Sino ang Pilipino? ni Katelyn S. Soleta

53 0 0
                                    

Sino ang Pilipino ?

            “Huwag kang mahihiya kung ang ilong mo ay pango”. Ito ay awiting madalas nating marinig sa ating kabataan. Nakakatawa mang pakinggan ngunit tunay ngang maganda ang mensaheng nais na iparating sa atin ng awiting ito .Awiting tumatalakay tungkol sa katangian  nating  mga Pilipino. Sino nga ba ang Pilipino ? Sino nga ba ang matatawag nating Pilipino?

            Pilipinas, Plipinas ang ating bansang pinagmulan . Bansang busog sa mga likas na yaman . Mga likas na yaman na ating pinakikinabangan ng mahabang panahon . Nariyan  ang kulay asul na karagatan na sagana sa mga yamang dagat . Sa kabilang dako’y nariyan din ang mga malalawak na kapatagan, nagtataasang mga bundok at aktibong mga bulkan .Sa tuwing ating matatanaw , malayo pa lamang , tayo’y tunay na mamangha, maaakit . Ito ang  ating bansa kung saan unang masisilayan ang liwanag ng sikat ng araw. Ang ating bansang tinaguriang “Pilipinas , Perlas ng Silanganan” . Kung saan nagmula ang ating dakilang lahi.

           Pitong libong pulong pinag-ugnay ng mapagpalang palad,may iba’t ibang salitang binibigkas ng isang wikang panlahat,sari-saring karanasang nabubuo sa iisang kasaysayan at damdamin . May magkaibang tradisyon,kaugalian,at paniniwala na nabubuklod sa iisang kultura ngunit magkakapit-kamay sa  iisang adhikain para sa bansang sinilangan.

             Pilipino ang tawag sa ating lahat. Kung pagmamasdan , mapapansin mo ang  ating makabansang anyo. Sa ating kulay na kayumanggi na patuloy na tumitingkad dulot ng sikat  ng araw . Kadalasan tayo’y nababansagang pandak dahil sa ating natatanging pisikal  na laki. Ang katangiang ito’y tunay na namana natin sa mga ninuno na pinagmulan ng ating dakilang lahi.  Ang ating kulot at maitim na buhok na siyang bumabagay sa ating makabansang kulay .Mayroon pa  tayong  katangian na higit na mapagkakakilanlan sa atin bilang isang tunay na Pilipino, at ito ay ang  mabuting pagtanggap sa mga bisita. Ang pagsagot ng “po” at “opo” at pagmamano  sa  mga nakatatanda at marami pang iba  na nagpapakita ng pagiging kapitapitagan ng mga Pilipino.

                        Tayo ay pinagbuklod ng iisang lahi . Pinagbuklod tayo ng ating luma ngunit mayamang kultura, tradisyon at kasaysayan. Namulat tayo noon sa konserbatibong pamumuhay. Nasanay sa konserbatibong pananamit at pag-uugali . Tinuruan tayong maging matapang ng ating sariling kasaysayan . Kasaysayan na siyang sumasalamin  sa ating pagkatao . Samantalang binuhay naman ng tradisyon ang puso natin  na ipagpatuloy ito hanggang sa kasalukuyan . Ang mga ito ay mga yaman na dapat nating panatilihin, paunlarin at  gamitin .

          Totoong sa dami at sa bilis ng pagbabago at pagdating ng kulturang dayuhan, nahahantad tayo at naiimpluwensyahan ng mga ito. Ang nangyayari ay nakakalimutan, hindi nabibigyang pansin at kung minsan ay bumababa ang pagpapahalaga ng iba nating mga kababayan sa sariling kultura at pag-uugali natin dahil sa paghahantad at pagkahumaling sa kulturang dayuhan,ngunit ako bilang kabataang Pilipino,di ko hahayaang madaig ang kulturang kinagisnan at taas noo ko itong ipagmamalaki.

         Bilang isang Pilipino, tungkulin ko na alagaan at ingatan ang likas na yaman dahil ito’y biyaya ng Diyos.Pananatilihin ko ang kultura’t tradisyon na aking kinagisnan sapagkat ito’y pamana ng aking lahi.Susundin ko ang batas na pinatutupad upang maging mapayapa ang aking bayan.Pakitutunguhan ko ang aking kapwa nang naaayon sa kagandahang-asal,Makikiisa at makikilahok sa mga proyekto ng pamahalaan.Hindi ako palilinlang sa mapagbalatkayong mga dayuhan na may matatamis na dila malamangan lamang ang kapwa. Babantayan ko ang teritoryo at buong tapang na ipagtatanggol ang kalayaang ipinaglaban ng mga bayaning nagbuwis ng buhay.Higit sa lahat,magiging mabuti akong Pilipino na may pagmamahal sa bansang  kinagisnan at pagkakaroon  ng pusong matibay at matatag upang maipakita ang  pagiging tunay na Pilipino.

Sino ang Pilipino Entry - BulacanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon