23: Beautiful Thoughts
Hiyang-hiya ako na pinahatid ako ni pierce sa driver nila. Nakakahiya talaga, lalo na at wala naman si Pierce dito. Para tuloy akong dumagdag sa trabaho ni kuyang driver.
Hinang-hina akong sumandal. Pakiramdam ko ay ang haba ng oras na nakasakay ako dito. Gusto ko nang makarating sa bahay para makapagpahinga at makahiga. Kung i-text ko na kaya si mama para umuwi na sila? Parang hindi ko na talaga kaya. Latang-lata na ang katawan ko.
"Kuya, dito na lang po ako." Sabi ko nang makita ang kanto. Nahihiya kasi ako kung ipapapasok ko pa sa loob. Hindi naman na masyadong malayo.
"Saan po dito ang bahay nyo?" Magalang na tanong nya.
Napangiwi ako dahil talagang nag 'po' pa sya. Halatang nagtatrabaho talaga para kumita.
"Sa looban pa po, kuya. Pero ayos na dito. Malapit naman na po.." Sabi ko.
Pinasok nya ang sasakyan sa kanto. Ang kulit naman ni kuya. "Nako, hindi po pwede. Baka ako ho ang kagalitan ni sir dito."
Napatango na lamang ako dahil naipasok nya na ang sasakyan sa kanto. Nang matanaw ko na ang bahay namin ay agad na akong naghanda para umalis. "Salamat po. Nakadagdag pa ho ako sa trabaho ninyo." Tumawa ako ng mahina.
Tumawa naman sya at umiling. "Hindi ho, inutos naman kayo ni sir saakin. At hindi naman madalas na sumasabay talaga dito si sir dahil tinatakasan nya talaga ako." Aniya.
Nang makababa ako ay nagpasalamat ulit ako sa driver nila Pierce. Nagawa ko pang ngumiti kahit na umiikot na ang paningin ko.
Hilong-hilo kong hinanap ang susi sa bag ko. Parang bubuwal na ako ano mang oras. Nang mabuksan ko ang pinto ay agad akong pumasok para uminom pero kahit tubig ay tinatanggihan na ng bibig ko.
Ayoko talaga ng nagkakasakit, hindi ko kaya. Mahina ang katawan ko masyado.
Napahawak ako sa table at bumagsak ang hawak kong baso. Nabasag. Lalo akong napapikit. Gustong-gusto ko na talaga tawagan sila mama, pero hindi ko ginawa. Baka mainis pa saakin si lola, lalo na at ayaw nya pa naman saakin. Si Samuel talaga ang paborito nya.
Kinuha ko ang mga nabasag na piraso ng baso. Nabitawan ko ang pangatlong piraso ng maramdaman kong humiwa iyon sa hintuturo ko.
"Naman oh.." Naibulong ko na lamang.
Napagpasyahan kong iwan muna iyon at mamaya na lamang ayusin. Gegewang-gewang akong pumasok sa kwarto ko.
Ngayon ko lang rin naisipang uminom ng gamot pero hindi ko na talaga kaya pang tumayo. Gusto ko nang ihilata ang katawan ko sa kama. Bumabaliktad din ang sikmura ko.
Ang hirap ng nagkakasakit.
Agad akong humiga. Ni hindi ko na nabuksan ang aircon.