Sino ang Pilipino?
Pilipino―MakaDiyos, Makabayan, Makakalikasan... Ito ang prinsipyong pinanghahawakan ng bansa. Ang bansang kung ituring ay bayang pinagtibay ng panahon at pinanday ng kasaysayan. Ngunit, sino ba ang mga mamamayan nito? Sino ba ang Pilipino? Paano ba maging isang Pilipino?
Ang Pilipino ay ang mga taong naninirahan sa Pilipinas, ipinanganak ng isang may dugong Pilipino. Ngunit hanggang doon na lamang ba iyon? Ipinanganak ka sa Pilipinas at tapos na? Pilipino ka na ba noon? Sasabihin mo ba nang buong pagmamalaki na ikaw ay isang Pilipino dahil lang doon?
Hayaan n’yong ipakilala ko sa inyo ang isang Pilipino...
Ang pagiging Pilipino ay pagiging tao. Isang taong nagpapakatao, may malasakit sa iba, hindi hinahamak ang kapwa ni dudungisan ng dugo ang kamay, dahil para sa kanya ang lahat ay kanyang kapatid.
Ang pagiging Pilipino ay pagiging responsable at disiplinado. Siya ay kikilos na may paninindigan at katuwiran. Siya ay gumagawa nang nasa tama. Sumusunod siya sa kanyang mga magulang at nakatatanda. Hindi siya lalabag sa patakaran dahil ito ang nararapat.
Ang pagiging Pilipino ay pagiging pinuno. Siya ay may kababaang-loob. Siya ang nagsisimula ng pagbabago, pagbangon at pag-unlad ng kayang kapwa, ng kanyang bansa at ng kanyang sarili.
Ang pagiging Pilipino ay pagiging mapagmahal. Ang lahat ay minamahal na parang kapatid. Nakahandang tumulong nang walang kapalit, bukas-palad s’yang tatanggap sa kapus-palad at taos-pusong magbibigay.
Pero hindi lamang iyan ang mga ugaling pinagyayaman ng isang Pilipino. Sa iba’t ibang panig ng bansa ay mayroong espesyal na katangiang tinataglay ang iba’t ibang lahing Pilipino.
Sa Luzon mo matatagpuan ang mga Ilokano. Silang mga kuripot ay nagtitipid para sa kinabukasan ng kanilang mga anak para sa hinaharap. Doon di’y makikita ang mga Pangasinense. Labis nilang ipinagmamalaki ang kanilang bayan dahil sa pinuspos nilang katubigan.
Narinig mo na bang tumula ang mga Tagalog? Silang mga makata ay pinagyayaman ang wikang pamana ng kanilang mga ninuno. Nalasap mo na ba ang lutong Kapampangan? Binibigyan nila ng pagmamahal ang kanilang mga lutuin na nagpapasarap nito. Ang mga Bicolano naman ay makikilala mo dahil sa kanilang anghang na gigising sa natutulog mong diwa.
Dumako tayo sa Kabisayaan kung saan naroon ang mga Ilonggo. Ang makukulay nilang pista ay sasalamin sa makulay din nilang buhay. Matatagpuan din doon ang mga Cebuano. Sila ay maka-Diyos, ang Panginoon ang kanilang sandigan sa araw-araw. Ang mga ngiti ng mga Negrense naman ang magpapakilala sa’yo ng kanilang masayang bayan. Naroon din ang mga Waray. Daanan ng mga unos ay aahon at aahon din sila, wala silang inaatrasan.
Sa Mindanao naman naninirahan ang mga kapatid nating Muslim. Sila ay matatapang at handang ipaglaban ang mahal na Inang-Bayan..
Saan ka man pumaroon sa Pilipinas ay may magsasabi sa’yong “Pilipino Ako!”. Madali itong sabihin lalo na ng isang hindi lubos na kilala ang lahing Pilipino. Ang mahirap ay ang makatagpo ng magsasabi sa’yo ng “Isa akong tunay na Pilipino!”. Ang sinumang magwika nito ang s’yang totoong nakakakilala ng kanyang bayang sinilangan at ang nagsasakatuparan ng pagiging isang Pilipino.
Ikaw, isa ka bang tunay na Pilipino?