabaho na siya, nakakatulong siya sa pagpapasuweldo rito.

Mayamaya habang kumakain sila ng almusal na magkapatid ay lumabas na rin mula sa kuwarto ang mama nila at sumalo sa lamesa. Sandali silang nagkuwentuhang tatlo bago narinig ni Melissa ang pamilyar na ring tone ng cellphone niya mula sa loob ng kuwarto. "May tumatawag sa akin," komento niya sabay tayo.

"Nang ganito kaaga?" nagtatakang tanong ng kanyang ina.

Nagkibit balikat siya kasi nagtataka rin siya. Mabilis siyang pumasok sa kuwarto nilang mag-iina at kinuha mula sa ibabaw ng study table ni Maja ang gadget. Number lang ang nakarehistro sa screen kaya nakakunot ang noo niya nang sagutin iyon.

"Melissa."

Napaderetso siya ng tayo at hindi napigilan mapasinghap nang marinig ang pamilyar na boses ni Dominic Roman. "S-sir?"

"Sorry, did I wake you up?"

Napakurap siya. "Naku, hindi. Kanina pa ako gising. Nagulat lang ako na alam mo ang cellphone number ko at bigla kang tumawag sa akin." Kasi sa lampas isang taon niyang pagtatrabaho sa Slade House, never siya tinawagan ni Dominic.

"Ah. Yeah. Kagabi ko lang hiningi ang number mo."

Nakabawi sa pagkabigla si Melissa at biglang narealize ang posibleng dahilan kaya tumatawag ang boss niya. At na may magandang balita nga pala siya sa pamilya niya na hindi pa niya nasasabi. "Kinuha niyo sa HR ang number ko? Tungkol ba 'to sa promotion ko?"

Ilang segundong natahimik si Dominic sa kabilang linya bago tumikhim. "Yes. Of course tungkol sa promotion mo kaya ako tumawag. Pero kay Gray ko hiningi ang number mo. Hindi sa HR. Bumalik ako sa restaurant kagabi pero nakauwi na kayo ni Arci. Tatawagan sana kita kagabi para masigurong nakauwi kayo ng maayos pero baka tulog ka na kaya ngayon ako tumawag."

Napanganga si Melissa, hindi inaasahan na maalala siya ni Dominic pagkatapos nito mawala sa party kasama ang isa sa mga bisita ni Demmy. Pero imbes na ma-touch ay natawa pa siya. "Wala naman rason para mag worry ka, sir. Pero thank you sa concern."

Tumikhim si Dominic sa kabilang linya. "Well, that's good. Anyway, tungkol sa bago mong trabaho. Gusto kong pumunta ka sa office ko mamaya para mapag-usapan natin ng maayos. May naka-schedule nang interview para sa iiwan mong posisyon sa reception ang HR mamaya. I'll make sure na may makukuha silang kapalit mo kasi kailangan ko na talaga ng secretary."

Nawala ang ngiti ni Melissa. "Pero day off ko ngayon, sir."

"Kahit after lunch ka magpunta. May lakad tayo sa isang araw kaya kailangan maplantsa natin lahat ng dapat ayusin para sa bago mong trabaho."

Napanganga siya. "May lakad tayo? Saan? At sa isang araw na agad?"

"Kaya nga may meeting tayong dalawa mamaya. You have a lot to learn about our schedule and our work dynamics. Hihintayin kita sa opisina ko. And save my number."

Ibinuka ni Melissa ang bibig para magreklamo pero tinapos na ni Dominic ang tawag. Nanlalaki ang mga matang napatitig na lang tuloy siya sa hawak na cellphone. Ni hindi man lang siya binigyan ng chance tumanggi. Ni hindi tinanong kung may plano ba siya sa day off niya. Ibang klase. Naiiling pa rin na lumabas siya ng kuwarto at bumalik sa kusina.

"Sinong tumawag sa 'yo?" tanong ng kanyang ina.

"Boss ko."

"Si Dominic? Bakit daw?" nakataas ang kilay na tanong ni ate Arci.

"Pinapapunta niya ako sa office niya kasi mag mi-meeting daw kami." Huminga ng malalim si Melissa at alanganing ngumiti. "Mama, ate... na-promote ako."

"Ha?" sabay na usal ng dalawa.

Tumango siya at pinaliwanag kung paanong tinanggap niya ang secretary position na inalok Dominic pati na ang ipinangako nitong salary increase at additional benefits. Natuwa para kay Melissa ang mama at ate niya at mahigpit siyang niyakap. Sa sobrang ingay nilang tatlo himala na hindi nagising ang papa niya. Dahil sa reaksiyon ng mama at ate niya, lalo niya nasiguro na tama ang desisyon niyang tanggapin ang promotion niya.

"Kaso hindi po kita masasamahan mamaya. After lunch daw dapat nasa opisina na ako."

"Naku, walang problema. Mas mahalaga ang trabaho mo," sabi ng mama niya.

"Mama. Mas mahalaga ka kesa sa trabaho ko."

Ngumiti ang kanyang ina at hinaplos ang buhok niya. "Ito talagang bunso ko. Basta sa susunod na lang."

"Ako na lang ang sasama kay mama sa isang araw. Day off ko," singit ni ate Arci na halatang masayang masaya rin para sa kaniya.

Matamis na napangiti si Melissa, nagpasalamat at mahigpit na niyakap ang kapatid.

THE ASSISTANTTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon