SINO ANG PILIPINO?
Tik tok tik tok… Patuloy ang pagpatak ng bawat segundo sa orasan ni Juan. Plok plok… Tunog ng tumutulong bubong gawa ng tubig ulan. Sa bawat araw na lumipas di ko naalintana ang lahat ngunit sa pagdilat ng aking mga mata napunta ako sa ibang dimensyong di ko nakagawian.
Tumingin tingin, nagmasid sa paligid. Teka, si Nene ba iyon? Bakit mayroon siyang itim na guhit sa ibabaw ng kanyang mga pilik-mata? Nagmukha tuloy siyang Koreana dahil sumingkit ang kanyang bilugang mga mata. Bakit nagpapatong si Lara ng pulang burda sa kanyang mga labi? Kala mo tuloy Mexicana. Wow! Tignan mo si Pedro kay puti puti na, naglalagay daw kasi yan ng kung anu-anong gamot para imported daw ang pormahan.
Marami pa akong nakasalubong na iba-ibang lahi kung pagmamasdan pero ang alam ko kasi naglalakad lang ako kanina sa kantong katabi ng tindahan ni aling Nena, paano ako nakarating sa ibang bansa? Nasa Pilipinas pa ba ko? Teka ibang lugar na ata ang kinalalagyan ko. Kung Pilipinas pa ito…nasan ang mga Pilipino?
Nagisip, nagtanong, nagkamot ng sagot. Umaasang makakahanap ng sasagot sa aking mga katanungan. Hangang sa napadpad ako sa bahay ni ate Maria. Ay mali! Magagalit nga pala siya, siya na pala si ate Marie. Kung titignan mo ibang iba na nga siya. Mababakas mo ang isang dalagitang nagtataglay ng gandang pansin ng lahat.
Ang buhok niya na dating kulot at parang tambo ay tuwid na at madulas pa. Ang balat na dati’y kulay mocha ngayon ay kutis porselana pati kanyang pananamit istilo na ng ibang bansa. Nasabi ko tuloy ang mga salitang… “Alam mo nagbago ka na, parang di na ikaw yan.” Umupo siya sa tabi ko at ako’y unti unting naliwanagan. “ Ako pa din to, panlabas ko lang ang nagiba pero ang puso’t isip ko ay si Ate Maria pa din. Bago na ang mundo, ayoko namang mapagiwanan noh! Di ako nagbago, nakikipagsabayan lang ako!”
Aha! Alam ko na! Di sila nawala! Andito pa sila! Andito pa ang Pilipino! Nasa Pilipinas pa din ako! Nakikipagsabayan tayo. Marahil maraming nagbago ngunit ang mga pagbabago ang tugon upang mas tumaas ang lebel ng ating pamumuhay. Natakot ako, akala ko naglaho na ang Pinoy, siguro tulad ko naguluhan din kayo, marami sa atin ang bumabatikos sa pagbabago ngunit diba’t dito tayo kilalang mga Pilipino? Mahilig tayong magpasikat, gumawa ng bago at di takot makipagsapalaran sa kahit na anong hamon.
Tik tok tik tok… Patuloy ang pagpatak ng bawat segundo sa orasan ni Juan. Plok plok… Tunog ng tumutulong bubong gawa ng tubig ulan. Sa bawat araw na lumipas di ko naalintana ang lahat ngunit sa pagdilat ng aking mga mata napunta ako sa ibang dimensyong di ko nakagawian.Nagbago ang lahat sa isang kisap mata ‘wag kang mag-alala di sila nawawala, andito pa ang mga Indio. Na kung tawagi’y MAKABAGONG PILIPINO!