Part 36

13.4K 410 4
                                    


"SA TINGIN mo rin ba matigas ang puso ko?" bulong ni Dominic sa buhok niya makalipas ang ilang segundong katahimikan. "Masyado ko lang ba pinapalaki ang sitwasyon na hindi naman talaga dapat issue? Am I being selfish, Mel?"

Huminga ng malalim si Melissa at hinigpitan ang yakap sa binata. "Puwede ba akong maging honest sa 'yo?"

Mahina pero walang siglang tumawa si Dominic. Pagkatapos dahan-dahan nitong niluwagan ang yakap hanggang magtama na ang kanilang mga paningin. "Gusto ko kapag nagiging honest ka sa akin."

Nginitian niya ito at hinaplos ang pisngi. "Naiintindihan ko ang dahilan kaya malamig ka sa tatay mo. Buong buhay mo hindi kayo nagkasundo kaya kahit nag ri-reach out na siya sa 'yo ay mahirap pa rin tanggapin ang kamay na inaabot niya. Pero, Dominic magulang din ako, remember? Kaya magsasalita ako sa point of view ng isang magulang. Okay lang ba?"

Ilang segundong tinitigan siya ng binata bago siya hinila hanggang nakaupo na sila sa sofa na nasa gitna ng opisina nito. Huminga ito ng malalim at saka nagsalita, "Go on."

Nginitian ito ni Melissa at ginagap ang kamay. "Dominic, bilang isang magulang, naiintindihan ko iyong urge na kontrolin ang buhay ng anak ko. Kasi iyong mga bagay na napagdaanan namin noon, iyong mga sakit, kabiguan at kung anu-ano pang naging challenges sa buhay namin, ayaw namin na maranasan ng anak namin 'yon. Thankfully kasama ko sa bahay ang parents at kapatid ko kaya kapag malapit na ako sumobra sa pagiging overprotective at overbearing, may nagsasabi sa akin na mag take a step back."

"So sinasabi mo na kaya mahigpit at mataas ang expectations sa akin ng tatay ko noon ay dahil ayaw lang niya na may maranasan akong naranasan niya dati? That all this time I misunderstood him? Na lahat ng mga desisyon niya noon kahit nakakasakal sa akin, act of love?"

Ni hindi kumurap si Melissa sa pait na narinig niya sa boses ni Dominic. Sa halip humigpit lang ang hawak niya sa kamay nito. "Hindi ko alam, 'Nic at hindi mo rin malalaman kung hindi kayo mag-uusap ng tatay mo."

Hindi umimik ang binata, sandaling bumaba ang tingin sa magkahugpong nilang mga kamay. "Gusto mo bang magsalita naman ako sa point of view ng isang anak?"

Bumalik sa mukha niya ang tingin ng kasintahan. Malungkot niya ito nginitian. "Hindi man katulad sa mga kuwento mo ang papa ko, pero hindi ko rin naman masasabing perfect siyang ama. Mas lalong hindi rin perpekto ang relasyon namin. Mas close din kami ni ate kay mama at marami rin kaming sama ng loob sa kaniya. Pagkatapos noong bigla akong nag-asawa pagka-graduate ko ng College, nag-away kami at ni hindi siya pumunta sa kasal ko, alam mo ba? Bumukod kami ni Jessie at madalas si mama at ate Arci ang dumadalaw sa amin imbes na kami ang pumupunta sa bahay. Ilang taon kaming hindi nagkausap o nagkita man lang ni papa. The next time I saw him, nasa ICU na siya ng ospital kasi nagkaroon siya ng brain aneurysm. Sobra akong na-guilty at gustong gusto ko siya kausapin pero hindi na niya ako naiintindihan, Dominic. At kahit na anong pagsisisi ang gawin ko, iyong mga taong nasayang sa pagitan namin ng tatay ko, hindi ko na 'yon mababalik. So please, don't do the same mistakes I did, okay? Bigyan mo ng chance ang sarili mong maging malapit sa tatay mo. Bigyan mo rin siya ng chance na maging mas mabuting magulang kahit papaano."

Mahabang katahimikan ang namayani at nakita niyang pinag-iisipan talaga ni Dominic nang maigi ang mga sinabi niya. May palagay din si Melissa na naalala rin nito ang papa niya na pinangakuan nitong bibisitahin palagi. Mayamaya nawala ang tensyon sa buong katawan ng binata, bumuntong hininga at lumambot ang facial expression. "Okay. Tatawagan ko si Gabby para alamin kung saang hotel sila naka-check in. Susubukan ko siya harapin ng maayos pero wala akong maipapangakong kahit na ano."

Napangiti si Melissa. "Hindi mo naman kailangan agad-agad makalimutan lahat ng sama ng loob mo sa kaniya. Tama na iyong unti-unti kayo mag effort na maging malapit. Gusto mo bang samahan kita puntahan sila?"

Hinawakan ni Dominic ang batok niya, yumuko at masuyo siyang hinalikan sa mga labi. "Bakit ba ang bait mo masyado?" bulong nito na hindi pa rin inilalayo ang mukha kaya tumama sa mukha niya ang mainit at mabango nitong hininga. "Do I even deserve you?"

Napangiti si Melissa at sandaling pinaglapat ang mga labi nila bago sumagot, "Oo naman."

Huminga ng malalim si Dominic, thankful na ngumiti at niyakap uli siya ng mahigpit na mahigpit.

SA SUMUNOD na mga araw madalas na maagang umaalis ng Slade House si Dominic. Tinupad kasi nito ang sinabing susubukan kausapin at kilalanin ang ama. Noong unang beses ito nagpunta sa hotel kung saan naka-check in ang pamilya nito, hindi yata masyadong naging maganda ang pag-uusap ng mga ito kasi masama ang mood nito nang bumalik sa opisina.

Akala tuloy ni Melissa hindi na matutuloy ang pagbabati ng mag-ama. Kaya natuwa siya nang magpaalam uli si Dominic kinabukasan na naging sunod-sunod na araw na nga. Bawat balik nito sa hapon, hinihila siya nito papasok sa opisina para yumakap at magkuwento. Natutuwa siya kasi nararamdaman niyang unti-unting lumalambot ang puso nito para sa ama. Siguro kasi ngayon nakakapag-usap na ang mga ito sa paraang dalawang taong nasa hustong gulang lang ang puwedeng magkaintindihan. Hindi raw katulad noong bata pa ito na hindi ito tinatrato ng ama na kapantay.

Pagsapit ng biyernes, habang naghahanda na si Melissa para umuwi ay biglang bumukas ang pinto ng opisina ni Dominic. Napalingon siya at ngumiti. "Yes?"

Sumandig ito sa hamba ng pinto, namulsa at tinitigan siya na parang pinag-iisipan kung sasabihin ba o hindi ang gusto nitong sabihin. Pumihit tuloy siya paharap dito. "Bakit? Magsalita ka na."

Alanganing ngumiti ang binata, inilahad ang kamay na walang pagdadalawang isip niyang inabot. Malakas ang loob nila maglambingan sa labas ng opisina nito kasi silang dalawa na lang ang tao sa third floor. Kanina pa umuwi ang mga empleyado roon. "May gagawin ba kayo ng mga bata bukas?"

Sumikdo ang puso niya at umiling. "Sabado bukas. Sa bahay lang kami buong weekend. Bakit?"

Humigpit ang hawak ni Dominic sa kamay niya, inilapit sa mukha at masuyong hinalikan. "Puwede ko ba kayo isama ng mga bata bukas? Gusto ko kayong pormal na ipakilala sa kanila. Alam nila ang tungkol sa 'yo, Mel. Ang relasyon natin ang isa sa una kong nilinaw sa kanila. Ilang beses na rin nila sinasabi sa akin na isama kita. Pero gusto ko rin malaman nila ang tungkol kina Maja at Robby."

Touched na napangiti si Melissa. Lumapit siya sa binata, tumingkayad at hinalikan ito sa pisngi. "Sasama kami sa 'yo bukas."

Napangiti si Dominic. "Thank you, Mel," relieved na sagot nito bago siya niyakap ng mahigpit. Mahina siyang natawa kasi bakit ito nagpapasalamat sa kaniya? Siya nga ang dapat mag thank you na gusto nitong ipakilala silang mag-iina sa magulang nito.

THE ASSISTANTTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon