"What's wrong?" alertong tanong ni Dominic kasabay nang pagpindot niya sa video record button ng cellphone. Nanlaki ang mga mata ni Melissa at sumenyas na huwag ito magsalita. Natahimik ang boss niya, bumaba ang tingin sa hintuturo niyang nakalapat sa kanyang mga labi. Hindi na nito inalis ang tingin doon. Hindi rin nagawang alisin ni Melissa ang pagkakatitig sa guwapong mukha nito habang nirerecord niya sa gadget na hawak hindi ang eksena sa tiangge kung hindi ang masiglang tugtog na pumapailanlang sa paligid.
Ilang segundong nanatili lang silang nakatayo roon. Muntik na nga niya makalimutang tapusin ang pagrerecord kung hindi lang nag-angat ng tingin si Dominic at nagtagpo ang kanilang mga mata. Napakurap si Melissa, iniwas ang tingin at pinindot ang end record button sa cellphone niya. Pagkatapos sinulyapan niya uli ang boss niya at apologetic na ngumiti. "Sorry. Kailangan ko lang talaga i-record kasi paborito ng anak ko itong tumutugtog na kanta. Ipaparinig ko sa kaniya pag-uwi ko. Matutuwa 'yon."
Tumaas ang mga kilay ni Dominic at sandaling pinakinggan talaga ang masayang awit na mukhang naka-loop kasi nang matapos iyon ay nagsimula uli sa umpisa imbes na mapalitan ng kanta. "This is korean right?" Tumango si Melissa. Ibinalik nito ang buong atensiyon sa mukha niya. "Mahilig din sa kpop ang anak mo?"
"Oo. Impluwensiya ng tita niya. Palagi niya pinapatugtog sa bahay ang mga kanta ng favorite group niya at isa ang kantang ito sa mga iyon. Hinahayaan ko siya kasi mas gusto ko nang mahilig siya sa kpop kaysa mahumaling sa ibang bagay na makakasama sa kaniya katulad ng bisyo at kung anu-ano pa. Pero bakit kaya kpop song ang pinapatugtog nila rito?" Nilingon ni Melissa ang mga stall. "May nagbebenta kaya ng kpop items doon? Kung nagpapatugtog sila ng Golden Child song posible kayang may nagbebenta ng related sa kanila? Malapit na mag birthday si Maja..." Wala sa loob na tiningnan niya ang oras sa screen ng cellphone niya. Lunch break pa rin naman nila. May thirty minutes pa siya.
Nilingon niya si Dominic para sabihing mauna na itong bumalik sa office at magpapaiwan siya roon pero natigilan siya nang makitang mataman na naman ang titig nito sa mukha niya. May kakaiba ring kislap sa mga mata nito na medyo nagpakaba sa kaniya. "Bakit ganiyan mo ako tingnan? May prejudice ka ba sa mga kpop fan, sir?"
Umangat ang gilid ng mga labi nito at nagkibit balikat. "Of course not. People can like whatever the heck they want. Kaniya kaniyang trip lang 'yan sa buhay. Ikaw ang iniisip ko."
Nagulat si Melissa. "Ako?"
Tumango si Dominic. "Iniisip ko lang na mahilig ka magbigay ng regalo. At na pinag-iisipan mo talaga kung ano ang ibibigay mo. You gave Demmy a gift she loved during her birthday too, right?"
Napangiti siya, lihim na nakahinga ng maluwag na iyon lang naman pala ang dahilan kaya kakaiba ang titig nito sa kaniya. "Oo. Mahilig ako magbigay ng gifts. Nagsimula lang noong nagkaroon ako ng mga anak. Ang sarap sa feeling kapag binibigyan ko sila at nakikita ko ang saya sa mga mukha nila."
"At ikaw? May nagbibigay ba sa 'yo ng regalo kapag birthday mo?"
Nagulat siya sa tanong ni Dominic at natatawang umiling. "Naku, matagal na ako hindi nag celebrate ng birthday. Pero may natatanggap naman akong gift kapag pasko mula kay ate Arci. Hindi rin naman ako sanay na binibigyan. Mas sanay akong nagbibigay. Speaking of, sir, okay lang ba na mauna ka na bumalik sa office? Titingin lang ako sa stalls sandali. Promise hindi ako male-late."
Her boss twisted his arm to look at his rolex watch. Pagkatapos bigla itong humakbang papunta sa direksiyon ng tiangge. "Let's go. Sasamahan na kita. Wala pa naman akong gagawin sa opisina."
Nanlaki ang mga mata ni Melissa sa pagkagulat at tarantang napahakbang din pasunod sa boss niya. Napangiwi siya kasi sobrang hapdi na talaga ng paltos niya sa mga paa. Mabuti na lang at nakatalikod na si Dominic at mukhang abala na rin sa pagtingin sa mga stall kaya hindi nito napansin na mabagal at iika-ika na siya maglakad. Pero akala lang pala niya iyon.
Ilang minuto pagkatapos mawala sa paningin niya ang binata dahil nagpasuot-suot ito sa hilera ng mga nagtitinda, bigla itong sumulpot at lumapit sa kaniya. Napakurap si Melissa nang mapansing may hawak na itong paperbag. "May nabili ka nang gusto mo? Agad-agad? Hindi pa nga ako nakakaikot," nagtatakang komento niya.
"Hindi ka talaga makakapag-ikot sa kalagayan mo ngayon," kaswal na sagot ni Dominic. Pagkatapos napasinghap si Melissa nang maingat nitong hawakan ang siko niya at udyukan siyang maglakad hanggang makalapit sila sa isa sa mga nagkalat na stone benches doon. "Sit down."
Napakurap siya pero tumalima naman. Pasimple siyang napabuntong hininga nang mawala ang pressure sa kanyang mga paa at mabawasan ang kirot na nararamdaman niya. Tiningala niya si Dominic para itanong kung anong problema pero bumara sa lalamunan niya ang mga salita nang ilabas nito ang laman ng hawak na paperbag. Isang pares ng flat step-in sandals na unang tingin pa lang ay mukhang komportable na kapag isinuot. "Masakit ang mga paa mo kanina pa, tama ba? Your new shoes don't fit you. Kaya nasasaktan ka."
Uminit ang mukha ni Melissa at nahihiyang humigpit ang hawak sa strap ng kanyang shoulder bag. "K-kailan mo pa napansin, sir?"
"Napansin na ano? Na bago ang sapatos mo o na siguradong may paltos ang mga paa mo?" pabirong tanong ni Dominic.
Pero lalo lang siya nahiya at napangiwi. "Gusto ko lang naman magmukhang professional kaya bumili ako ng bagong sapatos. Kasi palagi mo ako sinasama sa lahat ng meetings at ayoko naman na mapahiya ka sa business partners mo dahil sa akin. Gusto ko naman magmukha talagang executive secretary."
Hindi nakapagsalita si Dominic at napatitig lang sa mukha niya na lalong umiinit nang bigla itong tumawa. Napasulyap siya sa paligid at nakita ni Melissa na may mga taong curious nang napapatingin sa kanila. "Ano bang klase ng executive secretary ang iniimagine mo, Melissa?" tanong ng boss niya nang mahimasmasan sa pagtawa.
"Katulad ng mga dati mong secretary. Palaging maganda, fashionable at sophisticated."
"At nasaan na nga ang mga secretary kong 'yon? Nagtagal ba sila?"
Natigilan siya at umiling. "Sabi ng mga empleyado sa Slade House kung hindi mo raw sila tinanggal sa trabaho ay nag resign sila kasi na-broken hearted pagkatapos mo ireject ang feelings nila para sa 'yo."
BINABASA MO ANG
THE ASSISTANT
Romance(sequel ng story ko na The Late Bloomer) NASA point si Melissa ng kanyang buhay na hindi na love ang priority niya kung hindi pamilya. Bilang isang biyuda na may dalawang anak, nakapagdesisyon na siyang hindi na uli papasok sa isang relasyon. Kaya...