SINO ANG PILIPINO?
Inialay n’ya ang kanyang buhay para sa bansang Pilipinas. Isang bala ang kumitil sa kanyang buhay at dahil sa pangyayaring iyon, ang pagpatak ng kanyang dugo sa lupa ay nagsilbing katapangan ng isang pagiging Pilipino.
Noong s’ya ay nabubuhay pa, tila bawat pagpatak ng tinta ng kanyang panulat ay dinadala tayo sa kapayapaan. Sa paggamit nya ng kanyang angking talento at katalinuhan ay nagsilbi itong susi sa ating mga puso upang mamulat tayo sa katotohanan. “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan” ito ay isa sa mga kataga n’ya at gawin nating inspirasyon ito at ipagmalaki natin na mayroon tayong magiting na katulad nya na karapat-dapat nating tawaging magiting na Pilipino.
Kayumanggi ang kulay, mayroong pusong tunay, masisipag, mapamaraan, matatapang, magagalang, ginagamitan ang lahat ng bagay ng may puso at isip, handang lumaban at hinding-hindi kayang ipagpalit ang lahi na nanggaling sa kadulu-duluhan… Iyan ang mga katangian na ating minana sa ating mga ninuno at higit sa ating mga bayani. Nasaan na ito ngayon? Tila nilimot na ng nakaraan ang lahat. Unti-unti tayong nagpa-apekto sa iba’t ibang mga tao ngayon.
Nasaan na ang dating ako? Nasaan na ang dating ikaw? Nasaan na ang dating kayo? Nasaan na ang dating sila? Ito ang mga katanungan para sa ating mga Pilipino.
Ibon mang may layang lumipad, kulungin mo at umiiyak… Nagsilbing aral ngayon sa ating mga isipan ngunit kailan muli ang ibong ito ay lilipad ng payapa? Kailan ito hihinto sa pag-iyak at muling huhuni?
Gawin nating mabuting halimbawa ang Pilipinong inalay ang kanyang buhay sa mga espanyol para sa ating lahat. Muli nating gawing “Perlas ng Silangan” ang bansang Pilipinas na ating pinagmulan at ipagmalaki natin na tayo ay Pilipino.
Maraming tao ang nagbago, ngunit sa paraan ng sulat na ito ibalik natin ang dating ako, ang dating ikaw, ang dating kayo at ang dating sila. Muli nating iwagayway ang ating bandera na binagsak nila. Tayo mismo ang mag-aangat nito at ng dugo niya na tumulo sa lupa at ipaglaban nating mga Pilipino kung ano ang tama at kung ano ang nararapat. Ipagmalaki nating mga Pilipino ang katapangan nya na humarang laban sa mga masasama.
Tayong mga Pilipino, gawin natin ang lahat kahit gaanuman kahirap gaya ng KALABAW. Harapin natin ang lahat ng bagay ng may tamis tulad ng MANGGA. Gawin nating kasing bango ng SAMPAGUITA at kasing ganda ng BARO’T SAYA ang bansang Pilipinas, hipan ng ANAHAW ang masasamang bagay sa ating bayan, makinig tayo sa magandang pagaspas ng pakpak at tinig ng AGILA. Gawing masasarap ang mga pangyayari tulad ng BANGUS. Maglaro tayo ng SEPAK AT TAKRAW upang maging masaya tayong mga Pilipino. Gawin nating kasing tibay ng puno ng NARRA ang ating pagka-Pilipino at sama-sama tayong maglayag gamit ang DYIP tungo sa makabuluhang kinabukasan.
Sa kabila ng lahat, sa pagsikat ng panibagong araw, sa pagmulat ng ating mga mata’t mga isipan, sa bawat tibok ng ating puso at pagdaloy ng ating dugo, sabay-sabay nating ipagsigawan na “PILIPINO AKO”.