SINO ANG PILIPINO?
Tanyag ang Pilipinas dahil sa kaniyang kayamanang taglay at sa kasaysayang ambag nito sa mundo. Gayunpaman, sa lilim ng busilak na kasaganahan ay natatago ang mga taong nagpapanatili at nagpapahalaga upang makamit ang kalayaang nilalasap natin ngayon. Sino ba sila? Sino ang Pilipino?
Sa loob ng higit sa 333 taon ay binalot ng pighati at hinagpis ang puso’t kaisipan ng mga Pilipino sa pagdating ng hukbong Kastila sa ating bansa. Lubhang nakakalungkot na tayo’y pinahirapan sa ating sariling bayan. Ang kinagisnan nating kultura ay sapilitang pinalimot upang ipayakap sa atin ang impluwensyang kanluranin. Sa panahong ito, hawak ng mga prayle ang ating leeg upang ipadama sa atin ang kahapis-hapis na pagtangis. Nang ang galit at poot ay naipon, bala man ng baril ay hindi na alintana upang makipaglaban at iwagayway ang bandera ng kapayapaan. Ang himagsikang ito ay sariwa pa rin sa kasaysayang ng Pilipinas. Tunay na dakila ang sakripisyong ito para sa kalayaan.
Taong 1972, idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos ang mapang-aping batas-militar. Lumaganap ang malawakang pang-aabuso at panloloko sa mga Pilipino. Subalit noong Pebrero 25, 1986, ang makasaysayang araw na ito ang naging hudyat sa pagbalik ng kalayaan. Dumagsa ang milyong Pilipinong nanawagan ng kapayaan sa EDSA upang patalsikin sa pwesto ang rehimeng Marcos. Ito ang dahilan ng tinatamasang demokrasya ng Pilipinas ngayon. Ang dilaw na laso ay naging hudyat na nakamit na natin ang kalayaan.
Nagpalit ng mukha ang mga mananakop at mapagsamantala ngayon sila’y ang mga “Pagsubok”. Kahabag-habag na bansa’y madalas subukin dahil ang bagyong mapaminsala ay sumalubong sa atin. Nang hagupitin ni Yolanda ang Tacloban noong buwan ng Nobyembre ng nakaraang taon, libu-libong buhay ang binawi ni Kamatayan. Makadurog-puso ang kanilang paglisan sapagkat binalot ng katahimikan ang lalawigan. Pahirapang pagbangon ang naganap. Nasubok ang katatagan ng pananampalataya sa Diyos ng Taclobanon, bawat hikbi kasabay ay panalangin na makita nilang buhay ang nawalay na kamag-anak. Kanang kalingkingan ang nasaktan ngunit buong katawan ang pumasan ng pandarahuyo ng Tacloban.
Sa kabila ng pagsubok tuloy ang buhay, umangat sa pagkakadapa, bumangon sa kabila ng pagsubok. Hindi piniga ng mga Pilipino ang renda upang itigil na ang andar ng kalesa sa halip tinatagan ang kapit sa pisi upang tumungo sa tuktok ng tagumpay, ngiti ang ganti sa bawat pag-usad, katangiang maipagmamalaki sa mundo, tayo’y sadyang naiiba at hindi nagpapatalo. Bayanihan at pagtutulungan ang pinaiiral ng ating kababayan. Ang simpleng bagay na iniabot natin sa isa’t isa ay hindi matutumbasan ng gintong kayamanan. Sa pagharap ng mga Pilipino sa mas madilim na bahagi ng buhay, nanatiling umiiral ang pagkakaisa, ito ang ating naging susi sa tagumpay patungo sa magandang kinabukasan. Sa halip na mapoot sa isa’t isa, sinubukan nating gumising sa pinakamapait nabangungot.
Mula sa mundong handog sa atin ng Maykapal ay umusbong ang isang bansang pinanday ng makukulay na tradisyon at kulturang hinubog sa palad nating mga Pilipino. Tila natipon ang kayamanan ng Maykapal sa Perlas ng Silanganan, kayamanang higit pa sa kumikinang na bato dahil ito ay ang mga Pilipinong may busilak na puso’t kaluluwang inihahandog ang kasasapitan para sa bayan. Sa kabila ng mga latay at pasa,, laan pa rin ang buong buhay at diwa upang ipaglaban ang lahing maharlika. Lunurin man ng matitinding hagupit ng bagyo, sakupin man ng malagim na kadiliman, diktahan man ng pinunong gahaman, mananatiling hawak-kamay upang salubungin ang maliwanag na tagumpay. Mananatili pa ring matatag, kahit kanino at hindi magpapabuwag sapagkat tayo ay Pilipino. Pilipinong Totoo!