SINO ANG PILIPINO?
Kilala ang Pilipinas sa katawagang Perlas ng Silangan, may mga mamamayan ito na kayumanggi ang balat, sarat ang ilong, itim ang buhok, hindi katangkaran na tinatawag mga Plipino ngunit kung ating isasaisip, lahat ba ng naipanganak dito ay matatawag na Pilipino? At sadyang tayo’y magtataka sino at ano nga ba talaga ang
tunay na Pilipino?
Mula sa pagiging mangmang na mamamayan ay nasakop ng mga Kastila, inalipin at inalipusta ang mga Pilipino, iminulat sa makabagong kaugalian ng mga mananakop, dumating ang mga Amerikano na inakala nating mga kaibigan at tagapagligtas, pati ang mga Hapon pinagnasaan ang bayang inalipin. Ngunit kahit na maraming mananakop hindi nila nanakaw ang pusong makabayan ng ating mga magigiting na bayani ng nakaraan.
Sa kabila nang kanilang pag-aasam na makubkob ang bayan, lumaban ang mga magigiting at matatapang na katipunerong handang magbuwis ng buhay upang makamit ang minimithing kasarinlan. Hunyo 12, 1898. Marami mang buhay na nawala at luhang tumulo sa lupa, marami naman ang lumaya mula sa kaalipinan na ating tinatamasa hanggang sa panahon ngayon.
Tila baga ang paghihirap ng nakaraan ay nahalinhinan lamang ng pagsubok sa kasalukuyan, maraming suliranin ang kinakaharap ni Juan sa bansa, pinunong diktador na humantong sa pag-aaklas sa EDSA, mga kalamidad na dulot ng kalikasan, kurapsyon sa pamahalaan at kagutuman dala ng kawalang hanapbuhay. Subalit ating makikita pa ring ang Pilipino ay nananatiling matatag sa oras ng mga pagsubok, hindi nakakalimot na ngumiti at magbigay ngiti kahit pa man mahigpit na ang suot na sinturon.
Sa mga panahon ng kalamidad tulad ng Milenyo, Ondoy Yolanda at Glenda, hindi nakakalimot magmalasakit sa kapwa Pilipino. Patuloy ang pagtutulungan ng bawat isa. Sama-samang naglalakbay tungo sa mas maunlad na lipunan na siyang maghahatid ng tunay na kasiyahan sa puso ng bawat isa. Katulad ng mga bagong bayani na si Dada Mary isang OFW, ang kaakit-akit na Ms. World na si Maegan Young, ang koponang Gilas Pilipinas at si Manny Pacquiao na humaharap sa laban ng Pilipino sa loob ng entablado. Ang hatid nilang kagalakan ay isa sa paraan na makikita mo ang pagkakaisa ng mga Pilipino na iwinawagayway ang bandila ng PIlipinas sa buong mundo.
Ang mga katangian ng mga Pilipino na walang hinahangad kundi ang ikabubuti ng lahat., katangiang nagsisilbing alab sa puso ng bawat isa. Dumadaloy sa mga ugat ang dugo ng mga magigiting at tunay na Pilipino.