Sino ang Pilipino? ni Jennilyn A. Ignacio

31 1 0
                                    

SINO ANG PILIPINO?

Pilipino nang isinilang, Pilipino pa rin ba sa paglipas ng panahon? “Ako’y isang Pinoy sa puso’t diwa Pinoy na isinilang sa ating bansa…” Mga linyang ramdam pa ba ng Pilipino sa ngayon?

            Mula kay Dr. Jose Rizal, Andres Bonifacio at mga bayani ng kasaysayan makikita ang kani-kanilang pamamaraan ng pagkamit ng kalayaan mula sa mga dayuhan. Tunay nga na sila ay matatawag na Pilipino. Pilipino sa isip, puso, gawa, at mapasalita.

            Ikaw? Ako? Siya? Sila? Tayo ba ay Pilipino? Paano? Mahirap patunayan sa salita ngunit kayang patunayan ng ating mga ginagawa. Gaya nalang ng simpleng paggamit ng “po” at “opo” sa mga nakakatanda, ngunit iilan na nga lang ba ang ganito parin sa ngayon?

            Pinatotohanan na ng maraming Pinoy ang pagiging Pilipino hindi man sa pagbubuwis ng buhay ngunit sa pamamagitan ng pagbibigay karangalan sa bansang Pilipinas. Gaya nila Manny Pacquiao at Nonito Donaire sa larangan ng boxing ang koponang Gilas Pilipinas sa basketball at Philippine Azkals sa football, kung saan iba’t ibang lahi ang katunggali at kinakalaban. Makikitang iisang mithiin ang nais makamit upang maiuwi ang kampeonato.

            Iba’t ibang larangan ngunit iisa  ang pinaniniwalaan. Taas noo kahit kanino, tayo ay Pilipino at iyon ay totoo! Matangkad, maliit, pango o hindi, singkit man o dilat, maputi, kayumanggi o maiitim p,a iba’t iba man ang itsura, tayo ay hindi maipagkakailang Pilipino. May iisang lahing kinabibilangan at prinsipyo na handang ipaglaban. Ituring man tayong mangmang kung minsan, dahil ilan sa ati’y  salat sa kaalaman, hinding hindi maipagkakailang sa diskarte’y tayo ay lumamang kung kaya ibang lahi ay kaya nating malampasan.

            Sipag at tiyaga, iyan ang baon ng ating mga kababayan saan man magtungo. Kahit saang lugar at bansa pa man, Pilipino’y iyong matatagpuan. Kahit na minsa’y may mga kababayan tayong sinasaktan, inaabuso at pinahihirapan ng ibang lahi kapalit ang salapi ito’y kanilang tinitiis dahil ipinuhunan dito’y dugo at pawis.

            Kababayan, kailan ka magiging matapang? Sa paglisan sa kinalakhan, pagsubok ay hinarap kahit kapalit pa’y kalungkutan na mawalay sa minamahal. Sa paghihirap mo’y dolyar ang kapalit ngunit may kabalikat na pasakit, ganito na nga lang ba palagi?

            Kung lahat sana’y naging maayos, Pilipinas hindi magkakaganito, na tipong lumulubog  at nagpapagapos. Nasaan na ba tayo? Pilipino’y tinangay na ba ng panahon? Luzon, Visayas, Mindanao, kailan babangon, tuluyan ba tayong masisiraan ng pundasyon?

            Gumising ka! Pagbabago’y dumarating na. Pagiging Pilipino’y muli nating ipagmalaki at ipagsigawan pa, dapat taas noo! Kahit kanino, sa isip, salita, puso at gawa.  Pilipino ka, siya, tayo, at lahat sila! Maging matapang ka’t salubungin ang kinabukasang naghihintay. Bumangon ka! Panahon na upang magpaka-Pilipino ka gaya ng bayani na kinakailangan na.

Sino ang Pilipino Entry - BulacanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon