Kabanata 2: Tanaw
[ Ika-1 ng Hulyo, taong 1972 ]
"Maligayang kaarawan sa iyo, Ceres."
Nginitian ko si Mamá at kaagad siyang niyapos sa isang mainit na yakap. Natanaw kami ni Kuya Cesar sa ganoong eksena kaya't natatawa niya kaming nilapitan.
"Aba! Narito pala ang aking dalawang binibini," ngisi niya.
Pabiro siyang tinampal ni Mamá sa braso na ikinasimangot niya. Lumabi si Kuya Cesar at nagtatampong nagtago sa aking likod. Kinagat ko ang pang-ibabang labi para pigilin ang nagbabadyang halakhak.
"Hindi mo na ba mahal ang iyong panganay na anak, Mamá? Maaari kitang kasuhan kung patuloy mo akong pagmamalupitan."
Ikinumpas ni Mamá ang kaniyang pamaypay na mula pa sa Europa. Iyon ay pasalubong ng kaniyang nakababatang kapatid na si Tiya Fatima, isang madre sa Maynila.
"Tama na ang kalokohan, Cesar. Tiyak na naghihintay na ang inyong ama para sa ating salu-salo. Magdali kayo," turan ni Mamá.
Napakamot sa ulo si Kuya Cesar at tinigilan na ang panunukso kay Mamá. Nang maiwan kaming dalawa sa balkonahe ay naging seryoso siya kaya nagtaka ako. Hindi rin siya makatingin sa akin na ikinabahala ko.
Madaming nagsasabing magkamukhang-magkamukha kami ni Kuya Cesar pero hindi ako sang-ayon doon. Singkit ang mga mata ko pero mas maluwang ang bawat dulo ng kaniya. Ang labi niya'y mamula-mula habang ang akin ay katamtamang kulay rosas. Isa pa ay ang malambot na bukas ng aking mukha gaya kay Mamá. Matapang lagi ang mga mata niya na hindi mo kakayaning titigan nang matagal. Ganoon din ang kay Papá.
Bumuntong-hininga siya. "Ano ang tingin mo sa pagpapakasal, Ceres?" biglaang tanong niya.
Kumunot ang aking noo dahil hindi ko inaasahan iyon. Hindi agad ako nakasagot dahil tila naumid ang dila ko. Natatakot akong sumagot kahit napasimple lamang ng kaniyang tanong.
"H-hindi ko mawari kung bakit ako ang kinausap mo patungkol dito, Kuya Cesar. Dalaga ako... at walang ganoong karanasan sa pakikipag-relasyon kung kaya't wala akong maisasagot sa iyo," nakayuko kong pahayag.
Tipid siyang ngumiti at tumango. Hindi niya ako tinapunan ng tingin at nanatali ang mga mata sa madilim na kalangitan.
Nanaig ang sandaling katahimikan sa aming dalawa. Dinomina ng huni ng mga kuliglig ang buong balkonahe.
Ano kaya ang maaaring dahilan kung bakit naisipan iyon ni Kuya Cesar? Sa aking pagkaka-alam ay wala naman siyang kasintahan o nililigawan.
Maraming dalaga rito sa aming lalawigan ang nagpapahayag ng kanilang interes kay Kuya Cesar ngunit wala siyang inalayan ng atensyon dahil ang puso't oras niya ay nasa kaniyang propesyon.
Pinangarap ni Papá na siya ay maging isang abogado ngunit isinuka ni Kuya Cesar ang itinadhana sa kaniya nito. Ninais niyang maging isang mamahayag. Walang nagawa si Papá kundi payagan siya.
Ilang sandali lamang ay nilingon niya ako. Ang matatapang niyang mga mata ay kumikinang sa gitna ng kadiliman.
"Kung ganoon, iba na lamang ang itatanong ko sa iyo, Ceres. Ano ang... saloobin mo... patungkol sa Batas Militar?"
Dinalaw ako ng kakaibang kaba pagkarinig sa mga salitang namutawi sa kaniyang labi. Inisip ko muna ang dapat na sabihin dahil hindi ako maaaring basta na lamang magbigay ng pahayag pagdating sa ganyang bagay. Sensitibong paksa ang Batas Militar kaya marapat lamang na mag-ingat sa mga salitang bibitawan tungkol dito lalo na't maugong na usapan iyon sa buong bansa.
Kung magiging pabaya at ibubukas ko na lamang ang aking bibig nang hindi gumagamit ng utak, maaaring makapagbigay ako ng masamang impresyon.
Dalawang taon na ang lumipas mula noong minsan akong nakisali sa protesta laban sa pamahalaan. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin mabatid kung ano ba talaga ang ipinaglalaban ko noong mga oras na iyon.
YOU ARE READING
Worlds Between Us
Historical Fiction| Wattys 2021 Winner | [ Project Memoria ] "The Marcoses have fled the country," anunsyo ng DZRH. Kasabay ng kalayaang minimithi ng aking bayan ay ang pagpapalaya ko... sa nag-iisang mundong kinamulatan. *** Ceres is a Star But he mistook her For...