Kabanata 5: Mata
"Sa tingin mo, may pag-asa ba?"
Idinikit ko ang mga palad sa aking pisngi at bumuntong-hininga. Ang aliwalas ng pakiramdam ko kanina dulot ng mga pagkaing inihanda ni Elena pero dahil sa itinanong niya, bumigat ang dibdib ko.
"Hindi ko alam... Siguro?" sagot ko.
Dismayado siyang napailing. "Ang akala ko ba ay nagkakamabutihan na kayo?"
Kinagatan ko ang turong hawak. "Hindi mahirap maibigan si Aurelius."
"O, iyon naman pala! Anong pumipigil sa iyo?"
Ano nga bang pumipigil sa akin?
"Nagtatampo ka pa rin ba kay Gobernador Carlos dahil hindi niya muna inalam ang nais mo?" Humalukipkip siya.
"Nang... hihinayang lang ako, Elena. Marami pang pagakataon para sa pagpapakasal. Marami pa akong plano para sa sarili ko."
"Hindi mo iyan maiisip kung mahal mo ang taong ipakakasal sa iyo," diretsong komento niya.
Natahimik ako. Siguro nga ay tama siya. Hindi pa ako lubusang nagtitiiwalang gagana ang pagsasama namin kung ang umpisa ay hindi kaaya-aya para sa kahit sinong pinangarap na pakasalan ang taong mahal nila.
Pagkatapos ng pag-uusap namin ay tumungo ako sa balkonahe at nagbasa ng libro. Nawawala kasi ang mga bumabagabag sa akin sa tuwing may binabasa. Tila ba wala akong dapat na alalahanin maliban sa intindihin ang mga salita.
Nahinto lamang ako nang naramdamang may nagmamasid sa akin. Nag-angat ako ng tingin at nadatnan si Aurelius na nakasandal sa hamba.
Tipid akong ngumiti. "Aurelius..."
Naglahad siya ng kamay na tinanggap ko naman. "Saan tayo pupunta?" tanong ko habang binabaybay namin ang labas ng mansyon.
Ipinagsiklop niya ang aming mga daliri at ngumisi. "Sa inyong tubuhan."
Basa ang lupa patungo roon kaya bahagya akong nahirapan sa paglalakad lalo na't sandalyas ang sapin ko sa paa. Kung alam ko lamang na dito kami tutungo ay nagsuot ako ng bota.
Napatingin ako kay Aurelius nang payungan niya ako. Pinagpapawisan na rin siya dahil sa init pero ako lang ang pinasukob niya.
"Sumilong ka rin," utos ko.
Ngumiti lamang siya at umangat ang kaniyang kamay na may hawak na panyo. "Maaari ba?'
Kumunot ang noo ko dahil hindi alam ang itinutukoy niya pero tumango na rin kalaunan. Napakurap-kurap ako nang punasan niya ang pawis ko sa noo. Seryoso lamang siya habang ginagawa iyon.
"Punasan mo rin ang iyo."
Umiiling siya. "Magagamit mo pa ito mamaya."
"Maaari mo rin namang gamitin iyan!"
"Hahawa ang pawis ko rito at kailangan mo ng panyo para mamaya kaya..."
Umawang ang bibig ko at pinigilan ang kaniyang paglalakad. Kinuha ko mula sa kaniya ang panyo. Ako na mismo ang nagdampi niyon sa kaniya. "Ayos lang, Aurelius." Nakitaan ko ng multo ng ngiti ang kaniyang labi.
Hindi ko alam pero tila may gumuhit na sakit sa aking puso. Bakit hindi ko mapagbigyan gayong mabuti naman siyang tao?
Sinalubong kami ni Mang Ruben na may pinapakaing baka. "Magandang tanghali, Senyorita Ceres... Senyorito Aurelius..."
Binati rin naman siya. Sinabi namin ang aming pakay at agad niya naman iyong tinugunan. Inilibot niya kami sa mga taniman at sa kamalig. Inaya niya rin kami sa kubong nagsisilbing pahingahan nila.

YOU ARE READING
Worlds Between Us
Historische Romane| Wattys 2021 Winner | [ Project Memoria ] "The Marcoses have fled the country," anunsyo ng DZRH. Kasabay ng kalayaang minimithi ng aking bayan ay ang pagpapalaya ko... sa nag-iisang mundong kinamulatan. *** Ceres is a Star But he mistook her For...