Sino ang Pilipino?
Unga! Unga! Ang unang iyak ng sanggol sa bayan ni Juan. Laki sa Pilipinas, gumuguhit ng tapang, sumusulat ng pangarap. Kasing tibay ng kawayan ang paninindigan. Mala agila ang taas ng lipad na nais makamtan sa buhay.
May mga pangarap? Kapatid, Pilipino ka!
Sa ating paglalakbay sa makulay na mundong ibabaw, maririnig mo ang mga batang lansangan, mga musmos na may dala-dalang ngiti sa mga labi. Mga yagit, na sakabila ng matitinding pagsubok at problema’y humahalakhak pa rin. Bitbit ang saya sa munting mundong pasan nila.
Patuloy na ngumingiti? Kapatid, Pilipino ka!
Bawat araw ay may pananabik, maraming pagkakataon ang nagtatakda upang ipakilala kung sino ang tunay na tayo sa kabila ng lahat. May mga ekspektasyong hindi natutupad. May mga problema na nagpapaluha. May mga pagsubok na nakapanghihina. Ngunit sakabila ng lahat ay patuloy pa ring lumalaban. Hindi sumusuko bagkus sumusuong pa rin sa maalong dagat ng katotohanan.
Di nawawalan ng pag-asa? Kapatid, Pilipino ka!
Ilan lamang ang mga ito, sa katangian ng mga Pinoy, ngunit hindi nasusukat ng kahit anong bagay ang simpleng buhay ng pagiging isang Pilipino. Payak na buhay na animo’y malaking regalo at sorpresa ng Panginoong Diyos na kataas-taasan.
Gasgas na marahil, ngunit makatotohanang tunay ang mga matatalinghagang katagang “wala sa kulay, wala sa ilong, wala sa mata o hitsura ng buhok o maging sa tangkad. Maitim ka man, o sing puti pa ng papel. Singkit o bilugan ang mga mata. Pango man o matangos, kulot man o hindi, pandak o may katangkaran. Hindi sukatan yan! Nasa puso iyan.”
Tama! Isang pusong mamon kung tawagin. Dala-dala natin saan man makarating, Pilipino kang hahamakin. Kumakatawan sa bandilang kagalang-galang para sa lahat sa atin. Asul na may kapayapaan sa puso. Pula na katapangan ang sandata sa kapighatian. Puti para sa kalinisan ng kaluluwa. At dilaw na, kaakibat ang nakaraan. Mga nakaraang, patuloy na nagbubuklod sa pitong libo’t isang daan at pitong isla ng Pilipinas.
Isipin mo, taglay mo ba ang mga ito? Huminga ng malalim at sabihin sa sariling Pilipino ako! Sa isip, sa salita at sa gawa. Mabuhay ka! Bakit?
Dahil kapatid, Pilipino ka!
Wala sa pangalang taglay. Purong Juan o mapa-banyaga ka man basta’t may paninindiga’y Pinoy ka! Basta’t nagkakaisa, nagmamahalan, nagrerespetuhan at nagkakasundo’y may tatak Pilipino ka.
Marahil sa pagpatak ng segundo, pagdaan ng bawat minuto, paglipas ng araw o pagdating ng bagong umaga’y nagiging isa kang tunay, puro at likas na Pilipino. Lagi. oras-oras at araw-araw.
Mabuhay ka! Mabuhay tayo! Mabuhay ang bawat Pilipino sa buong mundo.