Sino ang Pilipino? ni Jedidia V. Barros

50 0 0
                                    

SINO ANG PILIPINO?

             Hindi katangkaran at kayumanggi ang kulay ng balat. Pango ang ilong, itim ang kulay ng buhok at bilugan ang mukha. Ngunit, malakas, matatag at maganda. Ganyan kung pisikal na ilarawan ang Pilipino. Madasalin, may mainit na pagtanggap sa panauhin, mahusay makitungo, matulungin, masipag, di nawawala ang po at opo sa paggalang. Ilan lang iyan sa mga magagandang ugaling kilala ang mga Pilipino.

           

            Ako po ay isang kabataang Pilipino na ipinagmamalaki at hinahangaan ang ating lahi. Nais kong ipakilala sa inyo kung paano nga ba natin makikilala ang tunay na Pilipino.

            Hindi natin maikakaila na mahabang panahon ang dinanas ng ating mga ninuno sa kamay ng iba’t ibang mananakop ngunit nangingibabaw pa rin ang ugaling Pilipino. Ang pagiging mapanindigan at mapagmahal sa sinilangang bayan. Ilan sa mga kahanga-hanga nating bayani ay sina Dr. Jose Rizal at Andres Bonifacio na hanggang ngayon ay tanyag at kilala dahil sa malaking naiambag nila sa ating kasaysayan. Sa panahon ngayon, mayroon din tayong maitatawag na mga bagong bayani. Sila ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) na nasa iba’t ibang bansa at nakikibaka sa hamon ng pandarayuhin at paninilbihan sa lupang banyaga.

           

            Likas din tayong masayahin. Ang nakikita nating mga tindero, sorbetero at tsuper sa kalsada na nagtatrabaho sa kainitan ng araw at tumatagaktak ang pawis, nakangiti pa rin at nagsisilbi ng may saya sa kanilang mukha. Hindi man napakaunlad ng bansa, lagi pa rin tayong nakangiti at positibo ang pananaw mga bagay na minsa’y mabuti at nakasasama. Ito narin ang dahilan ng konseptong “Bahala Na!”, isang di kaaya-ayang ugali ng Pinoy. Ano man ang mangyayari, wala man itong kasiguraduhan, tiyak kayang-kaya nilang lampasan at ngitian iyan, gaano man kasaklap ang kahihinatnan tulad ng dinaranas ng ating mga kababayang nasalanta ng bagyo. Kahit sa gitna ng trahedya at kalamidad, nagagawa nilang ngumiti at kumaway-kaway.

           

            Nariyan din ang sariling oras ng mga Pilipino, ang Filipino Time. Tatlumpung minutong huli sa oras na nakatakda. Ang isang gawain ay hindi nasisimulan sa oras dahil wala pa ang hinihintay mong kasamahan kaya’t naaantala tuloy ang lahat na dapat nang baguhin. Tayo din ay may matibay na pananampalataya at tiwala sa Diyos. Iba’t iba man ang ating relihiyon; kristiyano, Iglesia, Protestante at Islam man, ibat iba man ang ating kultura at paniniwala; may mga Igorot at may Aeta, hindi maiwawaksi ang ating pagkakaisa at kabayanihan na nagpapatatag ng ating paniniwala.

            Magaling din tayong makisalamuha, makipagkaibigan at kung minsan ay makipag-aaway. Ngunit tayo rin ay mahiyain at mapagpatawad, kaya nga tayo ay nahihiya sa tuwing tayo’y nahuhuli sa itinakdang oras. Handang tumanggap sa kapwa anuman ang katangian nito. Dagdagan pa ang pagkakaroon ng utang na loob kung saan susuklian mo ang ginawang kabutihan ng iba, kaya’t tinatangkilik at gusto tayo ng mga dayuhan.

           

            Tayo rin ay mapagmahal sa pamilya. Mas pipiliin pa nating tumira sa bahay ng ating magulang kahit na tayo ay may sarili ng pamilya. Ang “close family ties” ang nagbubuklod sa pagsasama ng pamilya, ang sabi nga’y “mas marami, mas masaya”

           

            Hindi rin nawawala ang mga Pilipino sa larangan ng isports, mga magagaling na manlalarong Pilipino na nagpapatunay na sa lahat ng laban at pagkapanalong kanilang natatamo, taas-noo nating maipagmamalaki na tayo ay Pilipino at ang lahat ng karangalang ito ay para sa ating Diyos Ama. Huwag din nating kalimutan ang mga Pilipino ay masarap magluto sa husay ng panlasa ay narating na ng ating kababayan ang palasyo ng Oman, mga Hotel sa Hongkong at kusina ng White House.

            Sino ang Pilipino? Ang pagiging Pilipino ay nasasalamin sa ating mga ugali, ginagawa at pagpapahalaga. Si Juan Dela Cruz ay isang taong tunay na maipagmamalaki saan mang panig ng mundo. Ang bawat Pilipino na nagtataglay ng mga nabanggit na katangian at higit sa lahat ay ipinagmamalaki ang kanyang lahing pinagmulan.

Sino ang Pilipino Entry - BulacanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon