Sino ang Pilipino? ni Lorenz Dominique Almazan

34 0 0
                                    

Sino ang Pilipino?

             Bawat isa ay may iba’t ibang katangian at anyo.Ang ating angking katangian ang nagpapaiba sa atin bilang nilalang.Iba-iba ang perspektibo ng isang tao sa buhay ngunit gayunpaman,may iisang tunguhin tayong ninanais na marating at ito ay ang kabutihang panlahat. Wika nga ni Dr.Jose Rizal “Ang hindi magmahal sa sariling wika, daig pa ang hayop at malansang isda”.Ito ay nakapupukaw sa ating damdamin at nagmumulat sa atin na pahalagahan ang wika.Ang lahing Pilipino ay isang halimbawa ng mabuting modelo.Ito ay dahil pinaiiral natin ang pagbabayanihan anumang unos ang dumating.Patuloy tayong nakikisabay sa agos ng buhay at handang magsakripisyo para sa bayan. 

               

             Masasabi nating ang Pilipino ay isang huwaran hindi lamang sa mga bata kung hindi sa lahat.Sa mga panahong may kakapusan o kakulangan sa isang patikular na pangangailangan, marami ang handang mag-alay.Ito ay dahil nakatanim na sa atin ang kabutihang asal.Nakatutuwang isipin na likas na sa atin ang paggalang sa kapwa gaya ng pagsasabi ng “po” at “opo” at pagmamano.Idagdag pa natin  ang mga tuwa’t sayang naibabahagi natin maging banyaga man o Pilipino.Minsan,may mga pagsubok na dumarating sa atin ngunit nakangiti pa rin nating hinaharap ito.Masayang maging Pilipino sa maraming dahilan.Halimbawa na lamang ay ang mga ngiting natatanggap natin saanman tayo maparoon.Tayong Pilipino ay nasa iba’t  ibang sulok ng mundo at marunong tayong makiayon sa ibang kultura.Bawat karanasan ay ibinabahagi natin sa mga banyaga na maaaring magpabago ng kanilang pananaw sa buhay.Ang nakatutuwa rito ay positibong pananaw ang taglay natin.Kamakailan lamang,humagupit ang bagyong Yolanda sa Leyte na kung saan, maraming buhay at alaala ang nawala.Maituturing nating itong isang matinding trahedya ngunit makikita pa rin natin ang ngiti sa pusong nalulumbay.Ang pagbabayanihan ang isang mapagmamalaki natin bilang Pilipino.Masasabi nating tayo ay payak mamuhay ngunit  masaya pa rin.Ang kasiyahan ay nahahanap natin kahit na sa simpleng bagay .Namumuhay tayo nang mapayapa dahil sa mga magigiting na bayani natin.Sa kasalukuyan,marami tayong matuturing na isang bayani kung ang bawat kilos natin ay may kabutihang naidudulot.Sa  patuloy na pagbabago ng panahon, hindi natin napapansin na ang mayamang kultura natin ay kumukupas na.Tayo ay biniyayaan ng Diyos ng isang masaganang kalikasan.Ang mga ito ay nararapat na pahalagahan upang ang susunod na henerasyon ay makaranas ng halik ng kalikasan.Nakalulungkot isipin na ang mga kabataan ay nababaling sa mga teknolohiya kaya ang pakikipagkapwa ay bumababa.May oras pa tayo upang ibalik ang sigla ng isang Pilipino.Sa ibang dako,sa tuwing sumasapit ang Pasko,nakasanayan na natin ang maghanda ng iba’t ibang putahe at sama-samang nagsasalo-salo sa hapag-kainan.Sa sumunod na araw ay nagsisimba tayo upang makapagpasalamat sa Kanya.Ang Pasko sa Pinas ang pinakamasaya hindi lamang dahil sa mga handa, kung hindi sa mga pagkakataong kasama natin ang ating pamilya na masayang nagdiriwang kasama ng presensya ng Diyos.Ang kulturang atin ay hindi nakapagtatakang mayabong.Tayo ay maipagmamalaki sa buong mundo kaya ipagpatuloy natin ang ating nasimulan.Ang pagrespeto o paggalang ang ating ipakita dahil ang tunay na Pilipino ay nagtataglay nito.Ang mga narating natin sa buhay ay bunga ng ating pagtitiyaga at kasipagan.Natural sa buhay natin ang magkaproblema.Ito ang pagsubok ng Diyos sa ating pananalig sa Kanya.Tayong Pilipino ay may marangal na gawain at prinsipyo.

          Sa kabuuan, iwagayway natin ang bandera ng Pilipinas nang nakatingala.Ipagmalaki natin ang ating kulay at dugo.Patunayan natin na tayo ay makabayan na mapagmahal hindi lamang sa bayan,kung hindi sa Diyos.Ipagbunyi natin ang ating pangalan at taas-noong ipakita ang ating talino at husay.Lagi nating paiiralin ang bayanihan sa anumang unos.Isalba natin ang ating mayamang kultura upang ang buhay ay matiwasay na nararaos.Ang ating pagsasakripisyo ay magbubunga tungo sa tagumpay.Sa pagtatapos,ang karangalan natin bilang Pilipino ay nakatanim sa ating puso magpakailanman na hitik sa pagmamahal,kasipagan at kabanalan.

                

Sino ang Pilipino Entry - BulacanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon