Sino ang Pilipino? ni Christlan Keisser S.A. Napoles

55 0 0
                                    

Sino ang Pilipino?

 

                        “Ikaw ay dugong Pilipino. Sa takot ay ‘di pa rin susuko. Sabay-sabay sa pagbangon, sama-sama sa pag-asa sapagkat ikaw ay mayroong dugong Pilipino,” wika ni Jonathan Badon.

                        Jose Rizal, Manny Pacquiao, at Lea Salonga. Sino ba sila? Sila ay mga huwarang Pilipino. Ito ay dahil sa pinatunayan nila na ang Pilipinas ay isang bayang ganap nang tumatayo sa sarili nitong paa nang hindi humihingi ng tulong ng mga banyaga. Pero sila lamang ba talaga ang dapat nating kilalanin bilang Pilipino? Hindi ba at ikaw rin? Isang karaniwang mamamayan na mayroong kayumangging kulay, buong loob, at may agimat ang dugo. Itaga mo iyan sa iyong bato. Ikaw ay Pilipino. Paano?

                        Una, magsilbi kang mabuting halimbawa sa iyong kapwa. Hindi ka dapat mauubusan ng mga bagay na nararapat mong gawin. Gamitin mo ang maka-Pilipinong paraan ng pakikitungo mo nang maayos. Magmano ka sa mga matatanda. Huwag mong kaligtaang gumamit ng “po at opo” sa pakikipag-usap sa mga nakahihigit sa edad mo. Kamayan mo ang iyong katunggali, manalo man o matalo. Kapag ikaw ay nahihirapan, hindi mo kailangang sumuko. Ngitian mo na lang ito. Sabi nga ng isang residenteng lumikas dahil sa nagbabadyang pagputok ng Bulkang Mayon: “Tawanan mo ang problema upang mawala ang konsomisyon.” Ipakita mo ang iyong disiplina hindi lamang sa Valenzuela kundi maging sa lahat ng panig ng bansa. Bukod dito, palawigin mo ang iyong pananampalataya sa ating Panginoon. Kabilin-bilinan nga ng Diyos: “Mangilin tuwing Linggo o pistang pangilin.” Magsimba ka tuwing Linggo o kapag sumasapit ang Mahal na Araw, Pasko, at iba pa. Magdasal ka ng rosaryo at orasyon. Huwag mong sisirain ang pangalan ng Panginoon lalo na kung wala kang dahilan. Sa pamamagitan nito, hindi ka pababayaan ng Diyos kahit anuman ang mangyari.

                        Ikalawa, tangkilikin ang sariling atin. May kaisipan tayong “Bago mo halikan ang iyong asawa, halikan mo muna ang iyong magulang.” Ibig sabihin, bago mo yakapin ang gawa ng dayuhan, unahin mo muna ang sa Inang Bayan. Wika ng marami: “Huwag maging dayuhan sa sariling bansa.” Huwag kang maging Amerikano dito mismo sa Pilipinas. Bago gumamit ng iPhone, subukan muna ang myPhone. Bago kumain ng Hawaiian Pizza, tikman muna ang tsitsaron. Bago panoorin ang CSI, panoorin muna ang Eat Bulaga. Sa pamamagitan nito, maipapakita mo sa lahat na mahal mo ang Pilipinas.

                        Panghuli, magpunyagi para sa kabutihang panlahat! Paano? Magtamasa ka ng wastong edukasyon. Sa tingin mo, bakit ka ba pinag-aaral ng iyong magulang? Baon? Pag-ibig? Pagdaldal? Puwes, kung iyan ang dahilan mo, gumising ka! Mayroon kang misyon, dapat alam mo iyan. Ililigtas mo ang Pilipinas mula sa paparating na tanikala ng kamangmangan at kahirapan. Sa pamamagitan ng edukasyon, hindi ka na mag-aatubiling abutan ng kamay ang mga nangangailangan. Hindi mo aangkinin ang kaalaman mo. Si Brother Eddie Villanueva ay nagwika: “Walang iwanan sa umaangat na bayan.” Bilang isang Pilipino, ordinaryo man o makapangyarihan, edukasyon ang magiging pamana mo sa susunod na henerasyon at ambag mo sa Pilipinas na iyong Inang Bayan.

                        Ngayong alam mo na, tigilan na ang pagtataka. Huwag mong isipin na karaniwang tao ka lang na walang magagawa sa lipunan. Ayon nga kay Joel Villanueva: “Kasama ka! Kaisa ka! May pakialam ka!” May karapatan kang kumilos para sa bansa mo dahil Pilipino ka. Hindi mo na kailangang suntukin si Floyd Mayweather, magpabaril sa Luneta, o kumanta sa tanghalan ng London upang masabing Pilipino ka. Gawin mo ang lahat ng magagawa mo upang maturing kang isang Pilipinong tunay.

                        Kaibigan, tandaan mo itong sasabihin ko sa iyo: “Maging Pilipino ka sa puso, hindi sa nguso.”

                        Hayo na, kilos na para sa Pilipinas! Sino ang kikilos? Sino ang Pilipino? Ikaw iyon!

Sino ang Pilipino Entry - BulacanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon