Sino ang Pilipino? ni Ian Gabrielle Santos

103 0 0
                                    

Sino ang Pilipino?

                   Masasabing Pilipino ang isang tao kung dumadaloy sa kanya ang dugo ng isang Pilipino, maging ito man ay puro o may halong banyaga. Tama lang bang ito ang maging batayan ng pagiging Pilipino? Ayon sa ibang mga tao, ikaw ay magiging tunay na Pilipino sa oras na tinangkilik mo ang wika, produkto, musika, kultura at tradisyon ng mga tao sa bansang Pilipinas. Ito ay masasabi kong tama ngunit hindi pa rin ito mainam na batayan para masabi mong Pilipino ang taong nakasasalamuha mo. Sino nga ba ang Pilipino? Ang tunay na Pilipino ay ang mga taong kayang panindigan ang pagiging Pilipino at ipagmalaki ito sa kabila ng maraming magagandang bagay na ipinapakita sa atin ng mga tao sa banyagang lugar.

                    Napakadaling sabihing “ Ako ay tunay na Pilipino dahil tinatangkilik ko ang bansang minulatan ko.”, maging ang isang inosenteng bata ay kayang kayang sabihin ito. Ang tanong sa winikang iyan, “hanggang kailan mo tatangkilikin ang bansang tinubuan mo?”. Sa oras na ikaw ay may kasagutan sa tanong na nabanggit, ikaw ay hindi tunay na Pilipino. Sa anong kadahilanan? Sapagkat ang pagiging tunay Pilipino ay walang “Expiration Date”. Ito dapat ay hindi maputol dumating man ang lahat ng magagandang ambag ng mga banyaga. Magaling lamang tayong magsalita ngunit sa totoo lang mahirap talagang maging tunay na Pilipino dahil sadyang malakas ang impluwensiya ng mga nakalibot sa ating bansa. Sa bawat sulok ng bansa natin ngayon makikita natin ang impluwensiya ng mga banyaga sa atin. Nasa iyo na bilang isang tunay na Pilipino kung paano mo tatanggapin ang mga ito. Wala namang problema kung tatangkilikin natin ang mga ito, magkakaroon lang sa oras na makalimutan na natin na mayroon din tayong mga kaugaliang naghihintay upang ating matangkilk. Bilang tunay na Pilipino, nararapat lamang na bigyan mo ang mga  ito ng higit na atensyon kaysa sa mga turo ng banyaga.

                     Tunay ang pagkapilipino mo sa oras na masasabi mo na ang mga salitang ito ” Wala namang pangit o mali sa mga gawi ng mga Pilipino, ang mali ay nasa mga taong pilit itong iniiwasan dahil pilit na nakikiuso. Hindi tayo nilalang ng Diyos para maging katulad ng iba at hindi Niya tayo ginawang Pilipino para umasal bilang banyaga.” Ang iniisip ng tunay na Pilipino ay “ Hindi ba’t kay ganda kung maiimpluwensiyahan nating ang ibang lahi ng ilan sa mga gawi natin?” at hindi “ Magiging mahusay sana kung magiging katulad nila ako.”. Ang tunay na Pilipino ay hindi sumusunod sa uso dahil sila mismo ang nagpapauso ng mga gawi at kaugalian ng mga Pilipino. Ang Pilipino ay hindi nahihiya sa kanyang kultura at tradisyon bagkus ay pinagyayaman niya ang mga ito. Sila mismo ang lumilinang ng mga ito at hindi hinahayaang mabaon ito sa limot at mapalitan ng mga pinaiiral ng mga banyaga.

                      Hindi mo kailangang mamatay para masabing naging tunay kang Pilipino. Ang pagbili ng lahat ng mga produkto at pakikinig sa musikang Pilipino ay hindi na rin kinakailangan.  Ang kailangan mong gawin ay ang panindigan at ipagmalaki ang iyong pagka-Pilipino hanggang sa huli. Linangin ang kultura at tradisyon mo at huwag lang makiuso. Ang mga taong kayang gawin ang mga ito ay sadyang kahanga-hanga dahil sila ang patunay na mayroon pa ring Pilipino sa mundo. Sila ang tunay na Pilipino.

Sino ang Pilipino Entry - BulacanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon