Nineteen

673 11 0
                                    

NAKIUSAP si Celene na kung maaari ay huwag sa loob ng naturang building compound nila pag-usapan ang dapat nilang pag-usapan. Kaya naman nagtungo sila sa isang coffee shop na di kalayuan sa lugar. Kakaunti lamang ang tao doon nang sandaling dumating sila bagaman mas pinili pa rin nilang okupahin ang dulong table kung saan may privacy sila. Pagkatapos um-order ng Cappuchino ay naupo sila doon.

"I was really surprised when you suddenly appear in my workplace," sabi nito sa kaniya. "Paano mo nalaman kung saan ako nagtatrabaho?"

"Nakita ko sa isa sa mga plaques na nakadisplay sa bahay mo nang ihatid kita kagabi," pag-amin niya rito bago kapagkuwan ay mapabuntong-hininga. "Listen, Gab, the reason why I personally go there to see you is because of... Eleanor." mataman niya itong tinitigan pagkatapos. "Napanaginipan ko uli siya kanina."

Natigilan si Gabriel. Ang kalmadong anyo nito ay biglang napalitan ng pagkabalisa. Sinalubong nito ang kaniyang matamang titig.

"N-napanaginipan mo uli si Eleanor?" napapalunok na saad nito. "A-anong napanaginipan mo tungkol sa kaniya?"

"Gab, si Eleanor," napabuga siya ng hangin. Hindi niya alam kung paano isasalaysay rito ang tungkol sa kaniyang panaginip. "I-I think she was tortured or something."

"W-what?" hindi nito malaman kung paano magrereact sa kaniyang mga sinasabi. "W-what are you talking about?"

"Gab, listen, nakita ko si Eleanor sa panaginip ko and she looked different this time. Nakatali yung mga kamay at paa niya. Magulo yung buhok niya. Gula-gulanit yung suot niya." Napalunok siya. "Gab, may bahid ng dugo yung bandang ulo niya."

Matagal na nakatitig lamang ito sa kaniya. Pagkuwan ay kuyom ang mga palad na napayuko. Celene bit her lower lip as she watch him in that state.

"Sinong hayop ang gumawa niyon sa kaniya!" galit na ipinahayag nito. Hinampas nito ang mesa. Nagtinginan sa kanila ang iilang tao sa coffee shop. "Bakit si Eleanor pa?! Bakit?!"

"Gab, I know this is hard for you but please," aniyang hinawakan ito sa balikat at pilit na kinalma. "Please, huminahon ka."

Hindi nagsalita si Gab. Nanatili itong nakayuko habang ang dalawang kamay ay nakasalo sa noo na para bang pinagbagsakan ito ng langit at lupa. Tinapik-tapik ni Celene ang balikat nito.

"Gab, mayro'n ka pang isang dapat na malaman," pagkuwan ay saad niya nang makitang medyo kalmado na ito. "Sa panaginip ko, paulit-ulit binibigkas ni Eleanor ang Sitio Isidro." Napalunok siya. "Narinig mo na ba ang lugar na iyon dati?"

Nag-angat ng ulo si Gabriel matapos marinig ang huling tinuran niya. Matagal na hindi ito nagsasalita. Wari'y nag-iisip.

"Gab, sa tingin ko, gusto ni Eleanor na mapuntahan mo ang lugar na 'yon," sabi niya rito. "Sa tingin ko doon mo siya makikita."

Napatitig ito sa kaniya. Napabuntong-hininga siya. Dinukwang niya ang isang kamay nito at hinawakan iyon.

"Gab, huwag kang mag-alala, kasama mo ako sa laban na ito," sinserong sabi niya rito habang direktang nakatitig sa mga mata nito. "Sasamahan kita hanggang sa tuluyan mo nang matagpuan si Eleanor."

Napalitan ng pagkagalak ang galit at lumbay sa mga mata ni Gabriel. Sa pagkagulat ni Celene ay hinawakan nito ang kaniyang kamay at pisinil iyon. Matipid itong ngumiti sa kaniya.

"Maraming salamat, Celene," he said, genuinely. "Hindi ko alam kung anong gagawin ko kung wala ka."

Sa isang iglap, mayro'ng kung anong masarap na pakiramdam ang bumalot sa sistema ni Celene. Na para bang binalot ng cotton candy ang kaniyang puso. Napangiti rin siya rito.

"Walang anuman, Gabriel," sabi niya bago pagkuwan ay may kung anong maisip. "Mayro'n lamang sana akong isang hihilingin sa'yo. Kung maaari sana ay manatili sa ating dalawa lamang ang tungkol sa paghahanap natin kay Eleanor. Huwag mo muna sana itong babanggitin kahit na kanino." Habang sinasabi niya iyon ay ang kaibigan nitong si Fred ang kaniyang nasa isip. Ewan niya ba. Unang kita niya palang sa naturang lalaki ay mabigat na ang kaniyang pakiramdam dito. "Okay lang ba?"

"Anything," ang sinsero namang tugon nito. "Anything basta makita lamang natin si Eleanor."

LOST SOULS [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon