Sino ang Pilipino? ni Jhanielyn Sapida

42 0 0
                                    

Sino ang Pilipino?

Ako ay Pilipino, may dugong maharlika

Likas sa aking puso adhikain kay ganda

Sa Pilipinas na  aking bayan

Lantay na perlas ng silanganan

Wari’y natipon na kayamanan ng Maykapal.

Ito ang isinasaad ng awitin na  pinasikat ng mang-aawit na si Kuh Ledesma  tungkol sa ating pagka-Pilipino. Tunay ngang mahirap  mailarawan ang Pilipino. Ang kanyang pagkatao-dahil nililok ng iba’t ibang kultura ay hindi makilala sa isang sulyap ng paningin. Kailangan itong titigan nang matagal upang makilala ang anyo at hugis.

Ako ay Pilipino, nguni’t  hindi puro. Ako ay may bahid ng pagka-Amerikano,pagka-Intsik , pagka-Kastila, at pagka-Indyo at marami pang ibang klase. Bunga ako ng pinaghalu-halong mga kaugalian at kagawian, simulain at pananampalataya. Sa maikling salita, ako ay isang katauhang binubuo  ng maraming katauhan.

Paganahin natin ang ating imahinasyon. Ilarawan natin sa ating isipan si  Ibarra na isa sa tauhan sa Noli Me Tangere na nagtatarang na tulad ni Elvis Presley o kaya si Maria Clara na naka-shaggy ang buhok at halos mabali ang balakang  kung lumakad,at masusukat natin ang malaking ipinagbago ng Pilipino.Subalit ito’y larawan lamang ng panlabas na anyo. Ano naman kaya ang nangyari sa pag-iisip, emosyon at kaluluwa ng Pilipino? Halika,samahan mo ako at suriin natin ang mga pangyayari.

Marami sa mga mag-aral ngayon ang nahuhumaling sa mga dayuhang manunulat Tulad nina Shakespeare,Hemingway,Tennyson,Bacon at marami pang iba.Subalit ano ang nalalaman   nila tungkol sa sinulat ng mga manunulat na mga Pilipino?  Bukod kina Balagtas at Rizal may nabasa kaya silang  sinulat nina Jose Corazon De Jesus, Severino Reyes, Lope K. Santos,  Macario Pineda , Efren Abueg, Genoveva Edroza Matute at iba pang manunulat na mga Pilipino?.Nakahihiyang aminin ngunit malamang sa siyam sa sampung mag-aaral ang hindi man lamang nakababasa sa mga sinulat  at di nakakikilala sa mga manunulat na  mga Pilipinong ito.

Maging ang mga kantahing dayuhan ay alam na alam ng mga kabataan ngayon. Hindi lamang ang paraan ng pag-awit  ang kaya nilang gayahin kundi pati ang galaw at imbay ng katawan ng mga dayuhang mananayaw. Subalit subukan mong  pakantahin  ng kundiman sa malamyos at malambing na tinig mapag-aalaman ng kawalan nila ng  pagpapahalaga sa awiting sariling atin.Gayon din  sa pagsayaw,.mapapanood na lang natin sa entablado   tuwing ipinagdiriwang ang “Buwan ng Wika” ang  mga sayaw tulad ng pandanggo,tinikling,maglalatik, singkil at marami pang uri ng sayaw na kasasalaminan ng ating pagkalahi. Waring ang sayaw –Pilipino ay pampagunita lamang ng nakaraan at walang puwang  sa kasalukuyan.

Punahin natin ang paraan ng pagsasalita ngayon lalo na ang mga kabataan. Ano ang napapansin mo? Di ba’t kakaiba sa dating wikang kinagisnan?Madaling matutunan ang mga salitang wala sa diksyunaryo yong mga salitang napupulot sa lansangan  na kung iyong pakikinggan ay  walang lambing at timyas kung bigkasin. Mga salitang pinauso lamang ng bagong henerasyon. Nasaan na ang  wikang Filipino na masarap at madulas kung bigkasin?

Sinabi ni Simoun sa kabanata 7 ng El Filibusterismo na” Ang wika ang bumibigkis sa bayan at mamamayan.” Ang wika ang kaluluwa ng bansa at salamin ng lahi.Sa pamamagitan nito ay  naipapahayag natin ang ating mithiin  ngunit ito’ nakapang-aalipin rin.kung ang wikang ito ay galing sa isang mananakop, ito ay nagiging sagisag ng kapangyarihan .

Pilipino ako. Mayroon akong magagawa  na hindi magagawa ng ibang lahi.May talino ako na magagamit  upang maipakita ko ang aking kakayahan.Tutulong ako at makikiisa hindi para sa aking sarili kundi para sa lahat at sa aking bansa.Lilingon ako sa aking pinagmulan titindig ako ng may dangal sapagkat alam kong ako’y Pilipino na pinagyaman ng dakilang kultura. Sisikapin ko na pagyamanin ang mga ipinamana ng aking mga ninuno,dahil ito ang magiging batayan ko para masbi na ako ay tunay na Pilipino! 

Sino ang Pilipino Entry - BulacanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon