Pilipinas, ang bunying Perlas ng Silanganan. Bansang maunlad at nagkakaisa. Isang bansang katangi-tangi kahit saan man itapat. Isang bansang sumasalamin sa katatagan, kabayanihan at katapangan ng mga taong dito’y naninirahan. Mga Pilipinong taas-noong hinaharap ang mundo.
Mga bayaning nakipagbuno, lumaban at naghimagsik para sa bayan, dumanak ang dugo sa santinakpan upang makamit ang minimithing kalayaan. Sa ilalim ng mapagsamantalang dayuhan, sila’y lumaban para sa kapayapaan. Nilabas ang sandata at patuloy na pinanday ang kaalaman para sa kasarinlan. Hindi ba’t ang sarap pakinggan ang mga naging kontribusyon ng mga dakilang bayani? Sa tingin ko, kung wala sila, wala rin tayo.
Sino ba naman ang makakalimot sa makasaysayang EDSA People Power Revolution? Kung saan nagsama-sama at nagtipon-tipon ang mga Pilipino upang makamit ang kasarinlan nang dahil sa di-makatarunganng pamamahala ng nasa katungkulan. At sino rin ba ang di makakakilala sa magkabiyak na dating senador Benigno Aquino Jr., na handang magsakripisyo ng buhay para saa Pilipinas at kay Pangulong Corazon C. Aquino, ang kauna-unahang babaeng presidente at “Ina ng Demokrasya”. Nagpapatunay lang na walang magagawa ang marahas at baluktot na pamamahala.
Ang isang taong ipinanganak sa Pilipinas ay isang dugong Pilipino at lahing Pilipino ngunit di maitatago na kahit saan ka man isinilang, ang dugong Pilipino ay di maitatatwa sa kilos at gawi. Sa makabagong panahon na nasasakop na ng modernong teknolohiya, karaniwan na sa atin ang makanood ng iba’t ibang palabas sa telebisyon ng mga banyagang nagsasalita ng wikang Filipino. Nakakaantig at nakakalambot ng puso kung pati ang mga banyagang lumalaban sa atin noon ang siya pang yumayakap sa kulturang Pilipino ngayon.
Wika, isang mahalagang bagay na maaaring maging sangkap sa pagka-Pilipino. Sa ating wika, tayo ay nagkaisa sa iba’t ibang sulok ng bansa. Iba’t iba man ang mga namumutawi sa labi, patuloy ang pagkakaisa. Ayon na rin sa ating pambansang bayani na si Gat. Jose Rizal na mababasa sa kanyang tulang “Sa Aking mga Kabata”...Ang di magmahal sa kanyang salita’y mahigit sa hayop at malansang isda.” Sa iisang hangaring ito, pag-ibig sa wika ang tunay na nagbibigay biyaya sa bansa.
Mayaman, mahirap bata, matanda lahat ay may papel na gagampanang pagmamalasakit sa Inang bayan. Nababatid ang tama at mali, ang dapat gawin sa hindi, sama-samang pagkilos upang pagyamanin pa ang kulturang bayanihan ni Juan.
Marami na tayong pinagdaanan, sandamakmak na problemang halos gumiba ng pinakaiingatang pagkakaisa. Binayo na nang matinding kalamidad at kahit pa nakaranas na ng pag-aaklas , hindi tayo nagpasira sa anumang perwisyong sa ati’y nagdaan. Kasama ang Poong Maykapal, tayo ay lumalaban nang buong dangal.
Ako, ikaw, tayong mga Pilipino ang nagpapayaman sa bansang Pilipinas. Taas-noo kahit kanino. Hindi nahihiya at walang kinatatakutan. Walang inuurungan kahit saan mang laban. Makadiyos, Makatao, Makakalikasan at Makabansa. ‘Yan ang Pilipino!!