SINO ANG PILIPINO?
“Proud to be Pinoy!” ika ang, kulay kayumanggi, sarat ang ilong at may katamtamang taas. Iyan tayong mga Pilipino, sa pisikal na kaanyuan.
Ang kayumangging kulay ay pinapangarap na maging puti upang maging makinis tingnan, ang ilong na pinatatangos upang makamit ang perpektong mukha ng iilang pinagpala sa kagandahan. Ang kakulangan sa taas ay sapatos na takong ang kasagutan upang pumantay sa malalaking lahi ng kanluran.
Labis na kilala sa pagiging magiliw sa bisita lalung-lalo na kung banyaga ay mapera. Ang mga nakaluklok sa pamahalaa’y hindi maitatatwang Pilipino sila, sa lapad ng palad na sumasalo ng malaking halaga na para itago sa bulsa.
Silang mga kumakatawan at humaharap sa buong mundo na siya ring sa ating bansa ay nagpapatakbo, tunay nga ba sa ating bayan ay naglilingkod o ginagamit lamang ang nanalaytay na dugo ng lahi sa pagpapayaman sa sarili. Masdan na lamang natin ang iba pang naturingang Pilipino. Tayo….mga paslit na walang panloob at marungis, kalalakihang sa droga’y bagsak ang katawan at nakalimot nang magdamit, mga kababaihang aligaga sa pagpapasuso ng isang dosenang anak. Sa mata ng nakararami ito’y isang bangungot na nagpapalasap sa atin nang matagal na pagkakahimbing.
Kailan pa ba gigising?..Oo…tayo ang tunay na Pilipino, tayong pilit na umaakyat sa rurok ng katotohanan subalit ang utak talangkang taglay ay matindi ang kapit, na humahatak pa upang pumaimbulog sa ibaba ang isang kalahi. Tayo na pilit na pinananatili ang kadalisayan ng bandila na unti-unting nagkakamantsa ng nagpapanggap na Pilipino. Mabuti na lamang din ay mula sa labas ng ating kapuluan ay may iba pang nag-aahon sa atin, mga OFW kung tawagin, kahanga-hangang dinaig pa nila ang ilan sa ating nasa loob ng ating teritoryo, kumbaga’y masabi lang na Pilipino subalit wala sa puso ang pagka-Pilipino, kaagapay ng kasabihang “Madaling Maging tao, Mahirap magpakatao”
Nasa bansa ka man o OFW basta’t isa kang mamamayang handang bagtasin ang kabuktutan ng mundo at handang hulmahin ang susunod pang lahi na magdadala sa kadakilaan at kadalisayan ng matuwid na lahing Pilipino.