Sino ang Pilipino? ni Cristel Joanne B. Tuliao

21 0 0
                                    

SINO ANG PILIPINO?

             “Bayang magiliw, perlas ng silanganan. Alab ng puso, sa dibdib mo'y buhay. Lupang Hinirang, duyan ka nang magiting, sa manlulupig, di ka pasisiil…”

            Ano bayan! Huli na pala ako! Naririnig ko na ang pambansang awit ng mga Pilipino. Teka. Teka! Kailangan kong tumigil at ilagay ang aking kanang kamay sa aking kaliwang dibdib. Mula sa aking lupang kinagisnan, hanggang sa aking paglaki ay dala-dala ko ang kaugaliang ito ng mga Pilipino. Sa pamamagitan ng aking mga mata at isip ay napatunayan kong dapat ipagmalaki ang lahi at pagiging Pilipino ng bawat isa sa mundo.

            Habang umaawit ng “Lupang Hinirang”, nagbalik tanaw ako at nag-isip kung bakit mas nagustuhan ko dito sa Pilipinas. Siguro nga ay dito na ako lumaki, kaya’t mas sanay ako, ngunit dahil sa mga kayumangging kulay at itim na mga buhok ng mga Pilipino ay naakit ako sa kanila. Isama mo pa ang magagandang asal na kanilang ipinapakita sa akin araw-araw kaya naman mas naging masaya ang buhay ko sa Pilipinas. Yung tipong kahit sobrang hirap ng buhay ay nagagawa pa nilang ngumiti at magpakasaya sa gitna ng mga problema. Nakakatuwa hindi ba? Kakaibang-kakaiba ang pag-uugali ng mga Pilipino. Masaya silang kasama. Sa kasiyahan man o kalungkutan, sila’y maaasahan. Pati sa talino, nangunguna ang mga Pilipino. Tunay na maipagmamalaki ang lahat lahat sa kanila. Iginagalang at minamahal nila ang bawat isa na parang magkakapatid. Hindi man sila perpekto ngunit ipinapakita nila ang totoong sila kahit nga sa mga taga ibang bansa. Kahit minsa’y nasisilayan ko at nababalitaan ang mga kasamaang ugali ng mga Pilipino, para sakin ay ayos lang dahil lahat naman talaga ay makasalanan. Sadyang maka-Diyos lang talaga ang mga Pilipino kaya pinagpapala sila ng Maykapal na kanila namang ibinabahagi sa ibang tao. Nasasaksihan ko din kung gaano kasipag at maparaan ang mga Pilipino, maka-ahon lamang sa kahirapan at para may makain sila at ang kanilang mga minamahal sa buhay. Para silang mga bayani na gagawin ang lahat para lang sa kanilang kapwa. Tunay ngang kahanga-hanga.

            Yan ang gusto ko! Mga talentado at matatalinong Pilipino. Mula sa isip, salita, hanggang sa gawa ay ipinapakita ang galing at tapang na handang lumaban para sa karapatan ng bawat isa. Ano mang hamon ay malalagpasan dahil yan ang isang tatak Pilipino.

            Bilang isang banyaga, alam kong may sarili kaming lahi ngunit kung papipiliin man ako, gusto kong maging isang Pilipino. At kung mangyayari man iyon, sisiguraduhin ko na patuloy kong pahahalagahan at ipagmamalaki ang lahing Pilipino. Sana nga’y magkatotoo, na ako’y maging isang pilipino. Sana nga. Sana…

            “Lupa ng araw ng luwalhati't pagsinta, buhay ay langit sa piling mo. Aming ligaya nang pag may mang-aapi, ang mamatay ng dahil sayo.”

Sino ang Pilipino Entry - BulacanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon