Sino Ang Pilipino?
Pilipino,Pilipino,Pilipino! Ano nga ba ang mga ito? Sino ang mga ito? Sino ang tunay na Pilipino? Sila ba ang mga mamamayan ng bansang Pilipinas? Sila ba ang mga mamamayan na taga-ibang bansa ngunit may pusong Pilipino? O sila ba ang mga mamamayan na may dugong Pilipino ngunit ang puso nila ay nasa ibang bansa? Ikaw, ano ang iyong palagay? Ikaw ba ay Pilipino,ako,sila o tayo?
Dito sa Pilipinas na may 7,107 na pulo. Luzon, Visayas at Mindanao, iba’t-ibang tao, kultura, dayalekto at tribo. Iba’t-ibang relihiyon, paniniwala at mga tradisyon, ngunit sila ay may iisang lahi at ito ay ang Pilipino. Sa pagdaan ng panahon, may mga banyagang pilit na sinakop ang ating bansa, at dahil sa hindi naman natin maikakaila na may kakaibang ganda ang ating mga dalagang Pilipina at makikisig ang ating mga binatang Pilipino ay napaibig nila ang mga dayuhan. Naging dahilan ito upang magkaroon ng pinagsamang lahi ng Pilipino at dayuhan. Nakatutuwang isipin na may mga dayuhang mahal na mahal ang ating bansa. Natututunan at nagiging bihasa sila sa ating wika. Nakamamangha pa nga ang mga dayuhan na nagpapapalit ng nasyonalidad mula dayuhan sa pagiging Pilipino. Ang mga Pilipino ay may mga ugaling masasabi mong tatak na nila. Katulad na lamang ng pagsasabi ng “po” at “opo” sa mga nakatatanda bilang paggalang, pagiging matatag kahit na may kinakaharap na problema at pagngiti habang may dinaranas na bagyo at higit sa lahat ang pagtanggap ng maluwag at masaya sa ating mga nagiging bisita. Iyan ang ilan lamang sa mga katangian ng mga Pilipino. Mayroon din namang mga Pilipinong mahal ang ibang bansa, sila yung mga tipong may iniidolo doon o di kaya ay nais makarating sa banyagang bansa upang makapag-trabaho at kumita ng malaki. Sa iyong palagay, sila ba ay Pilipino pa ring maituturing? Oo naman. Hindi naman masama ang umidolo sa mga dayuhan at mangarap, hindi ba? Sapagkat kahit ang mga dayuhan mismo ay humahanga din sa atin, sa ating kultura at sa ating mga makasaysayang lugar na ating tunay na maipagmamalaki. Kung kaya’t walang rason upang kwestyunin natin ang mga Pilipinong iniidolo ang mga banyaga at nagnanais na makarating doon. Ang mga Pilipino ay ang mga taong mahal ang ating bansa, na kahit na kahit ano pa man ang ating mga pangarap, hindi dapat kalimutan ang pagiging Pilipino, sa isip, sa salita at sa gawa, ating ipagmalaki ang ating lahi.
Ngayon, sino nga ba ang Pilipino? Ano ang iyong masasabi? Nararapat na bang tawaging Pilipino ang aking mga nabanggit? Sa aking mga halimbawa, saan ka nabibilang? Tayong mga Pilipino, anuman ang estado ng ating pamumuhay, at panlabas na kaanyuan, huwag natin itong ikahiya at ang ating bansa, ipagmalaki natin ito ng taas noo tulad ng ating mga Bayaning nagbuwis ng kanilang buhay. Sino ang Pilipino? Ikaw, Ako, Sila, Tayo ang mga Pilipino.