A Rose with a Hundred Guns PROLOGUE

815 49 18
                                    


Bakit ba kailangan pang maghintay sa isang bagay na alam mo namang hindi mo na mahahanap pa.. na sa tingin mong hindi na babalik pa?

Sarili mo lang ang sinasaktan mo. Sarili mo lang ang pinapaasa mo. 


Sarili ko lang ang sinasaktan ko. Sarili ko lang ang pinapaasa ko.


"Nicole! Ako nga 'to, ako 'to, si Flint! Ako si Flint! Wait, Nicole! Listen to me please?" Naririnig ko ang garalgal at pakiusap sa tinig n'ya habang tumatakbo papalapit sa akin. Ako naman ay hindi s'ya nilingon dahil alam kong kapag nilingon ko pa s'ya ay hindi ko na kakayanin pang tumakbo papalayo sa kaniya. Hindi ko na makakaya pang pigilan ang sarili ko na yakapin siya. Hindi ko na mapipigilan pa ang sarili kong halikan s'ya at iparamdam kung gaano ko siya kamahal. "Ako nga 'to, makinig ka sa 'kin please." Tuluyan nang pumiyok ang boses niya kaya nalaman kong hindi niya na mapigilan pa ang mga luha niya.

Kasabay ng malakas na pagragasa ng ulan ay ang tuloy-tuloy na pag-agos din ng luha ko. Tila nakikisabay sa emosyon ng kalangitan at nakiki-isa rito. Hindi ko alam kung sino'ng mas malakas ang hikbi sa aming dalawa dahil malayo ang pagitan namin sa isa't isa. Walang tumitigil sa pagtakbo. Hindi ako tumitigil sa pagtakbo papalayo sa kaniya at hindi naman siya tumitigil sa pagtakbo papalapit sa akin. Kahit pa paulit-ulit n'yang binabanggit ang pangalan ko ay ni-isang beses ay hindi ko siya nilingon.

Tama na. Ayaw ko nang umasa pa sa wala. Hindi s'ya si Flint. Napipilitan lang talaga siya na magpakilala bilang ang taong minamahal ko dahil ayaw niya ako makitang nasasaktan at umaasa na babalik pa ang taong minahal ko. Mas ayos sa akin na ako lang ang masaktan sa huli dahil sa kaka-pantasya ko na babalik pa siya. Hindi ko gustong may tao akong ginagawang rebound at pinapaniwala ang sarili na siya ang mahal ko.

Natigilan ako sa pagtakbo nang makita ko ang ilaw ng van mula sa likuran ko at marinig ko ang malakas na paghinto nito.

Ito na naman sila! Kailan ba sila titigil?! Akala ko ba ay ayos na kami?! Ano'ng nangyayari?!

Maging si Flint ay natigilan sa paghabol sa akin at napalingon sa itim na van na tumigil sa mismong gilid niya. Nagtataka siyang tumitig dito na parang inaalam kung sino at bakit huminto sa mismong gilid niya ang van na iyon.

Hindi naman nagtagal ay biglaang bumukas ang pinto ng van at sa gulat namin ay bigla na lang hinila papasok ng van si Flint. 

Tila bumagal ang ikot ng mundo dahil sa nangyari. Tila bumagal ang lahat sa paningin ko at sa mga mata ni Flint na puno ng pangamba at takot habang nakatingin sa akin sa huling pagkakataon bago siya tuluyang maipasok sa loob ng sasakyan lang napunta ang buo kong atensiyon. 

Tila naestatwa ako sa kinatatayuan ko at hindi ko nagawan ng aksiyon ang pagkuha sa kaniya nang mabilis na pinaharurot ng mga mandurukot ang sinasakyan nila na pataliwas sa direksiyon ko.

Naikuyom ko ang mga kamao ko dahil sa pagdadalawang isip kung tutulungan ko ba siya o hindi. 

"Iligtas mo ang taong mahal mo."  Nanlaki ang mga mata ko nang may bumulong na tinig sa akin. Naigala ko ang paningin ko sa kabuuan ng lugar ngunit walang ni-isang tao na naroroon bukod sa akin.

Sa kalagitnaan ng ulan ay napayuko ako habang nakatitig sa mga kamao ko.

Ililigtas.. ko ba siya?

A Rose with a Hundred GunsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon