Sino ang Pilipino? ni Elsbette G. San Blas

27 0 0
                                    

SINO ANG PILIPINO

I Juander… sino ang Pilipino?

            Ako si Pedro. I Juander… sino ba ako? Ah! Ako ‘yung binatilyong pagnanakaw ang almusal, sigarilyo’t alak ang tanghalian at pagsusugal ang hapunan. Napatalsik na ako sa eskwelahan. Itinakwil na ako ng aking pamilya. Iniwan na ako ng mga kaibigan kong lubos na kailangan ko sa oras ng problema. Pero ngayon, nasaan na silang lahat? Ako’y nag-iisa sa kadiliman… patungo sa pariwarang landas na akin nang tinatahak. Ako ang nagsisilbing larawan ng mga kabataang katulad ko ang maling paghakbang namin sa buhay.

            Kaya’t hanap ko ang isang tunay na Pilipino. At kung sino man iyon, maaari mo bang mabago ang pananaw ko? Maaari mo bang pigilan ang mga paa ko sa paglalakbay na kinukumpleto ng mga kasalanan? Tulong! Kailangan kita…

            Ako si Nene. I Juander… sino ba ako? Ah! Ako yung dalagitang ibinuwis ang pagkatao para lamang sa gamot ng kaniyang ina. Tumigil din ako sa pag-aaral katulad ng nakakarami. Ang kahihiyan sa ilalim ng iba’t ibang kulay ng ilaw ang nagpapatigil sa nagsusumigaw naming mga sikmura. Ang pagpapakawala sa aking dignidad ang nagsagip sa pagkabingit sa kamatayan ng aking ina. At ngayon, hindi ko na alam ang pagkakaiba ng tama sa mali. Ni isa sa aking pamilya ay wala man lang nagboluntaryong tulungan ako. Ang resulta? Kakayod ako hanggang sa aking makakaya. Hanggang sa maupos ang aking katawan. Hanggang sa huli kong paghinga.

            Kaya’t hanap ko ang dating mukha ng isang Pilipino. Yaong walang ibang pansin kundi ang mahalin ang Diyos, bayan, pamilya, kapwa at mga pangarap. Yaong hindi kailanman ituturing ang pagkasayad sa buhay at hindi matapos na suliranin bilang hadlang sa tagumpay. Nasaan na kayo mga Pilipino? Tinangay na ba kayo ng bagyo ng modernisasyon?

            Ako si Juan. I Juander… sino ba ako? Ah! Ako ‘yung simpleng binata na araw-araw naglalakad ng limang kilometro marating lamang ang paaralan. Nagsusumikap akong isingit sa aking oras ang pagtatrabaho mapunan lamang ng pagkain ang mahahapdi na naming mga bituka. Isa akong iskolar kaya’t hindi ko ito sasayangin dahil ito ang natatanging paraan maiangat ko lamang ang aking pamilya at makapag-aral ang anim na kapatid sa liwanag ng ilaw imbes sa lusaw nang kandila.

            Sa kabila ng lahat, ang pag-ibig at pananampalataya sa Panginoon ang aking inspirasyon at pananggalang upang hindi matukso sa pangunguha ng hindi akin, mga masamang bisyo at paghawak ng mga baraha.

            Minsan na nga nila akong tinawag na “bayani”. Dito ko napatunayang hindi ko naman kailangang magpadanak ng dugo o mailagay ang aking mukha sa perang papel. Sapat na ang isang matapat na pusong handang makibaka sa agos ng buhay.

            Kaya’t narito ako upang ipakita ang isang ehemplo na muling nagpipinta ng imahen sa kupas nang larawan ng mga ipinagmamalaking Pilipino, kung saan ay kayang gumuhit ng ngiti sa kanilang mga labi anuman ang danasin. Pedro, Nene at iba pang kababayan na nawawalan na ng pag-asang makaahon sa hirap ng buhay… ako ba ang hanap ninyo?

Sino ang Pilipino Entry - BulacanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon