Sino ang Pilipino? ni Benson Alley P. Lopez

33 0 0
                                    

‘’Sino ang Pilipino?’’

Kayumanggi, pango, kulot, dilat at pandak. Ilan lamang ito sa mga katangian ng pagiging isang Pilipino. Katangiang maaring pagtawanan, ngunit kapag tinuklas, tiyak na ipagmamalaki. Ikaw, sa iyong pananaw, maituturing mo ba ang iyong sarili bilang isang Pilipino? Dalawa ang pagpipilian, ngunit isa lamang ang sagot. Pilipino sa pangalan o Pilipino sa puso?

            Jose Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo, Gregorio Del Pilar, Graciano Lopez Jaena at iba pang mga bayaning Pilipino na nanindigan para sa kanilang kapwa Pilipino na makamtan ang inaasam na kalayaan laban sa mga dayuhang mananakop. Hindi inda sa kanila kung sila ay maputi o kayumanggi, matangos o pango, matangkad o maliit, at kung kulot o hindi. Sapagkat ginawa nilang basehan na ang tunay na Pilipino ay isinasaisip, isinasapuso at isinasagawa kahit na kalakip nito ang kanilang dugo, pawis, prinsipyo at buhay. Sila ang mga huwarang taong naging simbolo ng pagiging Pilipino sa puso.

            Sa ating henerasyon, tila ba ay nakamit na ng bawat Pilipino ang sobrang kalayaan. Mga kalayaang naabuso, kung kaya’t ang kanilang pagiging Pilipino ay unti-unti ng naglalaho. Ihalintulad natin ang mga teknolohiya katulad ng cellphones, tablets at computers na kahit paslit ay may kakayahang gumamit. Imbis na sipa, piko, luksong tinik, takbuhan,  at bahay-bahayan ang iyong masisilayan sa kalsada ay tila nawala na. Paano na ang susunod pang mga henerasyon? Maituturing pa ba silang Pilipino sa puso o Pilipino na lamang sa Pangalan? Sige at pag-isipan natin yan.

            Bilang isang estudyante sa ika-apat na baitang ng sekondarya, Mulat ang aking kaisipan na ang populasyon ng Pilipinas ay pumapatak sa siyamnapu’t isang milyon. Maari na ang iba ay mga estudyante, manggagawa, empleyado, banyaga, propesyonal, tsuper at iba pang mga taong walang permanenteng obligasyon. Masasabi ba nating sila ay kapwa natin Pilipino? Maaaring ‘’Oo’’ at maaari namang ‘’Hindi’’. Kaya mga kanasyon, tayo ay gumising na. Imulat ang ating mga mata at isalba natin ang ating nasyonalidad sa pagkawala nito. Gumawa ng mabuting desisyon sapagkat ang kinabukasan ng mga Pilipino sa hinaharap ay nakasalalay sa ating mga kamay.

            Kahit na patuloy pa ang pagbabago ng ating kultura, tradisyon at panahon, itatak pa rin sa ating kaisipan, tayo ay isinilang sa silangan na kung saan ay nagmumula ang sikat ng araw. Tayo ay mga Pilipino, Ako’y Pilipino, hindi ba’t ikaw din? Kaya nananalaytay rin sa ating ugat ang nasyonalismo.  Ang pagkakawanggawa at pagmamahal ay patuloy nating ihandog at ibahagi sa ating kapwa. At hayaang ang mga banyaga ang mag-iwan ng katagang, Pinoy ay isang dakila!

Sino ang Pilipino Entry - BulacanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon