Sino ang Pilipino?
Kadalasang isinasambit ng mga Pilipino na sila ay tunay na Pilipino sa isip, sa salita, at sa gawa dahil sila ay isinilang sa Pilipinas at dito na lumaki. Ngunit, tila ba wala silang alam sa kultura at tradisyon ng mga Pilipino? Kung ikaw ba ay isinilang sa Pilipinas, ikaw ay Pilipino na? Ganyan lang ba ang basehan natin kung sino talaga ang Pilipino?
Ako, bilang isang estudyante, kung tatanungin ako kung sino talaga ang Pilipino, ang aking masasabi ay malalaman mo kung sino talaga ang Pilipino kung sa bawat salita at gawa nila ay makikita mo ang katangian ng isang Pinoy, kung sa bawat salita nila ay may kasunod na kaagad na gawa. At higit sa lahat, mararamdaman mo sa puso nila ang pagmamahal sa sariling bayan at anumang panlalait ang kanilang marinig, maipagmalaki pa rin nila na sila ay Pilipino. Kabilang man tayo sa listahan ng mahihirap na bansa, marami mang tinatanggap na batikos at kahit magulo, hinding-hindi mo ikakahiya at ipagsisigawan na ikaw ay Pilipino.
Sa panahon ngayon, marami ng mga dayuhan ang naninirahan sa ating bansa. Dahil dito may isang tanong na tumatak sa aking isip na nais kong masagot. Maaari ba nating sabihin na ang ilan sa mga dayuhan ang siya pang matatawag natin na Pilipino? Maaaring oo o hindi, ngunit ano nga ba ang kasagutan sa tanong na ito? Naisip ba natin na kung sino pa ang dayuhan, siya pa ang maraming alam sa kultara ng Pinoy at sila pa ang nagtataglay ng mga katangian ng talagang Pilipino? Dahil ako, sumagi na ito sa aking isip at hindi ko lubusang maisip kung ito ay totoo, anon a ang nangyari sa atin? Tuluyan na ba nating kinalimutan ang mga kulturang Pinoy at mas pinili ang pagtangkilik sa iba? Hahayaan na lang ba natin na hindi tayo kilalanin bilang isang Pilipino?
Dahil ako, hindi ko ito hahayaang mangyari. Kahit nasa ika-apat na antas pa lamang ako ng sekondarya, gagawa na ako ng aksyon. Ang pagkilala sa Pilipino ay hindi ibinabase sa kanyang kulay, hitsura o sa pisikal na anyo. Kaya kung tatanungin ako kung sino ang Pilipino, ipinagmamalaki kong sabihin na ako ay kabilang sa listahan ng mga Pilipino. Kahit kulot ang buhok ko, may mahabang pilikmata at kahit puti ang kulay ng balat ko, alam ko sa sarili ko at ramdam ng puso na Pilipino ako. Hindi ko man taglay ang katangiansa pisikal na anyo, sa kaloob-looban ko, Pilipino ako.
Kaya kahit magunaw man ang mundo, dala-dala ko sa hukay ko amg katibayan na Pilipino ako. Pero aaminoin ko na hindi ko lubusang nasagot ang katanungan dahil sa wala pang nagsasabi kung sino ang Pilipino. Ngunit, alam ko sa mga binitawan kong salita, makikilala kung sino ang Pilipino. Kaya para tapusin itong katanungan na ito, mag-iiwan din ako ng isang katanungan. “Sino ba talaga ang tunay na Pilipino, sa isip, sa salita, at sa gawa at siyempre sino ang Pilipino sa puso?