Biyaheng Pilipinas! Biyaheng Pilipinas! Aandar na!
Saan mang sulok ng mundo, mayroong Pilipino. Agad silang mapagsisino sa kayumangging balat at pangong ilong na kanilang tinataglay. Pero bunga na rin ng pagtataka, Sino nga ba talaga si Juan Dela Cruz? Paano ba maging Pilipino sa isip, sa salita at sa gawa?
Mahaba-haba na rin ang naging pasada ni Juan sakay ng kanyang jeepney. Marami ng lubak ang kanyang nadaanan. Minsan na rin siyang naligaw sa kanyang patutunguhan ngunit, palagi naman siyang nakakabalik sa landas na tinatahak. Ngayon, nananatili pa ring buo ang jeepney ni Juan matapos magpasalin-salin sa iba’t-ibang henerasyon. Sinisimbolo nito ang lahing Pilipino hindi agad nagpapatinag.
Sa pagiging isang Pilipino, hindi na sapat ang gumayak ng barong o baro’t saya. Ang mapabilang sa lahing ito ang pumapatungkol sa mga kaugalian at kultura na dapat nating pangalagaan at panatilihin.
Narinig mo na ba ang salitang bayanihan? Masasabing tunay kang Pilipino kung alam mo ito. Ito ay isang kulturang Pinoy kung saan nagtutulungan ang mga tao sa pagbubuhat ng isang bahay. Kung ating susuriin, ang nais lamang nitong iparating ay ang kaugalian ng mga Pilipino na magkaisa. Sa panahong ito, tila bibihira na lang tayong makasaksi ng bayanihan. Hawak pa nga ba ng kabataang Juan ang kaugaliang ito?
Isa pa lamang ito sa mga tatak Pilipinong kultura. Sa kabilang banda, kilala na si Juan sa mga ngiti niyang kasing tamis ng mangga. Wika nga ng marami, ang Pilipinas ang isa sa pinakamasayang bansa. Kahit maraming putik sa daan, mas pipiliin ni Juan ang ngumiti sa kanyang nilalakaran. Ugali nang Pinoy yan. Minsannagkukumahog, madalas tumatawa na lang.
Dagdag pa sa mga maipagmamalaki ni Juan ay ang kanyang mga talento. Talentadong Pinoy ika nga ng marami. Sa larangan man ng pagkanta o pagsayaw, patalinuhan man o pampalakasan may pambato si Juan diyan. Kaya hindi nakapagtataka na kasing tayog na ng Agila ang lipad ni Juan.
Ngunit teka muna, nakapagmano ka na ba sa nanay, tatay, lolo at lola mo? Eh sa mga ninong at ninang? Kung oo, isa ka ngang tunay na Pilipino dahil markado na rin sa kanila ang pagiging magalang. Po at opo, iyan ang dapat sabihin oras na may kausap na mas nakakatanda.
Ang pagiging magalang ng mga Pilipino ay parte na rin ng kanilang pagkarelihiyoso. Oras na tumunog na ang kampana, abala na ang lahat para magsimba. Iba-iba man ang relihiyon, hindi pa rin maiaalis ang pagkahilig ni Juan sa mga kapistahan o mga pagdiriwang. Kahit na isa sa mga dahilan ng pagkakahati ng bansa ang pagkakaroon ng iba’t-ibang relihiyon, huwag sana itong maging hadlang sa mapayapang pamumuhay.
Sa bandang huli, tayo pa ring mga kabataan ang magpapatuloy ng biyahe ng ating lahi. Sakay pa rin ng mahiwagang jeepney ni Juan, pupunta tayo tungo sa pagbabago at kaunlaran. Wika nga ng ating pambansang bayani, “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan”.
Mabuhay!