SINO ANG PILIPINO?
Isang pilosopiya ang katagang binitawan ng ating bayani nasi Dr. Jose P. Rizal sa kanyang akda. Ayon sa kanya:
Ang tunay na Pilipino ay may paninindigan sa inang bayan, matapang, mabait at may malasakit na taas noong ipinagmamalaki sa lahat sa anumang pagsubok ay laging lumaban.
Ito ang madalas kong ginugunam-gunam sa aking sarili na ang Pilipino saan mang panig ng mundo, anuman ang etniko, nakatira man sa alin mang pulo ay pinagkakaisa parin ng Wikang Filipino.
Ang Pilipino ang naging daan o susi nating lahat upang mapanatiling matatag at mayaman ang bansa, mula sa mga kultura, wika mga gawaing patuloy pa nating pinagyayaman at pinagyayabong sa pamamagitan ng pagkakaisa.
Ako ay isang Pilipino, halimbawa ng tunay na Pilipino, buong giting kong pinagmamalaki sa lahat na ako ay tunay na kalahi ni Del Pilar kadugo ni Francisco Baltazar kasindamdamin ng di mabilang na mga bayaning Bulakenyo mga tunay na Pilipino. Sa bawat dugo na dumadaloy o nananalaytay sa aking ugat ay makikita ang katapatan at katapangan ng pagka Pilipino. Dito ko rin maipapakita ang malasakit ko sa wika mula sa pagbabaybay ng mga salita, pagsulat ng mga letra mula sa mga nabuong salita ay sumasalamin sa aking katauhan kung sino ako?
Sa paglipas ng panahon at pagdaan ng maraming taon, unti-unti kong nauunawaan ang mga katanungang naglalaro sa aking isipan na hindi ko lubos maunawaan mga katanungan na siyang nagbibigay sagisag upang kilalanin ang bawat katauhan ng Pilipino. Sapagkat hindi lang sa pananatili ko sa aking bayan ang dahilan, kundi rin sa pagtangkilik at patuloy na pagtanggap, paggamit at pagyabong ng sarili nating wika. Katotohanang naririnig sa iba’t ibang panig ng daigdig kultura at wika ang nagpapatingkad sa pagka Pilipino ng bawat isa. Mula sa kultura na kinagisnan o kinasanayan mga gawaing patuloy na nagpapaalala upang nakaraan ay balikan, halimbawa ng mga pagkaing dito nagmula mga tradisyong laging ginagawa at paniniwala upang mapagtibay ang dugong Pilipino. Sa mga wika, mula sa alibata, alpabeto, alpabetong Romano hanggang sa makabagong ortograpiyang Pilipino ay isinasalaysay at ipinakikita upang maipabatid sa mga mambabasa kung sino at ano ang Pilipino. Wikang Filipino ang naging daan, ilaw na nagbibigay liwanag at siyang lakas ng iisang bansa na kailangang alagaan, sapagkat ito’y handog at bigay ng May Kapal na sumasalamin sa ating katauhan bilang Pilipino. Mabuti at maayos na ito’y sa atin ay iwanan, ngunit ngayo’y kapwa sinisirat niyuyurakan. Wagas na pagmamahal talagang kailangan upang sila ay tunay na mapangalagaan para sa tuwid na landas. Maituturing nga nating paunti na ang nagpapahalaga sa mga katagang binitawan ng ating bayani nasi Dr. Jose Rizal “ Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda”. Ngayon ako ay nananawagan kalagayan ng ating Wikang Filipino ay muli nating tunghayan. Iyo na lamang ba itong pababayaan? o wagas mong pagmamahal ang iyong ilalaan.
Kaya’t tayong mga Pilipino ay maging sandigan ng Wikang Filipino ito ang magiging daan na patuloy nating tatahakin sa pag-angat at pag-unlad ng bansa tungo sa tuwid na landas.
Ang samahang ito ay buong tatag na nagbibigay ng impormasyon, tulong at tiwala na nag uudyok sa aming mga kabataan upang maging produktibong mamamayan na may taglay na talino na kaloob sa amin ng May Kapal at ayon sa kanya na ito’y paunlarin at payabungin kaalinsabay ang wastong pangangalaga sa inang bayan.