Pagkasara ng pinto sa likuran nila ay nawala ang nakakabingi at nag ba-vibrate na ingay mula sa loob. Para silang napunta sa ibang mundo kasi madilim at tahimik sa labas. Dahil doon kaya malinaw na narinig ni Melissa ang galit na pagbuga ng hangin ni Dominic. Worried na pumihit siya paharap dito. "Okay ka lang?"
Kumurap ang boss niya at sinalubong ng tingin ang kanyang mga mata. Huminga na naman ito ng malalim at dumaan ang guilt sa mukha bago pilit na ngumiti. "I'm fine. I'm sorry you have to see that."
Gumanti si Melissa ng nakakaunawang ngiti at marahang umiling. "Tao ka. Natural na magalit ka o uminit ang ulo mo. Mas lalong natural na may mga taong hindi mo kasundo." Pagkatapos nagbiro siya para pagaangin ang sitwasyon, "Mas kakabahan ako kung lahat na lang ng tao kaibigan mo. Kahit nga kami ni ate, nag-aaway."
Mapait na ngumiti si Dominic at marahan na siyang inakay palayo sa harapan ng club at papunta sa parte ng parking lot kung nasaan ang kotse nito. Nakasakay na sila sa loob at bumibiyahe na sila nang magsalita ang binata, "Hindi ka nagtatanong kung sino siya at kung anong koneksiyon naming dalawa."
Gulat na napalingon si Melissa at hindi nakapagsalita. Sinulyapan siya ng boss niya at nagpatuloy, "Kung iba ang kasama ko nang mangyari ang encounter namin ni Dino kanina, siguradong sumasakit na ang tenga ko sa kakatanong nila ng kung anu-ano."
Tipid siyang ngumiti. "Gusto mo bang maging annoying din ako kahit halata naman na ayaw mo pag-usapan? Ayaw mo na kinukulit ka tungkol sa mga personal na bagay, 'di ba? Ayaw mong nag kukuwento." Halatang nagulat si Dominic. Tumaas tuloy ang kilay ni Melissa pero nakangiti pa rin. "Huwag mo ako tanungin kung paano ko nalaman. Lampas isang buwan mo na akong executive secretary. Bukod sa palagi akong nasa tabi mo, magaling din ako kumilatis ng tao, sir."
"Really?" nakataas ang mga kilay na tanong nito pero nakatutok pa rin ang atensiyon sa daan.
"Really," sagot ni Melissa na pumihit pa paharap sa boss niya. "Nakikita ko kung ano ang attitude mo kapag mag-isa ka lang sa loob ng opisina mo, kapag tayong dalawa lang at kapag nakikipag-usap ka sa iba't ibang tao. Alam ko kapag may hindi ka nagugustuhang tanong kahit hindi nawawala ang ngiti mo. Alam ko na kapag nagiging masyadong personal na ang interes sa 'yo ng mga kausap mo, iniiba mo ang usapan. Oo at hindi nila napapansin na ayaw mo sagutin ang mga tanong nila kasi nadadaan sila sa charm mo."
"At sinasabi mo ba na ikaw hindi ka nadadala sa charm ko? That's why you are seeing right through me?" tanong ni Dominic, maanghang at defensive ang tono.
Pero hindi na-offend si Melissa. Unti-unti kasi niyang nakikita ang tunay na Dominic Roman. Na hindi ito ang lalaking palaging nakangiti, palabiro at pilyo kung magsalita. Na kaya naman pala nito magpakita ng iba't ibang emosyon na katulad ng isang normal na tao.
Sinulyapan siya ni Dominic at kumunot ang noo. "Bakit ka nakangiti?"
Kumurap si Melissa at saka lang narealize na nakaangat nga ang gilid ng mga labi niya. "Puwede ba ako maging honest, sir?"
"Hindi ka pa ba nagiging honest sa lagay na 'yan?" Ibinalik ng binata ang tingin sa daan at tipid na tumango. "Go on."
Mahina siyang natawa bago huminga ng malalim at tumingin din sa tinatahak nilang kalsada. Sa Pasay ang location ng club ni Dominic at pa-Roxas Boulevard na sila ngayon. Marami-rami pa silang nakakasabay na sasakyan kasi mag aalas diyes pa lang ng gabi. Ilang segundong katahimikan bago nagkalakas ng loob si Melissa na magsalita, "Mula noong una kitang makita para sa final interview ko sa Slade House hanggang bago mo ako maging executive secretary, palagi ko naiisip na hindi ka tao."
"What?" natawang sabi ni Dominic.
Napangiwi siya at nilingon ito. "Ang ibig kong sabihin masyado kang... perpekto. Ang hirap mo tingnan ng matagal. Masyado ka kasing guwapo. Umaapaw din ang charm mo at malakas ang personalidad. Nakaka-intimidate ka pero para ka rin magnet, hindi mapigilan ng mga tao na gustuhing mapalapit sa 'yo. Ang ganda ng smile mo at masarap pakinggan ang tawa mo. Pero ang mga mata mo madalas malamig at detached. Mukha ka tuloy hindi totoo sa paningin ko. Pero ngayong gabi marami akong nakitang ibang side mo, sir. Kaya panatag ang loob ko ngayon. Because now I know you are human just like me."
BINABASA MO ANG
THE ASSISTANT
Romance(sequel ng story ko na The Late Bloomer) NASA point si Melissa ng kanyang buhay na hindi na love ang priority niya kung hindi pamilya. Bilang isang biyuda na may dalawang anak, nakapagdesisyon na siyang hindi na uli papasok sa isang relasyon. Kaya...