Wakas
Noong bata pa ako, lagi kong tanaw ang buwan dahil sa pagkamanghang sa mundo lamang natin ito umiikot. Paano ito nananatili kung madami pa namang planeta sa kalawakan? Paano nito nalamang sa dito lamang siya nararapat?
"Iko, uuwi ka sa probinsya ninyo? Tumawag sa akin si Ate Ising kahapon."
Tumango ako kay Tiyo Tiburcio at inilibot ang tingin sa Plaza Miranda. "Pinauuwi na ako ni Ama, Tiyo," tugon ko
Espesyal ang araw na iyon para sa mga taga-suporta ng Partido Liberal dahil ngayon gaganapin ang proklamasyon ng kanilang mga kandidato sa pagka-senador at alkalde ng Maynila.
Isa si Tiyo sa mga loyalista ng samahan kaya hindi niya pinalagpas ang pagkakataong masaksihan ang mangyayari.
"Hindi ka talaga kayang pabayaan ng iyong—"
Hindi na naituloy ni Tiyo ang kaniyang sasabihin nang nakadinig kami ng malakas na pagsabog.
Nakaramdam ako ng pagkahilo ngunit inuna ko munang daluhan si Tiyo na sugatan. Agad ko siyang isinugod sa pinakamalapit na ospital kasabay ng iba pang napuruhan sa pagsabog.
"Tiyak na ang pangulo ang may pakana nito," galit na sabi ni Tiyo.
"Huwag muna tayong magbintang, Tiyo. Ang mahalaga ay ligtas ka."
Marahas siyang umiling at itinuro ang binabasang diyaryo. Naroon ang balita sa insidente. Siyam ang nasawi at higit isang daan ang sugatan. Kabilang doon ang isang senador na naapektuhan ang mata at tainga.
"Kahit ang Liberal, iyon ang sinasabi. Tinanggi ng pangulo at itinuro ang mga Komunista."
Sa mga sumunod na araw, sinuspinde ng pangulo ang Writ of Habeas Corpus. Ginawang dahilan ang pambobomba sa Plaza Miranda upang maisakatuparan iyon.
Inihahanda ko na ang aking mga bagahe ng lapitan ni Tiyo Tiburcio na handa na para sa nakatakda nilang kilos-protesta.
"Pasensya na at hindi kita maihahatid. Magpapaka-bayani pa ang iyong tiyuhin."
Napailing ako at ngumisi. "Maibabalik pa ba ang dati sa paraang ito, Tiyo?" tanong ko.
Nagkibit-balikat siya. "Walang kasiguraduhan pero wala namang mawawala kung susubukan, hindi ba?"
Matapos ang araw na iyon, wala na akong nadinig pa mula kay Tiyo. Kahit ilang buwan na akong nanatili sa probinsya, hindi man lang ako nakatanggap ng tawag o liham mula sa kaniya.
"May lakad ka, Pacifico?"
Si Lorena iyon, anak ni Mang Nestor na galing Maynila. Maganda at sinusubukang makipagkaibigan sa akin pero hindi ko magawang patulan. At kapag ipinagkakanulo ni Ama, tumatahimik na lamang ako.
Hindi rin naman ako mahilig sa mga ganoon. Dati ay napapalapit na rin naman sa mga babae pero hindi na nagpapatuloy. Mas matimbang sa akin ang pag-aaral at kung papasok sa isang relasyon, hindi ko mapagtutuunan ng pansin dahil abala sa pangarap na maging sundalo. Malayo-layo pa nga lamang sa ngayon dahil nag-iipon pa ako ng pantustos sa aking pag-aaral.
Tumango ako at binuhat na ang mga inaning pulot. "Oo. Sa mansion ng mga Veridiano," tugon ko.
"Matatagalan ka? Magpapasama sana ako sa 'yong maligo sa talon."
Ngumisi ako. "Hindi ka marunong lumangoy?"
"Uh. Oo. Kaya nga gusto kong naroon ka," hagikgik niya.
"Matagal 'to. Sigurado," sabi ko na kahit ang totoo ay ibibigay lamang at pagkatapos ay babalik na.
Iniwan ko na siya at tumuloy sa mga Veridiano. Natanaw ako ni Elena kaya sinalubong agad. Kinuha niya mula sa akin ang pulot at inaya akong mag-kape kahit sandali.
![](https://img.wattpad.com/cover/221674133-288-k81325.jpg)
YOU ARE READING
Worlds Between Us
Historical Fiction| Wattys 2021 Winner | [ Project Memoria ] "The Marcoses have fled the country," anunsyo ng DZRH. Kasabay ng kalayaang minimithi ng aking bayan ay ang pagpapalaya ko... sa nag-iisang mundong kinamulatan. *** Ceres is a Star But he mistook her For...